Get your latest bulletin here!
KASALANG PAROKYA. Sampung mag-asawa ang ikinasal noong Okt. 30,2010 sa pamumuno ng Family and Life Ministry ng Parokya ng Santo Rosario. - Gener Vergara
Sa linggo ng Kristong Hari nitong Nob. 21, 2010, ipagdiriwang natin ang sumasaklaw na kapangyarihan ni Hesukristo bilang Hari at Panginoon ng sandaigdigan.
Simula kay Papa Pio XI, naitatag ang Kapistahan ng Kristong Hari noong 1925. Sa kanyang encyclical Quas Primas, iniugnay niya ang pagtataksil kay Kristo bilang hari sa pag-angat ng sekuralismo o ng pag-iisip ng mga bagay na pang-mundo lamang, isang panahon kung kailan pinagdududahan ng mga tao ang kapangyarihan ni Kristo. Tinatawag niya ang lahat ng mga mananampalataya na magkaroon ng lakas sa pistang ito, na si Kristo ay naghahari sa ating mga puso, isipan, kalooban, at katawan. (Quas Primas, 22)
Tinuturo ni Kristo ang tunay na kapangyarihan: “Kung sino ang nais mamuno sa inyo ay maging inyong alipin; sinuman ang nais na maging una sa inyo ay kailangang maging lingkod ng lahat. Sapagkat ang anak na tao ay hindi dumating upang paglingkuran kundi upang maglingkod, at ialay ang kanyang buhay para sa ikatutubos ng lahat.” (Markos 10: 42 – 55)
Sa pagtatapos ng panahong liturhikal ng Simbahan at pagpasok ng bago nitong Adbiyento, magnilay tayo kung si Kristong Hari ay napaglingkuran natin nang tapat. Ang puso ng alipi’y naglilingkod nang hindi nag-aantay ng kapalit; hindi siya naghahangad maparangalan o makilala man lamang ng iba. Ang alipi’y mas interesado sa pagbibigay at hindi pagtanggap. Ang komunidad ng mga alipin ng Panginoo’y may kasiyahan sa kanilang puso, sapagkat sila’y nagbabahaginan at nagdadamayan.
Kung ganito ang nangyari sa atin noong nakaraang taon, hindi malayo ang kaharian ng Kristong Hari sa ating Parokya! Kung hindi naman, may panahon pa upang ito’y ating mapaghandaan, hindi lamang sa prusisyon kundi sa buhay! - Fr. Lito Jopson, Parish priest
--
Posted By Santo Rosario de Pasig to
Santo Rosario de Pasig at 11/12/2010 12:45:00 AM