Kunin ang latest bulletin dito.
STO. ROSARIO PARISH MULTI-PURPOSE COOP. Si Bro. Ric Magat ang nanguna sa naganap na pagtatalaga ng mga opisyales ng Sto. Rosario Parish Multipurpose Ccoperative sa banal na misa noong ika-18 ng Hunyo 2010 sa Parokya sa Sto. Rosaryo de Pasig. Larawan ni Sis. Cristy Evidente.
NI FR. LITO JOPSON
(Unang nilathala ang artikulong ito sa Parish Bulletin ng Parokya ng San Guillermo, vol. 2, issue no. 17)
Isa sa pinakakamahalagang sangkap sa pagbubuo at pagkakaisa ng kawan ay ang Bibliarasal, o pinaghalong salita na “Biblia” at “dasal”.
Ang Bibliarasal ng mga magkakapitbahay, kung ito’y gaganapin nang maayos, ay magiging sanhi ng pag-unlad ng buhay ng tao at ng komunidad sa pakikipag-ugnayan nito sa Diyos at pagdala ng kanyang liwanag sa daigdig.
May angkop na paghahanda para sa isang matagumpay na pagtitipong kapitbahayan upang maging malinaw sa lahat ang proseso ng pagninilay at pagbabahaginan.
Bago magbibliarasal
Bago magbiblirasal, ihanda ang ta-hanang pagtitipunan ng mga magkakapitbahayan. Ihanda ang pook na magsisilbing altar ng pagtitipon - krusipiho, bibliya, imahen ng mahal na Birhen ng Santo Rosaryo, at kung maari, ang patron ng kawan.
Anyayahan natin ang ating mga kapitbahay na magdala ng kanilang mga bibliya upang mas tumimo sa puso ang Salitang pagninilayan. Mungkahi ring magdasal ng rosario habang inaantay ang pagdating ng iba.
Sa panahon ng bibliarsal
Umawit ng akmang awitin. Hikayatin ang Music Ministry na magbuo ng isang songbook na gagamitin sa mga bibliarasal at mga misa pang-kawan.
Simulan ang pulong sa pambungad na panalangin ayon sa ACTS (Adoration o pagsamba, Contrition o paghingi ng tawad, Thanksgiving o pasasalamat sa mga biyayang natanggap, at Supplication upang hilingin ang paglukob ng Espiritu Santo at maging ganap ang pagsamba at pagninilay ng Salita ng Diyos.
Pagninilay sa Mabuting Balita
Umawit ng Aleluia tanda ng paggalang sa Mabuting Balita. Basahin ito nang nakatayo at malinaw ang pagka-kabasa. Tapos, paupuin ang mga tao.
Basahin ang paliwanag sa binasa na matatagpuan sa ating Parish Bulletin. HUWAG NA ITONG IPALIWANAG dahil ang pagpapaliwanag ng Mabu-ting Balita ay inilalaan lamang sa mga Obispo, mga pari, diyakono at sa kanilang mga iniatas.
Basahin muli ang Mabuting Balita at manahimik upang pagnilayan kung ano sa pagbasa ang tumimo sa puso ng mga nananalangin.
Ang bawat isa’y pipili ng bersikulo, salita, kataga o buod ng ebanghelyo at gamitin ito upang simulan ang pagbabahagi. Iwasan ang pagbabahagi ng mga WALANG KINALAMAN SA TEKSTO. Maliligaw ang mga usapin at hindi lalalim ang pagninilay sa binasang Balita. Sa pagbabahagi, IWASAN ANG MANERMON O MAG-AKMANG NAGBIBIGAY NG HOMILIYA.
Magkwento ng inyong natatanging karanasan batay sa Salita ng Diyos. Bigyan ng panahon ang lahat upang magpaliwanag. Huwag magkwento nang sobrang haba. At sa mga tahimik, hikayatin silang magbahagi dahil imposibleng walang masasabi ang taong hinipo ng Espiritu Santo.
Pagkatapos ng pagbabahagi
Tipunin muli ang mga ibinahagi at sagutin ang tanong: “Ano ba ang mensaheng maaari nating baunin sa buhay natin at sa ating kapitbahayan?” Ang mensaheng ito’y kaloob sa atin ng Espiritu Santong gumagalaw sa bawat isa na nananalangin.
Business meeting. Hindi natatapos ang Bibliarasal sa pagninilay lamang. Ito’y kailangan ng aksyon. Pag-usapan ang mahahalagang anunsyo ng Simbahan at ipaliwanag kung kinakailangan. Pag-usapan din kung paano palalaguin ang kawan upang mas maraming tao ang makatanggap ng biyaya ng Diyos at pagpalain sa kanilang buhay.
Sa pagtatapos ng Bibliarasal
Tumayo upang ihandang ipagdasal ang bawat isa. Sa bawat kahiligan, tumugon ng “Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.” Hikayatin ang lahat na magbahagi ng kanilang panala-ngin dahil ang panalangin ng marami ay higit na mabisa kaysa sa panalangin ng iisa. Tapusin ang panalangin sa pag-awit ng Ama Namin at magbigay ng kapayapaan bago umalis.
Iwasan ang kainan dahil hindi ito sangkap ng pulong. Magiging rason pa ito upang mahiya ang hindi makapaghanda ng pagkain.
Manalig, ang Diyos ay sumasaatin!
--
Posted By Santo Rosario de Pasig to
Santo Rosario de Pasig at 6/24/2010 05:15:00 PM