Get your latest bulletin here!ANG PAGTATALAGA AT PANANARIWA NG PANGAKO NG MOTHER BUTLER GUILD ng San Guillermo Parish ay naganap noong ika - 13 ng Setyembre. Ang mga bagong miyembro ay sina Cynthia Abeto, Victoria Canola, Paz del Rosario, Ma. Teresa Mabignay, Blanchie Perpenia, at Merditas D. Samson. Ang pamunuan ng MBG ay binubuo nina Normie Cruz, Coordinator; Nina Manzano, Vice-coordinator; Lucy Santos, Executive Secretary; Merlie Morales, Recording Secretary; Esmer Pangulayan, Treasurer; Virginia Santos, Auditor; Imelda San Agustin at Pining Pinga, Vestment Custodians; at Nene Cuntapay, San Joaquin Coordinator.ni Fr. Lito Jopson
Ang Bibliarasal ng mga magkakapitbahay, kung ito’y gaganapin nang maayos, ay magiging sanhi ng pag-unlad ng buhay ng tao at ng komunidad.
May angkop na paghahanda para sa isang matagumpay na pagtitipong-kapitbahayan upang maging malinaw sa lahat ang proseso ng pagninilay at pagbabahaginan.
Bago magbibliarasal Bago magbiblirasal, ihanda ang tahanang pagtitipunan ng mga magkakapitbahayan. Ihanda ang pook na magsisilbing altar ng pagtitipon - krusipiho, bibliya, imahen ng mahal na birhen, at kung maari – ang mga imahen nina San Guillermo at ang patron ng kawan.
Anyayahan natin ang ating mga kapitbahay na magdala ng kanilang mga bibliya upang mas tumimo sa puso ang Salitang pagninilayan. Mungkahi ring magdasal ng rosario habang inaantay ang pagdating ng iba.
Sa panahon ng bibliarsal Umawit ng akmang awitin. Hikayatin ang Music Ministry na magbuo ng isang songbook na gagamitin sa mga bibliarasal at mga misa pang-kawan.
Simulan ang pulong sa pambungad na panalangin ayon sa ACTS (Adoration o pagsamba, Contrition o paghingi ng tawad, Thanksgiving o pasasalamat sa mga biya-yang natanggap, at Supplication upang hilingin ang paglukob ng Espiritu Santo at maging ganap ang pagsamba at pagninilay ng Salita ng Diyos.
Pagninilay sa Mabuting Balita
Umawit ng Aleluia tanda ng paggalang sa Mabuting Balita. Basahin ito nang nakatayo at malinaw ang pagkakabasa. Tapos, paupuin ang mga tao.
Basahin ang paliwanag sa binasa na matatagpuan sa ating Parish Bulletin. HUWAG NA ITONG IPALIWANAG dahil ang pagpapaliwanag ng Mabuting Balita ay inilalaan lamang sa mga Obispo, mga pari, diyakono at sa kanilang mga iniatas.
Basahin muli ang Mabuting Balita at manahimik upang pagnilayan kung ano sa pagbasa ang tumimo sa puso ng mga nananalangin.
Ang bawat isa’y pipili ng bersikulo, salita, kataga o buod ng ebanghelyo at gamitin ito upang simulan ang pagbabahagi. Iwasan ang pagbabahagi ng mga WALANG KINALAMAN SA TEKSTO. Maliligaw ang mga usapin at hindi lalalim ang pagninilay sa binasang Balita. Sa pagbabahagi, IWASAN ANG MANERMON O MAG-AKMANG NAGBIBIGAY NG HOMILIYA.
Magkwento ng inyong natatanging karanasan batay sa Salita ng Diyos. Bigyan ng panahon ang lahat upang magpaliwanag. Huwag magkwento nang sobrang haba. At sa mga tahimik, hikayatin silang magbahagi dahil imposibleng walang masasabi ang taong hinipo ng Espiritu Santo.
Pagkatapos ng pagbabahagi Tipunin muli ang mga ibinahagi at sagutin ang tanong: “Ano ba ang mensaheng maaari nating baunin sa buhay natin at sa ating kapitbahayan?” Ang mensaheng ito’y kaloob sa atin ng Espiritu Santong gumagalaw sa bawat isa na nananalangin.
Business meeting. Hindi natatapos ang Bibliarasal sa pagninilay lamang. Ito’y kailangan ng aksyon. Pag-usapan ang mahahalagang anunsyo ng Simbahan at ipaliwanag kung kinakailangan. Pag-usapan din kung paano palalaguin ang kawan upang mas maraming tao ang makatanggap ng biyaya ng Diyos at pagpalain sa kanilang buhay.
Sa pagtatapos ng Bibliarasal Tumayo upang ihandang ipagdasal ang bawat isa. Sa bawat kahiligan, tumugon ng “Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.” Hikayatin ang lahat na magbahagi ng kanilang panalangin dahil ang panalangin ng marami ay higit na mabisa kaysa sa panalangin ng iisa. Tapusin ang panalangin sa pag-awit ng Ama Namin at magbigay ng kapayapaan bago umalis.
Iwasan ang kainan dahil hindi ito sangkap ng pulong. Magiging rason pa ito upang mahiya ang hindi makapaghanda ng pagkain.
Manalig, ang Diyos ay sumasaatin!
--
Posted By san guillermo to
San Guillermo Parish, Pasig City at 9/18/2009 05:51:00 PM