(Note from Tessie Ang See of the NGO Kaisa: )
The piece below is more powerful than anything I've written or spoken. Krysty is in her early 20s, she was born here but of Chinese parents, so she has a Chinese passport .. but wow! read her Tagalog! if she doesnt deserve to be a Filipino, I don't know who does... and since she first wrote for Tulay, when she was just 12 years old, the depth of her love for the Philippines was already very evident. She's one of the many, many, accomplished, dedicated and committed members of Kaisa ... who would give their lives for the Philippines if necessary... are these the people Apostol want deported?
tessy
From: "Krys Choi"
Date: Wed, 13 Feb 2008 00:04:50 +0800
Subject: [kaisa] My ZTE Rant
I think everyone's pretty much riled already, but I just wanted to share my thoughts on the issue. Here's what I posted on my blog Dahil Puno na ang Salop
Magta-Tagalog muna ako ngayon, dahil usapang Pinoy 'to. Magbi-Bisaya din sana ako, kaso ambot eh, kaya Tagalog na lang.
Kagabi, habang pinapanood ko sa TV kung paano gulpihin ng mga kawani ng
gobyerno si Jun Lozada, parang nagka-amnesia ako. Parang sa isang
iglap, hindi ko na maalala kung bakit sa loob ng mahigit dalawampung
taon, ipinagpipilitan kong Pilipino ako, kahit alam kong ayaw sa 'kin
ng bansang 'to.
Pula ang passport ko, kahit dito ako sa
Pilipinas ipinanganak, lumaki, nag-aral at natuto ng katarantaduhan.
Wala akong pakialam sa sinasabi ng Bureau of Immigrations. Pilipinas
ang bayan ko. Pilipino ako.
Pero kagabi, parang hindi ko na
maalala kung bakit pinagsisiksikan ko ang sarili ko sa bansang 'to.
Para ano? Para magpaloko? Para magpagamit? Para gawing tanga?
Buti sana kung sampid lang talaga ako dito. Yun bang nakikikain,
nakikinood ng tv, nakikitawag sa telepono. Pero hindi eh. Buwan-buwan
pagdating sa 'kin ng payslip ko, may kaltas na. Tapos saan napupunta? "This is where your taxes go,"
sabi ng mga nakapaskil na billboard na naglipana sa Pilipinas. Kasama
ang mukha ng taong walang kahit katiting na hiya sa akin -- sa akin na
nagpakahirap na makipagsiksikan sa MRT at nagtrabaho ng mahigit walong
oras bawat araw para lang maipangalandakan niya ang kawalanghiyaan niya.
Buti sana kung hindi ko pera ang pinagtatalunan ngayon sa senado. Buti
sana kung pinupulot ko lang sa kalye yung kinakaltas nilang buwis. Buti
sana kung may mapagkukunan ako ng 130 million dollars eh, pero wala.
Wala.
Ang meron lang ako, yung katiting na perang natitira sa
'kin bawat sweldo, yung baryang tinira ng gobyerno dahil kahit papaano,
meron naman silang awa. Dahil siguro, alam nilang kailangan ko rin ng
pambili ng makakain, at para na rin may ipambayad ako sa e-Vat.
Sa totoo lang, ilang beses na nating paulit-ulit na nakita 'tong
pangyayaring 'to. Lagi pang televised, dahil lahat ng bagay sa
Pilipinas, dapat showbiz. Hindi naman ito ang unang beses na
pinagtangkaan tayong nakawan. Malamang, hindi rin ito ang huli. At, mas
malamang sa hindi, maraming beses na tayong nanakawan ng wala tayong
kaalam-alam.
Pero anak ng tutchang naman, isang beses ko pang
marinig iyang "move on" na iyan, susuka na talaga ako ng dugo. Sa bawat
alegasyon na lumalabas, wala nang sinabi ang gobyerno kundi ito: "Pakana lang iyan ng mga kalaban ng gobyerno, wag tayong magpadala. We need unity. We must move on."
Pero sino ba talaga 'tong kalaban ng gobyerno na punong-abala sa mga
planong destabilisasyon? Bakit parang napakamakapangyarihan niya at
alam niya ang lahat ng nangyayari sa loob at labas ng Malakanyang? Sino
ba siya? Si Lolit Solis?
Simple ang pagkaintindi ko sa linyang
"move on" ng gobyerno eh. Para matahimik ang sambayanan, huwag kang
mag-isip, huwag kang magtanong, huwag kang manggulo. Sa madaling
salita, manahimik ka, para walang gulo. Parang 1984.
Tama,
wala nga namang gulo. Walang gulo para sa mga taong nagpapakasasa sa
bawat sentimong pinaghirapan ng bawat Pilipino (At hindi Pilipinong
tulad ko). Maganda nga naman iyon para sa kanila. Kaso lang, sabi ni
Confucius, injury requits justice. Katarungan ang kailangan, hindi iyang pesteng "move on".
At sino ba talaga sa tingin nila ang niloloko nila?
Hindi ako dalubhasa sa ekonomiya, wala rin akong kaklase na naging
pangulo ng Amerika. Hamak na graduate lang ako ng USTe, dyan sa may
Espanya (yung bahaing kalsada, hindi yung bansa). Pero ipupusta ko ang
buhay ni Boy Abunda sa katotohanang ito: ako, sampu ng
milyun-milyong Pilipino, nakatapos man o hindi -- nakikita namin ang
katotohanan sa likod ng mala-pelikulang drama sa senado. Kitang-kita namin ang bawat kawaning may pinagtatakpan, pati na ang bawat kawaning kailangang pagtakpan.
Maliwanag pa sa noo ni Lozada ang katotohanan.
Hindi ako Pilipino, sabi ng Bureau of Immigrations. Sumasang-ayon ang
birth certificate ko, pasaporte at iCard. Pasensya na. Wala kasi akong
pambili ng pagka-Pilipino, di tulad ng mga banyagang kayang-kayang
bilhin ito. Hindi ako smuggler, drug lord o artista. Hindi ko afford
ang berdeng pasaporte. Pero kahit ayaw sa 'kin ng Pilipinas, nandito pa
rin ako.
Ilang beses ko nang sinabi sa mga kaibigan at kaanak
ko ito. Kung hindi rin lang kakailanganin, wala akong planong iwan ang
Pilipinas, kahit mamatay akong banyaga sa bayang kinalakhan ko. Hindi
ko kayang iwan ang Maynila, ang maduming fishball, ang Parokya ni
Edgar, pati si Robin Padilla.
Pero kagabi, sa unang
pagkakataon, parang napagod na ako. Sa kauna-unahang pagkakataon,
parang nasuya na talaga ako. Sa kauna-unahang pagkakataon, parang
naubos na ang lahat ng pag-asa sa puso ko. Naitanong ko:
Hanggang dito na lang ba talaga tayo?