... we pray...
O Dios na mahabagin,
tiklop tuhod kaming sa Iyo’y walang patid na mananalangin.
Isang taon na ang nakalilipas at wala pa ring nababanaagang lunas:
Para sa mga kapatid na pinaslang sa Maguindanao
ang daan tungo sa hustisya’y wala pa ring linaw.
Dumudulog kami, O Diyos na maawain
para sa kanilang mga biktima ng karahasan.
Hayaang maghari sa kanila ang Iyong kapayapaan
habang ang mga may sala ay Iyo namang usigin
upang ang nararapat na katarungan
ay sadya nilang harapin .
.
O Ikaw na Ama ng Sanlibutan,
tipunin mo kami bilang Iyong bayan
upang sa Iyong piling ang pait ng nakaraan
ay unti-unting maibsan
ng pagmamahal mong walang hanggan.
At sa Iyong patuloy na pag-aaruga sa amin na nangungulila,
biyayaan mo nawa kami ng lakas ng loob upang mapaglabanan
ang iba pang kasamaan
nang sa gayoo’y maghari nawa ang katotohanan.
Hayaan ding higit pang mag-alab sa aming mga puso’t isipan
ang pagnanasa’t pag-asa na ang katarungan,
sa kalauna'y ganap ding makakamtan.
At sa kahuli-hulihan,
laging ipaalaala sa aming dumudulog sa Iyong harapan,
sa Krus kung saan ang Iyong Anak ay nakabayubay,
doon din kami nakatanggap ng kaligtasan at walang hanggagang buhay.
Kung paanong hindi Mo nilisan ang Iyong mahal na Anak, gayon din namang sasaluhan mo kami sa dusa’t hirap.
Siya na ninais Mong muling mabuhay
Siya’y mananatiling aming pag-asa’t sandigang tunay.
O Diyos na mapagmahal at mahabagin,
sa Iyong piling hikbi ng aming mga puso
Iyo nang tuluyang patahanin.
Amen.