(FILIPINO VERSION) Talking Points for Dialogue on the RH BILL

52 views
Skip to first unread message

simbahan...@gmail.com

unread,
Nov 10, 2010, 4:36:32 AM11/10/10
to slb...@googlegroups.com
(FILIPINO VERSION) Talking Points for Dialogue on the RH BILL


 Magkasamang pahayag ng Loyola School of Theology at John J. Carroll Institute on Church and Social Issues

Ilang Punto para sa Makabuluhang Dayalogo Kaugnay sa Panukalang Batas para sa Kalusugan ng Paglikha-ng-Buhay (HB 96; filed July 1, 2010)    


Akda nina P. Eric O. Genilo, S.J.; P. John J. Carroll, S.J.; at P. Joaquin G. Bernas, S.J. 
Salin sa Filipino ni J. Vibar Nero


    Ang pagkakahati-hati nang walang patutunguhan ng lipunang Filipino dahil sa Panukalang Batas kaugnay sa Kalusugan ng Paglikha-ng-Buhay[1] ay nakapanghihina ng loob at nakakadismaya sa mga Filipino. Nakalulungkot na ang debate ay nakatuon lamang sa pagpasá o pagbasura ng Panukalang Batas sa kasalukyan nitong anyo. Alinman sa dalawa ay hindi makabubuti sa mga Filipino. May mga seryosong depekto ang Panukalang Batas na nakikita ng Simbahan na maaaring humantong sa paglabag sa mga karapatan ng tao at sa kalayaan ng konsiyensiya. Hindi katanggap-tanggap na ito’y ipasá sa kasalukuan nitong anyo. Gayunman, ang pagbasura rito sa kabuuan ay hindi makapagpapanibago sa kasalukuyang kalagayan ng mataas na antas ng mortalidad ng mga sanggol at mga ina, at ng aborsiyon[2]. Ang pagpapahinto sa ganitong di-makataong kalagayan ay isang atas na moral. Kailangan ang isang ikatlong opsiyon: mapanuri at mapagbuong pakikisangkot. Sa sama-samang punyagi na ituwid ang di-kanais-nais na mga probisyon ng Panukalang Batas at mapanatili ang mga probisyong mag-aangat sa buhay ng mga Filipino, ang parehong panig ng mga tumataguyod at sumasalungat ay maaaring makapag-ambag sa pagtatanggol ng dignidad ng mga Filipino at sa pag-angat ng kanilang buhay.
 
    Ang sumusunod ay mga punto para sa makabuluhang dayalogo at negosasyon hinggil sa hindi kanais-nais na mga bahagi ng Panukalang Batas:

Ang Pagtataguyod ng Buhay ng Tao at ang Saligang-Batas

• Idiniriin ng Simbahan ang pagprotekta sa buhay ng tao sa sandali ng pagsasanib ng tamod ng lalaki at ng hinog na itlog ng babae (fertilisasyon). Ang tanong na kailangang sagutin ng Estado ay kung ito rin ba ang papanigan niya sa pagtataguyod ng buhay ng tao. 

• Sinasabi ng Saligang-Batas ng Pilipinas na ipagsasanggalang ng Estado ang buhay ng di-pa-isinisilang na sanggol sa simula ng konsepsiyon[3]. Hindi nakasaad sa Konstitusyon kung ang ibig sabihin ba ng konsepsiyon ay fertilisasyon o ang pagpasok ng maliit na buhay ng tao (embriyon) sa bahay-bata ng ina (implantasiyon). Tila ang killing ng Constitutional Commission ay nasa fertilisasyon. Ang depinisyon ng konsepsiyon ay magkakaroon ng bigat kung ipahihintulot ba ng batas ang mga kontraseptiba na pumipigil sa pagpasok ng embriyon sa sinapupunan ng ina o hindi. And depinisyong ito ng konsepsiyon sa Saligang-Batas ay kailangang masusing sipatin ng mga dalubhasa sa medisina at sa batas nang sa gayun mailapat ang mga salik na magtatakda ng hanggahan kung anong mga serbisyong pangreproduktibo ang maibibigay ng Panukalang Batas.

Mga Kontraseptiba na Pumipigil sa Pagpasok ng Embriyon sa Sinapupunan ng Ina

• Nasa mata ng kontrobersiya kaugnay sa aborsyon at sa Panukalang Batas para sa Paglikha-ng-Buhay ang mga IUD at ibang gamot-kontraseptiba at mga paraan na maaaring makapigil sa pagpasok ng embriyon sa sinapupunan ng ina, na para sa Simbahang Katoliko ay may epekto ng paglaglag-ng-sanggol (abortifacient). [Iba ang pagtalakay ng Turo ng Simbahan sa mga kontraseptibang walang epekto ng paglaglag-ng-sanggol. Ipinagbabawal sila sa mga Katoliko ngunit pinahihintulutan sila ng ibang relihiyosong tradisyon.]

• Panukala: Kailangan munang tiyakin ng Estado ang isang malinaw na posisyon kung itinuturing ba niya na ang pagpigil sa pagpasok ng embriyon sa sinapupunan ng ina ay isang aborsyon. Kapag pinili niya ang ganitong posisyon, kailangan magkaroon ng maingat at siyentipikong ebalwasyon ng bawat medisina at paraan na binabanggit ng Panukalang Batas. Yaong mga gamot at paraang kontraseptiba na tiyak na may epekto ng paglaglag-ng-sanggol ay agarang ipagbabawal, maipasá man o hindi ang Panukalang Batas.

Angkop sa Gulang, Nakaugat sa Pagpapahalaga, Integral na Edukasyon hinggil sa Sekswalidad ng Tao

• Nababahala ang Simbahan sa panukalang sapilitang pagtuturo ng kurikulum ng edukasyong pangsekwal sapagkat pipilitin nito ang mga gurong Katoliko na magturo ng bahagi ng kurikulum na di-katanggap-tanggap sa mga Katoliko. Nababahala pa ang Simbahan na ang karapatan ng mga magulang na magpasya para sa edukasyon ng kanilang mga anak ay sasagkaan ng nasabing sapilitang kurikulum para sa lahat ng paaralan.

• Panukala. Para sa layuning itaguyod ang kalayaang akademiko at igalang ang mga relihiyosong tradisyon, hindi kaya kailangang igalang ang karapatan ng mga relihiyosong paraalan na magtakda at magsakatuparan ng sarili nilang kurikulum sa edukasyong pangsekwal ayon sa kanilang relihiyosong tradisyon? Para sa mga publikong paaralan at mga di-relihiyosong pribadong paaralan, maaaring magtalaga ng lupon ng mga kinatawan ng mga magulang, mga guro, mga daluhasa sa pagtubo ng bata at sikolohiya, mga dalubhasa sa medisina, at mga kinatawan ng mga relihiyosong tradisyon na maaaring sumulat ng kurikulum ng edukasyong pangsekswal at maaaring subaybayan ng DepEd ang implementasyon. Ang mga magulang ng mga batang nasa publikong paaralan ay dapat magkaroon ng karapatang huwag papasukin ang kanilang mga anak sa klase ng edukasyong pangsekswal kung ang kurikulum ay hindi nila matatanggap. Ipinahihintulot ng Saligang-Batas ang relihiyosong pagtuturo sa mga publikong paaralan kung may nakasulat na pahintulot ang mga magulang. Kailangan bang isaad ang katulad na probisyon kaugnay sa edukasyong pangsekswal? Dapat ding igalang ng Panukalang Batas ang tapat na pagtutol ng indibidwal na mga guro na tumatangging ituro ang isang kurikulum sa sekswalidad na lumalabag sa kanilang relihiyosong paniniwala.

Pagbibigay ng Impormasyon hinggil sa Kalusugan ng Paglikha-ng-Buhay at mga Serbisyo para sa  Lipunan na Binubuo ng Maraming Grupong Relihiyoso

• Kahit na mga Katoliko ang mayoryang populasyon ng bansa, kailangang tiyakin ng ating demokratikong sistema na ang mga publikong patakaran ay hindi itinatakda ng mayoryang boto lamang, bagkus ito’y bunga rin ng masinop na pagtitimbang ng lahatang kabutihan, kasama ang mga hindi Katoliko.

• Hindi kinikilala ng Kalipunan ng mga Turong Panlipunan ng Simbahan ang anumang pagpataw ng mayorya ng pamantayan na bumabalewala sa mga karapatan ng menorya.  “Dahil sa kanyang kaugnayan sa kasaysayan at kultura ng isang bansa, ang isang relihiyosong komunidad ay maaaring mabigyan ng bukudtanging pagkilala sa bahagi ng Estado. Ang pagkilalang ito ay di dapat lumikha ng anumang diskriminasyon sa loob ng sibil o panlipunang kaayusan para sa ibang rehiliyosong grupo.” (#422) “Pananagutan ng mga namamahala na bigyang-linaw ang lahatang kabutihan ng kanilang bansa, hindi lamang ayon sa mga panuntunan ng mayorya bagkus ayon din sa mabisang kabutihan ng lahat ng kasapi ng komunidad, kasama ang menorya.” (#169)

• Tungkulin ng iba’t ibang relihiyon na turuan ang kani-kanilang mga mananampalataya at hubugin ang kanilang konsensiya tungkol sa kung ano ang ipinahihintulot at ipinagbabawal ng kanilang relihiyosong tradisyon kaugnay sa pagpaplano ng pamilya. Tungkuling ng gobiyerno na magbigay ng tumpak at masaklaw na impormasyon tungkol sa lahat ng di-naglalaglag-ng-sanggol (ayon sa depinisyon ng batas) na mga paraan ng pagpaplano ng pamilya na mayroon. Sa gayun, ang mga konsensiya ay higit na magiging handa na gumawa ng matalinong pagpili alinsunod sa kanilang relihiyosong tradisyon.

• Panukala.  Maaaring magkaroon ng dalawang hiwalay ngunit magkasabay na programa sa pagbibigay ng impormasyon at pagsasanay: isa para sa Natural na Papaplano ng Pamilya (NPP), at ang isa pa para sa artipisyal na paraan ng pagpaplano ng pamilya (na may hiwalay na badyet). Ang pagkakahiwalay ng dalawang programa ay titiyak na ang NPP ay magkakaroon ng sapat na pondo at yaong mga tagapagsanay na nais magturo ng NPP lamang sa mga relihiyosong dahilan ay hindi maaaring pilitin na magturo ng mga artipisyal na metodo. Ang konsensiya ng mga health workers at mga tagapagsanay ay kailangang igalang. Kung ang isang Katolikong health worker o tagapagsanay ay tumututol ayon sa kanyang konsensiya na magturo ng mga metodong makapipigil-sa-pagpasok-ng-embriyon-sa-sinapupunan-ng-ina, kailangang pahintulutan siyang magturo ng mga metodong NPP lamang.    

Mga Hanggahan para sa  Probisyong Walang-Diskriminasyon

• Ipinagbabawal ng kasalukuyang Panukalang Batas ang tanggihan ng mga serbisyong lingap-pangkalusugan at impormasyon ang pasiyente batay sa estado ng pag-asawa, kasarian o oriyentasyong sekswal, gulang, relihiyon, personal na mga sirkumstansiya, at uri ng trabaho. Kailangang lagyan ng hanggahan ang probisyong ito. Halimbawa, kung ang isang doktor ay tumangging maglagay ng IUD sa isang menor-de-edad na humihiling nito, ang ganoong pagtanggi ba ay matatawag na diskriminasyon batay sa gulang?

• Kailangang bang patas na ipataw ang nasabing probisyon pareho sa mga publiko at pribadong nagbibigay ng lingap-kalusugan, o di kaya dapat bigyang luwag ang mga pribadong praktisyoner sa pagsasakaturapan ng kanilang medisina ayon sa nakikita nilang dapat?
Pananagutan ng mga Employer

• Hindi dapat utusan ang mga employer na magbigay ng mga serbisyo sa kalusugang reproduktibo sa mga CBA ng kanilang mga empleado. Ang pagpataw ng ganitong mandato ay isang paglabag sa konsensiya ng mga Katolikong employer.

• Panukala. Hindi kailangan ang ganitong probisyon sapagkat ang pangkalahatang medikal na saklaw ng Philhealth, na kailangang sundin ng lahat ng employer, ay nagbibigay ng naturang serbisyong pangkalusugang reproduktibo kapag hinihiling ng empleado. Pinahihintulutan nito ang mga employer na may mga relihiyosong pagtutol sa mga kontraseptiba at isterilisasyon (pagkapon) na maiwasan ang tuwirang pakikikutsaba sa pagbibigay ng naturang mga metodo ng pagpaplano ng pamilya sa kanilang mga empleado.

Kontrasepsiyon bilang Mahalagang Gamot sa mga Sentrong Pangkalusugan at Ospital ng Pamahalaan 

• Tinututulan ng Simbahan ang probisyong ito dahil itinuturing nitong isang sakit ang pagbubuntis.

• Panukala. Ang usapin kung ang mga kontraseptiba ba ay mahahalagang medisina o hindi ay dapat bigyang tugon ng isang lupon ng mga matapat na dalubhasa sa medisina tulad ng Philippine Medical Association. Sa katotohananan, ano ba talagang karamdaman ang pinipigil ng mga kontraseptiba? Makakatulong kung makapagpapakita ng mga kaso kung na ang paggamit ng isang kontraseptiba ay isang tukoy na lunas medikal para sa tukoy na karamdaman o kalagayang medikal na nangangailangan ng dagliang lunas. Kung ang ilang kontraseptiba sa katapusan ay napagpasyahang bilang mahahalaga o pandagliang lunas na mga medisina na dapat iimbak sa mga sentrong pangkalusugan at mga ospital ng pamahalaan, walang mga kontraseptiba na may epekto ng paglaglag-ng-sanggol ang dapat ipahintulot.

Kalayaan ng Pagpapahayag 

• Panukala. Ang probisyon ng Panukalang Batas na nagpapataw ng parusa sa malisyosong pagbaluktot-ng-impormasyon laban sa intensiyon at mga probisyon ng Panukalang Batas ay kailangang kinisin sa pamamagitan ng malinaw na paglalarawan kung ano ang saklaw ng “malisyosong pagbaluktot-ng-impormasyon”, o kung hindi ito magagawa, nararapat na burahin nang tuluyan ang naturang probisyon.
Pamanatayan sa Pagsasakatuparan

• Panukala. Ang lupon na mangangasiwa sa Pamantayan ng Pagpapatupad ng Panukalang Batas ay kailangang may mga kinatawan mula sa mga pangunahing relihiyosong tradisyon upang matiyak na ang mga karapatan ng mga tao ng iba’t ibang pananamplataya ay maitaguyod.

Layon ng mga panukala sa itaas na magsimula ng mapagbuo at may paggalang na dayalogo tungo sa kongkretong mga hakbang na magtutuwid sa Panukalang Batas para sa Kalusugan ng Paglikha-ng-Buhay. Inaasahan nito na isasantabi ng mga panig na sangkot sa debate ang matigas nilang posisyon at isasaalang-alang ang negosasyon bilang isang positibong hakbang patungo sa pagbabayanihan para sa kapakanan ng lahat ng Filipino, na may bukod na pagtangi sa mga di-pa-isinisilang-na-sanggol, kabataan, kababaihan at mga pamilyang sadlak sa mahirap na kalagayan.
 
At panghuli, maaari nating ibaling ang ating diwa sa isang Kristiyanong salawikain bilang gabay natin sa ating paghahanap ng mga kasagutan at lunas kaugnay sa Panukalang Batas para sa Kalusugan ng Paglikha-ng-Buhay: “Sa mahahalagang bagay, pagkakaisa; sa di-mahahalagang bagay, kalayaan; at sa lahat ng bagay, kabutihan.” Sa mga bagay kaugnay sa pagtataguyod ng buhay at dangal ng tao, kailangan nating magkaisa para sa kabutihan ng lahat. Sa mga bagay na maaaring iwanan sa pagpapasya ng indibidwal nang hindi nalalabag ang buhay at dignidad ng tao, kailangang igalang natin ang kalayaan ng konsensiya ng bawat Filipino, Katoliko man o hindi. Sa ating mga pag-uusap, kailangan nating magsalita at kumilos nang may bait at dunong bilang mga kasapi ng iisang pamilya at komunidad ng mga tao.
______________________
 
[1] Reproductive Health Bill (House Bill #96).
[2] Pagpapalaglag sa di-pa-husto-sa-buwan na sanggol sa sinapupunan.
[3] Ayon sa mga dalubhasa, iisang proseso ang konsepsiyon at fertilisasyon: “pagsasanib ng tamod ng lalaki at ng hinog na itlog ng babae.”.Ang konsepsiyon ay higit na kilala ng mga Filipino sa kahulugan ng ‘paglilihi’.







Google Docs makes it easy to create, store and share online documents, spreadsheets and presentations.
Logo for Google Docs
Reply all
Reply to author
Forward
0 new messages