[San Guillermo Parish, Pasig City] KALOOB AT KAWAN: PARA SA DIYOS AT BUHAY!

37 views
Skip to first unread message

josephdream

unread,
Aug 1, 2009, 4:59:39 AM8/1/09
to san-guill...@googlegroups.com
Itinalaga ang kauna-unahang PREX Secretariat ng Parokya ng San Guillermo noong ika-5 ng Hulyo 2009. Mula sa kaliwa: Ting Hilario, Marga Tan, Cris Angeo, Joveth Mandac, Fr. Lito, Chito Angeo, Ghay Ferrer, Barry Villanueva, Amy Cantil, Bebot Catuiran, Tessie Osorio, Rhodora Luna, at Erling Pinga.


ni Fr. Lito Jopson

ANO BA ANG BEC?
Ang BEC o “Basic Ecclesial Community” ay hindi lamang isang programang pauso kundi isang proseso ng pagiging “Simbahan”. Nagsimula sa Latin America, ang BEC ay unang umusbong sa Mindanao noong siglo-70 kung kailan kulang ang mga pari at ang laiko’y nahaharap sa napakaraming suliraning politikal, pang-kabuhayan at pangkapayapaan .
Ang diwa ng BEC ay masisilayan sa pagbabagong minungkahi ng ika-2 Konsilyo Vaticano noong 1965. Ang kahulugan ng pagiging simbahan ay partisipasyon, co-responsibility, at pagpapalalim ng pananampalataya’t mapaglikhang pagsa-sabuhay nito.
Pinagtibay ng Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas o PCP II ang BEC bilang “komunidad ng mga alagad” at “simbahan ng mga maralita” na pinahahalagahan ang dignidad ng tao. Ang mga tao’y aktibong lumalahok sa renewed and integral evangelization na ang misyon ay kaligtasan hindi lamang para sa kaluluwa kundi para sa buong katawan. Ito’y tinatawag ding “participatory church” dahil hindi lamang nakasentro ang simbahan sa loob kundi sa labas, tungo sa pagtugon sa mga hamon ng buhay.

Ano ba ang batayan ng BEC?
Ang batayan ng BEC ay nasa Gawa 2: 42 – 47. Ang mga tao’y nagkakaisa, nagmamahalan at nagbabahaginan ng buhay at alay sa ikauunlad ng kawan. Ang bawat Kawan ay binubuo ng apat na sangkap na masiglang sinasabuhay ng mga Kristiyanong magkakapitbahay:
1. FELLOWSHIP O COMUNIO – pamumuhay bilang magkakapatid ng magkakapitbahay;
2. WORD OF GOD - pagninilay ng Kawan sa mga Salita ng Diyos sa pamamagitan ng Bibliarasal;
3. BREAKING OF THE BREAD - pagsasalu-salo ng komunidad sa iisang Eukaristiya; at
4. SHARING OF RESOURCES – pagbabahagi ng ari-arian tungo sa paglilingkod sa bawa’t isa lalo na sa mga higit na na-ngangailangan.
Ang pang-apat na sangkap ang ating batayan ng paglulungsad ng programang KALOOB.

Ano naman ang KALOOB?
Ang KALOOB (KALOOBANG Alay sa Diyos at Buhay) ay isang programa ng ating parokya tungkol sa pananalapi at pagkakaisa para sa ikauunlad ng pamayanang Kristiyano.
Isa itong paanyaya sa bawat isang nasasakupan ng Parokya – indibidwal, pamilya, samahan, o kompanya na makilahok sa mga Gawain upang mapalago ang ating parokya, hindi lamang sa pinansyal na aspeto kundi pati na rin sa mga bagay na may kinalaman sa pagbuo ng pamilya at pamayanang sumasampalataya at nagtutulungan.
Ito ay may diwa ng kinagisnan nating “bayanihan” kung saan ang lahat ng kasapi ay nagbabahaginan at nagkakaisa maging sa kahinaan at kakayanan. Dito, ang bawa’t isa ay nagbabahagi ng kung ano man ang mayroon sila at mandi’y tumatanggap ng mga bagay na wala sila bilang isang pamamaraan upang maisabuhay ang diwa ng pagiging tunay na Kristiyano.

Anu-ano ba ang batayan ng KALOOB?
Ang batayan ng KALOOB ay makikita sa Banal na Kasulatan at sa mga turo ng Simbahan.
Mga Batayan sa Bibliya: Noon pa sa panahon ng mga Israelita (Blg. 18: 19-20), hanggang sa panahon ng Kristo (Gawa 2: 44- 47), nag-aalay ang mga mananampalataya nang may galak at kasiyahan (2 Cor 9: 6-8). Nakalulugod sa Diyos at binibiyayaan ng mas higit pa (Lukas 6:38). Nararapat na tayo’y magkaloob sa Diyos dahil lahat ng bagay ay pag-aari Niya (Awit 24:1) at tayong mga tao ay ginawa Niyang tagapamahala ng lahat ng Kanyang nilikha (Gen. 1:26). Hangad ng Diyos na tayo’y tulungan upang makamit natin ang Kanyang tunay na kayamanan (Ecc. 11:21).
Batayan sa Simbahan: Sa PCP II, ang pagpapatupad ng ikapu ay makapagpapalit sa sistemang arancel (Art. 118) at makapag-lalaan ng pondo para sa dukha at higit na nangangailangan (Art. 25).

Bakit mahalaga ang KALOOB sa buhay ko?
Malaga ang magkaloob upang pagpapanumbalik ang pag-ibig ng Diyos sa atin (Mal. 3:6-10). Pinalalakas nito ang ating pananampalataya at tayo’y natutulungang mamuhay nang naaayon sa kalooban ng Diyos (Mat. 6:31-34). Napapatunayan nito ang katapatan ng pag-ibig natin sa Diyos (2 Cor 8:8-9) at sa pamamagitan nito, tayo’y nakatutulong sa Kanyang mga Gawain (1 Cor 16:1-4).

Lahat ba ay may kakayanang magKALOOB?
Opo, batay sa Lukas 21, 1-4, kinalugdan ni Kristo ng higit sa lahat ang dukhang balo sapagkat “ibinigay ng balong iyon na dukhang-dukha ang buo niyang ikabubuhay.”

Saan mapupunta ang pondong malilikom?
40% Parish sustenance fund - elektrisidad, tubig, telepono, pagkain, nararapat na sahod at medical insurance ng ating mga manggagawa, mga gastusin sa pangangalaga ng simbahan, gawaing apostoliko ng Kura Paroko at decoroso sustento para sa mga tumutulong na pari’t seminarista.
30% Parish Pastoral Projects - lahat ng proyekto ng mga ministries (Worship, Education, SSDM, Temporalities, Youth, Family and Life, Media, Ecology, etc.), retreats at seminars, special assistance for the poor and needy, livelihood, bulletin, etc.
25% Kawan projects - mga gawaing pang-kawan tulad ng livelihood programs, emergency fund for the poor, feeding programs, garbage segregation, youth, bibles at catechetical materials, upuan at sound system, etc.
5% Trust Fund - idedeposito sa bangko upang ang kikitain nito ay magamit sa iba’t ibang mahahalagang proyekto na mapagkakasunduan ng Parish Pastoral Council sa pakikipag-ugnayan sa Kura Paroko.

Paano ba kami magiging kabilang sa KALOOB?
Makipag-ugnayan sa opisina ng Parokya sa telepono blg. 6428051, sa Parish Pastoral Council, Parish Finance Council, o sa ating mga Kawan Coordinators.

Saan maaaring ibigay ang sobre ng aming KALOOB?
Ang mga sobre ng KALOOB ay maaring ibigay sa Misa ng Kawan, Misa sa Simbahan tuwing Pag-aalay o Offertory, Parish Office, at sa inyong mga kawan coordinators o sa kanilang mga official representatives.

Get a free copy of the latest bulletin here!

Subscribe to receive the latest parish bulletin here

Announcement: We are now on FACEBOOK! Look for San Guillermo Pasig if you want to become a member. God bless!

Fr. Lito

--
Posted By josephdream to San Guillermo Parish, Pasig City at 8/01/2009 01:51:00 AM
Reply all
Reply to author
Forward
0 new messages