
ni Fr. Lito Jopson
Nararapat lamang na parangalan natin ang ating Mahal na Inang si Maria sa kanyang kaarawan, dahil siya ang Ina ng Mananakop at Ina ng Simbahan.
Si Maria ay ina nating lahat na bumubuo ng Simbahan dahil iniluwal niya si Kristo, ang puno ng Simbahan. Noong nakabayubay ang Panginoon sa krus, pinaubaya ni Kristo ang kanyang Ina sa apostol, “Narito ang iyong ina.” (Juan 19,27)
Paano tayo tinutulungan ni Maria? Matapos na umakyat sa langit ang ating Panginoon, tinulungan ni Maria ang nagsisimulang Simbahan sa pamamagitan ng kanyang mga panalangin. Kahit sa pag-akyat ni Maira sa langit, katawan at kaluluwa, patuloy pa rin niya tayong pinagdarasal. Isa siyang modelo ng pagiging Kristiyanong puno ng pananampalataya’t pagmamahal. Ang kanyang mga biyaya’y tiyak na nagmumula sa mapagligtas na ginawa ni Kristo. Nakikita natin kay Maria ang ating napipintong pagkabuhay na magmuli kaya naman ganoon na lang ang pagtangi natin sa kanya.
Si Maria, banal at walang bahid-kasalanan, ay tanda ng pag-asa nating mga Kristiyanong naglalakbay sa lupa hanggang sa matamo natin ang buhay na walang hanggan, ligtas sa piling ng ating Panginoon.
Mula sa Parokya ng San Guillermo, maligayang bati, mahal na Birheng Maria!
--
Posted By san guillermo to
San Guillermo Parish, Pasig City at 9/09/2009 06:33:00 PM