PITONG TANONG SA MULTILINGUAL EDUCATION

1,325 views
Skip to first unread message

Narvaez Eilene Antoinette

unread,
Sep 27, 2010, 12:56:27 AM9/27/10
to galileo zafra, isaga...@gmail.com, rogelio mangahas, rgman...@hotmail.com, jun balde, Roberto Añonuevo, Roberto Anonuevo, grace zilmar, sawi...@googlegroups.com, angelie taganahan, pyk...@gmail.com, vim nadera, Ruby G. Alcantara, cora alvina, becky anounuevo, gi kasilag, girlie aragon, jerry gracio, ynna abuan, Dang_Fortale...@abs-cbn.com, will ortiz, Jelson Capilos, ramil correa
Kalakip po ang pinal na artikulo ni Sir Rio hinggil sa Multiningual Education ng DepEd. Pakikalat po.

Salamat po.


=======================================================================================================


PITONG TANONG SA MULTILINGUAL EDUCATION

 

ni Virgilio S. Almario

 

 

Unang Tanong: Kailangan ba ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MLE)?

 

            Walang duda: KAILANGAN ang MLE. Matagal na itong sinabi ni Najib Saleeby noong 1924 nang suportahan niya ang ulat ng Monroe Commission na bigo ang paggamit ng monolingguwal na edukasyon sa Ingles. Higit na mabilis na matututo ang batàng Filipino kung wika nila ang gagamitin sa pag-aaral. Ito rin ang batayan ng 1935 Kumbensiyong Konstitusyonal sa pagpilì ng isang wika batay sa isang katutubong wika bilang wikang pambansa sa halip na Ingles.

 

            Matagal na ring nakadambana sa mga simulaing pangkultura at pang-edukasyon ng Unesco ang paggálang sa mga wika ng bansa at pagkilála sa wikang katutubo bilang higit na mabisàng wika ng edukasyon. At pinatunayan na ng mga eksperimento noon pa sa iba’t ibang lugar ng Filipinas na epektibo ang paggamit ng wikang katutubo—kahit na ang wikang pambansang Filipino—sa pagtuturo kaysa Ingles. Kayâ katawa-tawa na parang ngayon lang nágisíng at natuklsan ng DepEd ang halaga ng paggamit ng wikang katutubo sa edukasyon. Katawa-tawa na parang pagkatapos lang ng eksperimento sa Lubuagan namulat ang lingguwistaserong tulad ni Dr. Ricardo Nolasco na mabisà ang kahit anong wika ng batà kung ito ang gagamitin sa pagtuturo sa kaniya. Sa gayon, nitóng 14 Hulyo 2009, inilabas  ang DepEd Order No. 74 na may pamagat na “Institutionalizing Mother Tongue-Based Multilingual Education (MLE).”

 

Ikalawang Tanong: Ano ang bago sa DepEd Order No. 74?

 

            Sa batayang pang-edukasyon at pangwika, wala. Inulit lang ang alam na ng lahat na (1) mas mabilis matutong bumása ang batà pag unang wika ang ginamit; (2) ang batàng natutong bumàsa at sumulat sa unang wika ay mas mabilis matutong bumàsa, sumulat, at magsalita sa ikalawa at kahit ikatlong wika; (3) ang batàng natutong bumása at sumulat sa unang wika ay mas mabilis matuto ng ibang kompetensi.

 

            Ang bago ay ang pagkilála sa Mother Tongue-Based Multilingual Education bilang “fundamental educational policy and program” ng Kagawaran sa buong panahon ng edukasyong pormal kasama ang pre-school at ang Alternative Learning System (ALS). Kaugnay nitó, iniaatas sa unang tatlong taon ang implementasyon ng tinatawag na “MLE Bridging Plan,” isang plano para sa pagbuo at produksiyon ng mga kagamitang panturo sa mga itinakdang wika ng paaralan, dibisyon, at rehiyon, lalo na sa panimulang pagbabasá at panitikang pambatà, at ang paggamit ng unang wika ng mga mag-aaral bilang pangunahing wikang panturo (MOI) mula pre-school hanggang Grade 3.

 

            Sa plano, ang Filipino, Ingles, at iba pang dagdag na wika ay ipakikilála bilang bukod na sabjek sa isang maingat at sistematikong paraan at hindi dapat mangyari ito bago mag-Grade 2. Kung handa na ang mag-aaral, unti-unting gagamitin bilang wikang panturo ang Filipino at Ingles mulang Grade 3. Patuloy na gagamitin ang unang wika bilang wikang pantulong sa pagtuturo. Sa antas sekundarya, bumalik sa Patakarang Bilingguwal dahil Filipino at Ingles ang magiging pangunahing wikang panturo. Patuloy na gagamitin ang unang wika bilang auxiliary medium of instruction.

 

Ikatlong Tanong: Pinalitan ba ng MLE ang Patakarang Bilingguwal sa edukasyon?

 

            Hindi malinaw kung pinalitan o hindi ang Patakarang Bilingguwal. Ngunit kung maniniwala sa  DepEd Order No. 74 na ang MLE ang siya nang “fundamental educational policy and program” ng Kagawaran ay maaaring sabihin na ipinapalit na ito sa Patakarang Bilingguwal. Gayunman, waring hindi naman ganap na ibinasura ang Patakarang Bilingguwal dahil ang “MLE Bridging Plan” sa antas sekundarya ay hindi nagbabago. Masigasig lamang, sa gayon, ang “MLE Bridging Plan” sa pagbago ng antas elementarya, lalo na sa Grades 1-3. Gayunman, dapat tandaan na ang “MLE Bridging Plan” ay isang tulay o pansamantalang plano lamang sa loob ng darating na tatlong taon. Kung magtagumpay ang MLE at ituloy ang paggamit ng unang wika hanggang Grade 6, posibleng pag-isipan ang pagpapatuloy ng programang MLE hanggang antas sekundarya.

 

            Walang tiyak na hanggahan ang implementasyon ng DepEd Order No. 74.

 

            Sa kabilâng dako, malinaw na sinusugan na ng DepEd Order No. 74 ang kasalukuyang implementasyon ng Patakarang Bilingguwal sa antas elementarya. Maaari bang ang isang Patakarang Bilingguwal ng isang Board of National Education (BSE) ay baguhin/susugan sa pamamagitan ng isang atas ng Kalihim ng Kagawaran? Kung puwede, may batayang saliksik kayâ na pinagsandigan ang pagsususog? Ang ibig sabihin, may pag-aaral ba na  bigo ang iskema ng pagtuturo sa antas elementarya mulang 1974 alinsunod sa Patakarang Bilingguwal?

 

Ikaapat na Tanong: Gagamitin ba ang lahat ng unang wika ng Filipinas sa MLE?

 

Dapat. Iyon ang ekspektasyong  ibinunga ng pagpapalaganap ng DepEd, ng SIL, at ni Dr Nolasco sa resulta ng eksperimento sa Lubuagan. Isang munting nayon ang Lubuagan at may sariling diyalekto. Ngunit ipinakita diumano ng eksperimento na higit na mabilis natuto ang mga batà sa Lubuagan dahil ginamit ang kanilang unang wika sa pagtuturo. Napakagandang halimbawa!

 

            May mahigit 150 wika’t wikain sa buong Filipinas. Sa ilalim ng simulaing unang wika, at upang ganap na maging epektibo ang MLE, kailangang gamitin ang 150 wika’t wikaing ito sa mga paaralan ng bansa. Kailangang maghanda ng mga kasangkapang panturo sa 150 wika’t wikain. Kailangang magdeploy ng mga guro sa buong bansa na may kahandaan ang bawat isa sa isa sa 150 wika’t wikain. Kailangan din pagkuwan na maghanda ng mga test sa 150 wika’t wikain.

 

            Posible ba ito? Imposible. Ngayon nga at sa ilalim ng Patakarang Bilingguwal ay hindi nasusunod ang produksiyon ng isang aklat-bawat mag-aaral sa Grades 1-3. Bukod pa, maraming puna sa kalidad ng kasalukuyang mga teksbuk. Hindi nakapagdedeploy ng kahit 90 % gurong mahusay at totoong may kahandaan sa paggamit ng Filipino o Ingles.

 

            Kayâ may palusot ang DepEd Order No. 74, na gagawa lamang ng mga librong panturo sa mga “itinakdang wika” (assigned language) sa paaralan, dibisyon, at rehiyon. Ang tsismis ngayon, naghahanda lamang ng mga aklat panturo sa walong wikang rehiyonal. Dahil iyon lamang daw ang káya ng DepEd saanman sipatin. Iyon lamang ang káya ng pondo ng DepEd. Iyon lamang ang káya ng mga opisyal, kasangguni, at  resource persons ng DepEd.

 

            Hindi ba’t isang panlilinlang sa gayon ang MLE? Bakit hindi na lamang sinabi na gagawing rehiyonal ang wikang panturo? Sa gayon, hindi aasa ang mga anak ng Higaonon, Manobo, Subanun, Sama, Ibaloy, Mangyan, Tagbanwa, Sulod, atbpang pangkating etniko na ang unang wika nila ang gagamitin sa kanilang pag-aaral. Kahit hindi iyon ang ikinalat na diwa ng eksperimento sa Lubuagan. Hindi iyon ang totoong simulain ng mother tongue sa Unesco. Sa pamamagitan ng “itinakdang wika” ng rehiyon, hindi ba’t isang panlilinlang ang MLE sa DepEd Order No. 74? At kung sakali, hindi kayâ isang taktika lamang ito upang bimbinin ang puspusan at pambansang paggamit sa Filipino bilang wika ng edukasyon?

 

Ikalimang Tanong: Umaalinsunod ba sa tadhanang pangwika ng 1987 Konstitusyon ang MLE?

 

            Sa isang bandá, at batay sa kasalukuyang target na mga wikang panturo ng DepEd, hindi. Sa loob ng Seksiyong 6-7 ng Artikulo XIV ng 1987 Konstitusyon ay may tadhanang “The regional languages are the auxiliary official languages in the regions and shall serve as auxiliary media of instruction therein.” Ang totoo, matagal na itong nangyayari sa mga silid-aralan sa labas ng Katagalugan. Matagal nang ginagamit ng mga guro sa Naga ang wikang Bikol, ng mga guro sa Mactan ang wikang Sebwano, ng mga guro sa Vigan ang wikang Iluko, o ng mga guro sa Iloilo ang wikang Hiligaynon, sa kanilang pagtuturo. Matagal nang alam ng mga guro at isinasapraktika ang MLE kahit walang DepEd Order No. 74.

 

            Sa kabilâng bandá, maliwanag na salungat ang DepEd Order No. 74 sa diwa ng  pangunahing tadhana ng Artikulo XIV. Bukod sa pagkilála sa Filipino bilang wikang pambansa, nakasaad din sa 1987 Konstitusyon na: “Subject to provision of law and as Congress may deem appropriate, the Government shall take steps to initiate and sustain the use of Filipino as a medium of communication and as language of instruction in the educational system.” (Akin  ang italiko) Ang ibig sabihin, ang dapat gawin ng mga ahensiya ng Gobyerno ay gumawa ng mga hakbang para sa totoo at lubusang paggamit sa Filipino bilang wikang panturo sa buong sistemang pang-edukasyon. Kayâ kung totoo ang hinala na isang taktika lamang ang DepEd Order No. 74 para bimbinin ang totoo at lubusang paggamit ng Filipino bilang wikang panturo ay sinasalungat nito ang espiritu ng Konstitusyon.

 

            Dapat tandaan na ang pagtatadhana sa Filipino bilang wikang pambansa ay isang paraan ng pag-alinsunod sa ganap na kabuluhan ng isang wikang katutubo kaysa isang wikang banyaga (ang Ingles) bilang wikang pambansa at wikang panturo. Sa ngayon, ang Filipino ay isa nang pambansang lingua franca at ginagamit sa iba’t ibang paraan ng mahigit 90 % ng taumbayan. May nakahanda na ring aklat panturo sa Filipino mulang pre-school hanggang high school. Kung hindi rin lamang totoong gagamitin ang mga unang wika ng Filipinas, ano ang totoong kabuluhan ng MLE na mga wikang rehiyonal lamang ang gagamiting panturo? Grabeng dagdag na gastos ito para sa bagong teksbuk, para sa bagong pagsasanay ng mga language teacher. Bukod sa magastos ay magiging hadlang ito sa totoo at lubusang paggamit sa Filipino bilang wikang panturo. Sa liwanag ng katwirang ito, lalong salungat sa 1987 Konstitusyon ang panukalang-batas na “Multi-Lingual Education Bill” ni Rep. Magtanggol T. Guinigundo I.

 

Ikaanim na Tanong: May dagdag bang kabuluhan ang bill ni Congressman Guinigundo sa DepEd Order No. 74?

 

            Oo. Ibig ni Congressman Guinigundo na maging batas ang isang atas pangkagawaran at maging legal ang isang order na maaaring salungat sa tadhanang pangwika’t pang-edukasyon ng Konstitusyon.

 

            OO. Sa bill ni Congressman Guinigundo ay malinaw nang ang unang wika ang magiging wikang panturo mulang pre-school hanggang Grade 6. Pinalalaganap nitó ang mabuti ngunit mapanlinlang na impresyon na ang unang wika ay nangangahulugang ang lahat ng mahigit 150 wika’t wikain ng Filipinas at ang mga ito ang gagamiting wikang panturo sa mga paaralan. Sa maikling salita, bahagi ang bill ng malaking kasinungalingan hinggil sa MLE ng DepEd Order No. 74.

 

            Oo. Sa bill ni Congressman Guinigundo, mananatiling sabjek lamang ang Filipino kapantay ng Ingles sa antas elementarya. Na isang demosyon sa istatus ng Filipino bilang wikang panturo sa kasalukuyang Patakarang Bilingguwal at kabaligtaran ng dapat isagawang hakbang ng Kongreso kung nais nitong isulong ang kapakanan ng Filipino bilang wikang pambansa at wikang panturo sa buong sistemang pang-edukasyon.

 

Ikapitong Tanong: Kailangan ba ang DepEd Order No. 74 at Guinigundo bill?

 

            Kung hindi rin lamang matutupad ang totoong simulain ng MLE, walang silbi ang DepEd Order No. 74 at ang Guinigundo bill. Ang planong pagpapatupad ng DepEd Order No. 74 ay malinaw nang nakasaad sa 1987 Konstitusyon at isinasapraktika ng mga guro para sa mas mabisàng pagtuturo at para sa mas mabilis na pagkatuto ng mga batà. Ang mas mainam at dapat gawin ng DepEd ay atasan ang mga superbisor at prinsipal na huwag bawalan at sa halip ay tulungan pa nga ang mga guro sa paggamit ng mga wikang rehiyonal bilang auxiliary language of instruction. Dapat bigyan ng laya ang mga guro ng Agham at Matematika na gumamit ng wikang mas alam nilang gamitin kung makatutulong iyon sa mas mabisàng pagtuturo ng kanilang sabjek.

 

            Kung tunay na mahal ni Congressman Guinigundo ang pagpapahusay sa edukasyon ng kabataang Filipino at ang pagtupad sa Konstitusyon, panahon nang gumawa ng mga makabuluhang hakbang ang Kongreso tungo sa totoo at lubusang paggamit sa Filipino bilang wikang panturo. Puwede siyang sumulat ng panukala para maglagay ng higit na pondo para sa Komisyon ng Wikang Filipino para sa pagsulat at produksiyon ng mga teksbuk sa iba’t ibang disiplina mulang high school hanggang kolehiyo, ng panukala para sa dagdag na training ng mga guro sa Filipino para mapahusay ang pagtuturo sa Filipino kasabay ng pagsasanay sa mga guro ng Ingles at Agham at Matematika.

 

            (May dalawang lubhang nakatatawa sa kasalukuyang paksa. Una, nakasaad sa DepEd Order No. 74 na namulat din sa wakas ang DepEd na ang lahat ng bansang topnotcher sa TIMSS ay gumagamit ng wikang pambansa sa pagtuturo ng Agham at Matematika. Ngunit hindi binabago ng MLE ang lumang iskema ng paggamit ng Ingles sa pagtuturo ng Agham at Matematika. Ikalawa, kailangan daw ang MLE, wika ni Congressman Guinigundo sa kaniyang bill, para maging competitive ang mga graduate sa global market.  Ha? O ang ibig niyang sabihin ay dapat itodo ang pagtuturo ng Ingles, gaya ng gusto ng maraming lider sa Kongreso na “itapon” sa ibang bansa ang mga edukadong Filipino?)

 

Kung tunay namang mahal niya ang mga wikang katutubo ng Filipinas, dapat siyang magpanukala ng higit na pondo para sa saliksik at preserbasyon ng mga wikang katutubo ng bansa. Upang mabuhay, kailangang gamitin ang mga wikang katutubo sa loob at labas ng paaralan. (Nakadidiri ang iilang tagapagtanggol kuno ng wikang katutubo ngunit gusto lamang isulong ang Ingles at patayin ang Filipino.) Kailangang magbigay ng insentibo para sa pagsulong ng panitikan sa mga wikang katutubo, bukod sa kailangang mailahok ang mga ito sa pagpapaunlad ng Filipino bilang wikang pambansa.

 

Kung mahal naman niya ang Ingles, dapat siyang magpanukala ng mga totoong paraan para mapahusay ang pagtuturo ng Ingles. Kailangang may espesyal na probisyon ang kurikulum para sa dagdag na pag-aaral ng Ingles at ibang wikang banyaga para matugunan ang sektor na nangangailangan at mahilig sa mga wikang ito.

 

            Ang daming dapat gawin para masunod ang 1987 Konstitusyon nang hindi kailangang linlangin ang bayan at nang hindi kailangang hadlangan ang pagsusulong sa isang matagal nang pangarap na wikang pambansa.

 

 

 

Ferndale Homes

24 Setyembre 2010

 

 

 

 

 

 

 

            


ILANG TANONG SA MULTILINGUAL EDUCATION.doc
Reply all
Reply to author
Forward
0 new messages