Mga Kabataan ng Parokya ng San Guillermo,
Sumainyo ang kapayapaan!
Ang Youth Cross ay dinala sa ating parokya bilang tanda ng pagkakaisa ng mga kabataan ng buong Diyosesis sa krus ng ating Panginoong Hesukristo at sa krus ng ating mga kapwa-kabataan ngayon. Nawa’y magdulot ito sa inyong lahat ng ibayong lakas at inspirasyon upang ipagpatuloy ninyo ang paglalakbay nang sama-sama tungo sa ating Panginoon.
Ang tema noong nakaraang World Youth Day na ginanap sa mga Diyosesis ay tungkol sa pag-asa, “Inilalagay naming ang aming pag-asa sa buhay na Diyos!” (1 Tim 4:10). Pagnilayan natin ang tema ng pag-asa sa buhay ng mga kabataan.
Una, ang kabataan ay panahon ng pag-asa! Para sa akin, hindi ito mamamatay kailanman sa mga kabataan! Ito ang panahon ng paghahanda sa pagpapatupad ng pag-asa tulad ng pag-aaral at pagkuha ng kurso. Mga kabataan, kailangan ninyo ang inspirasyon ng mga kapwa kabataan upang ang inyong mga pangarap ay matupad. Hinihiling ko, lumikha kayo ng mga support groups at mga prayer groups upang ang ilaw ng pag-asa ay parating nagniningas. Sapagkat ang pag-asa sa inyong puso ay katulad ng pag-asa ni Kristo para sa lahat ng tao ng isang isang maganda at maunlad na daigdig.
Ikalawa, maging saksi ng pag-asa tulad ni San Pablo. Ayon kay Pope Benedict, matapos ang conversion ni St. Paul, ang Simbahan ay naipalaganap at naitatag sa buong daigdig. Ganoon din nawa tayo, na magsimula ang buhay ng pag-asa sa pagbabago ng sarili. Alam naman ninyo ang hirap at tukso na kinahaharapan ng bawat kabataan. At pinakamatindi sa lahat ng mga balakid na ito ay ang pagkamatay ng pag-asa sa kanyang puso. Ibuhos natin ang buo nating pag-asa kay Kristo. Kahit iisang tao, kayang baguhin ang mukha ng mundo, paano pa kayong napakaraming mga kabataan?
Ang ikatlo’ y tungkol sa sama-samang paglalakbay ng mga kabataan sa landas ng pag-asa. Ayan, naglalakbay na nang sama-sama ang mga kabataan! Ang gabay dito ay, “Sa ating paglalakbay, paano natin makikilala si Kristong kasama natin?” Mga kabataan, maging matalas ang mga mata’t isipan; naryan si Kristo. Parati lamang magtanong ng, “Sa bawat desisyon na aking gagawin, makikita ko ba si Kristo? Sa paanong paraan?” Kung tayo ay gaganap ng ating mga tungkulin, siguraduhin nating magdulot ng pag-asa sa bawat isa, sa lahat ng dako ng buhay ng tao, gawin ang tama, sa pagsasanay sa ating mga kurso, sa ating mga pinagtatrabahuhan – gumawa nang may pag-asa sa ating mga puso at maglingkod nang tapat.
Nawa’y gabayan tayo ng ating mahal na Inang si Maria, ang Ina ng pag-asa. Nawa’y gabayan din tayo ng ating patrong si San Guillermo (ang patron ng parokya), upang ang lahat ng mga kabataang kinasasakupan ng parokyang ito ay magliwanag at maging tagahubog ng bagong kasaysayan – ang pag-unlad ng buhay ng tao kay Kristo.
Fr. Lito Jopson, Kura Paroko, San Guillermo Parish