LAGIP 1: Pangangaluluwa at Halloween Trick or Treat
Di totoo na pagbisita sa sementeryo lamang (at mga kaugnay na gawain dito) ang Undas. Sa bayan ng daddy ko, sa Bolinao, Pangasinan, mayroong kaugalian noon ang mga tao na kaakibat ng Undas – ang pangangaluluwa. Sinasabing liban sa paghahanda sa paglilinis at paggunita sa patay sa pamamagitan ng misa, marami sa mga kabataan at may gulang na din nung kapanahunan ng aking ama ang nagbabahay-bahay matapos ang orasyon sa gabi upang mag-alay ng mga awiting pampatay o paggunita sa patay o awiting pang-relihiyoso. Kadalasan daw, sila ay nagtatalakbong ng puting kumot o simpleng nakaputi habang nangangaluluwa. Matapos ang dalawa o tatlong awitin sa isang bahay, patutuluyin sila dito at hahandugan ng ibat ibang pamutat --- kakanin, masikoy, ginataan habang nagkukuwentuhan hinggil sa yumaong mahal sa buhay o kaya ay mga kuwentong kababalaghan. Matapos ang ilang sandali, kung ibig na ng grupo ay lilipat na sila sa ibang bahay upang muling umawit, makipagkuwentuhan at iyun nga --- mangaluluwa.
Pag-alis sa isang bahay, kadalasan ay pinababaunan sila ng mga inihandog na pagkain upang ipasalubong sa mga naiwan sa kani-kanilang bahay.
Mukhang isa sa layunin ng pangangaluluwa ay nakatuon sa mga naiwan ng mga patay, isang bagay na ekstensyon ng ating pakikipagkapwa at pagkakaroon ng malalapit na relasyunang pampamilya. Liban sa pag-alala sa mga patay, kinukumustang lalo ang mga kamag-anakan nito lalo na ang mga hindi pa nakakababang-luksa at/o mga hindi pa nakaka-move on s apagkawalay sa kanilang mga mahal sa buhay.
Natutuwa akong alalahanin ngayon na sa aking kabataan, naranasan ko pa ang mauwian ng mga kakaning ito mula sa aking mga Aunties (‘Ante’ kung bigkasin sa probinsiya --- Ante Beatriz, Ante Manang at Ante Puring). Kahit marunong silang magluto, iba pa din ang makatikim ng kakaning may latik sa ibabaw, ginataang monggo, binungey, binubudan galing sa ibang bahay at mga kaibigan. Higit pa ang pakikinig sa mga apdeyts sa kanilang mga kapanahunang kaibigan at mga kamag-anak. At hingit pang muli ang paulit-ulit na pagsasalaysay noon ng mga kuwentong may kinalaman sa baras, lumilipat na nakabaong kayamanan, white ladies, santelmo (sigsilew), at sa totoong buhay, kung paano akong binisita ng lola at ng kapatid niya (lolo ko na din) noong sila ay pumanaw (isang taon pa lang kasi ako noon at hindi isinama nang sila ay mamatay).
Taong 2004 nang magkaroon ako ng oportunidad masaksihan ang isang trick or Treat sa Seattle. Matapos ang Interacts (feminist Activist retreat na pinangunahan nina Luchie Ticzon at Cindy Ewing, hinandugan ako ng aking kapatid bumisita sa kaniyang dating tahanan at mga kaibigang sina Tita Tina at Jon). Hindi naman kami dumalo sa mga parties. Natatandaan ko lang na tuwing hapon bago umuwi mula trabaho sina Tita Tina at Jon, dumadaan muna kami sa iba’t ibang supermarket tulad ng Waltermart. Bibili kami ng iba’t ibang candies at chocolates (ang pinakagusto ko ay ang corn candy! --- paging, padalhan ako nito. . . joke. Hindi ko kasi ito nakikita ito dito sa Pinas) nang sa gayon ay mapuno ang pumpkin basket ni Tita Tina. Tapos, gabi-gabi nun hanggang ika-1 ng Nobyembre, saglit na napuputol ang aming hapunan o kaya kantahan dahil sa mga bubwit na Superman, Witch, Bulgy eyed tom, Fairies na kumakatok upang humingi ng candies. Balik nang balik ang mga bubwit na ito (parang mga nangangaroling sa atin kapag pasko) dahil una hindi sila natatakot sa amin dahil hindi naman kami naka-costume at pangalawa, super dami talaga ang inihahandog sa kanila ni Tita Tina.
Sabi ni Atty. Judith Lazaro, batchmate ngayon sa aking parallel school na Integral Organizational Development na kaya naka-costume ang mga bata para hindi nila katakutan ang undas at kabuuang konsepto ng kamatayan at kababalaghan.
Ayokong manghusga o mag-analisa sa dalawang tradisyong ito (naaalarma lang talaga ako sa dagsa ng kaisipang ‘B’ at kung paano ito nag-o-operationalize sa ating mga pinaglilingkuran kabataan). Ayoko din magtaas ng lubong (worldview, weltanschauung) ng bayang Pilipinas. Batid na batid kong kaya ng bawat isa sa ating pumuna at pumuri, magpasya at tumaya kaugnay ng modernisasyon, komersyalisasyon, inferiority complex, mito at tiwaling kaisipan). Simpleng pagbababahagi lamang ito ng sarili (ng kaalaman na din) sa pamamagitan ng lagip (isang muwestrang natutuhan ko sa ilalim ng aking dating propesor sa UP na si Dr. Ariel Agcaoili). Kung mayroon man akong pulitikal na hangarin sa paghinto ko muna sa gawain/ trabaho at pag-aalaga sa aking bunso upang isulat ito ay batid na batid kong alam niyo na iyun.
Papasaan ba’t tutuloy din ang lahat ng ating pagpupunyagi . . .
(Kung interesado sa anumang bagay na nabanggit sa itaas, huwag na hindi mag-atubiling tumugon sa emeyl na ito. Agtultuloy at padayon. Sulong tayo!)