Fr. Lito Jopson
Ayon sa pinakahuling ulat, naipasa na ng “bicameral committee” ang RH Bill; ito na ngayo’y napirmahan ng Presidente Noynoy Aquino upang maging batas na kailangang pairalin sa bansa.
Ngunit para sa Simbahang Katoliko, hindi maaaring katanggap-tanggap ang mga panukala roon kahit ito pa’y inamyendahan ng mga mambabatas. Ang bawat katagang tulad ng “Reproductive health care”, “safe sex”, at iba pa ay mga badyang pangpalubagloob sa mga katotohanang “Population control”, “contraceptives”, at “abortion” na laganap na kahulugan sa buong mundo.
Nilagay na sa hukay ang hindi malutas na pinagdebatihan ng mga kongresista tulad ng kung kailan nagsisimula ang buhay at ikalawa’y ang sagradong kapangyarihan ng mga magulang sa paghubog ng kanilang mga anak, lalo na sa sexual na paglaki nito. Batay sa ating Konstitusyon, “Kinikilala ng Estado ang kabanalan ng buhay pampa-milya at ipagtatanggol at palalakasin ang pamilya bilang isang batayang institusyong panlipunan na may karapatang itaguyod ang sarili. Ipagsasanggalang din nito ang buhay ng ina at ang buhay ng di pa isinisilang mula nang ito ay ipaglihi.” (Art II, Seksyon 12)
Ayon sa mga experto, ang mga contraceptives ay hindi lamang panghadlang ng pagkikita ng itlog at esperma kundi pagpapalaglag ng buhay na nabuo bago mapunta ito sa sinapupunan ng ina.
Dalawang bagay na ang binibigyang-diin ng Simbahan ukol sa RH bill, “na hindi lamang usaping pang-Katoliko kundi matinding paglapastangan sa mga tunay na pinahahalagahan ng tao at ng kulturang Pilipino ukol sa buhay ng tao na ating itinatangi noon pa.”
Una, ang buhay ay pinakasagradong kaloob na pisikal na ibinibigay ng isang tao sa Diyos, ang Maylikha ng buhay. “Ang sagabal na artipisyal upang mahadlangan ang pagbuo at ang pagsilang ng buhay ay maliwanag na lumalabag sa batayang katotohanan hinggil sa buhay ng tao.”
Ikalawa, ang mga magulang, kaisa ng Diyos, ang siyang magdadala ng mga anak sa mundo. “Sila rin ang may pangunahing at di-maaagaw na karapatan at pananagutang kalingain, pangalagaan at hubugin ang kanilang mga anak upang sila’y umunlad bilang mga tao ayon sa kalooban ng Maylikha.” Ang “Sex education” na isusulong sa mga paaralan ay hiwalay sa pangunahing papel ng mga magulang na subayabayan ang paghubog ng kanilang mga anak.
Anuman ang susunod na hakbang ng Simbahan, tulad ng pag-angat ng batas at hamunin ang legalidad nito sa Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas, maaring magpatuloy ang pakikibaka nito laban sa imoral na batas na kontra-buhay, kontra-Pilipino, kontra-mahirap, kontra-bata, at kontra-kababaihan.
--
Posted By Santo Rosario de Pasig to
Santo Rosario de Pasig at 1/06/2013 08:06:00 AM