[katoliko] Madugong Usapan: Pagkain ng Dinuguan, Bawal Ba?

183 views
Skip to first unread message

MLUMAQUE2001

unread,
Jul 15, 2007, 12:17:22 PM7/15/07
to kato...@yahoogroups.com

Madugong Usapan: Pagkain ng Dinuguan, Bawal Ba?
Kapatid na Marwil N. Llasos
May mga matalik akong kaibigan na kaanib ng Iglesia ni Cristo
(INC). Tuwing makakasama ko silang kumain, napupuna ko sa kanila na
ayaw nilang kumain ng dinuguan. Masarap pa naman sana ang puto at
dinuguan. Ngunit talagang hindi kumakain ng dinuguan ang aking mga
kaibigang INC.
Sa mga pagkakataong nakakausap ko sila, naitatanong ko kung
bakit ayaw nilang kumain ng dinuguan. Napag-alaman ko sa kanilang
kasagutan na diumano'y labag sa Banal na Kasulatan ang pagkain ng
anumang may dugo. Ibig sabihin nito, hindi lamang ang dinuguan ang
bawal kainin kundi kasama na ang tinumis, batchoy, barbecue na dugo
ng manok, pinikpikan, at iba. Sa aking pananaliksik sa
pananampalataya ng ating mga kapatid na INC, isa pala sa kanilang
pangunahing aral ang hindi pagkain ng dinuguan. Saan kaya nag-ugat
ang aral na iyan?
May mga talatang binabanggit ang INC bilang patunay sa aral
nila ng pagbabawal kumain ng anumang may dugo kagaya ng dinuguan.
Ang mga talatang iyan ay ang gating susuriin sa pag-aaral na ito.
Levitico 3:17
Sa Levitico 3:17, ito ang ating mababasa:
"Magiging palatuntunang palagi sa buong panahon ng inyong
lahi, sa lahat ng inyong tahanan na hindi kayo kakain ng taba ni
dugo man."
Sa talatang ito, lumalabas na hindi lamang dugo ang
ipinagbabawal kundi pati taba. Ang mga INC ay kumakain ng barbecue,
chicharong bulaklak at kahit na anumang pagkaing may taba. Ang hindi
lamang nila kinakain ay ang pagkaing may dugo.
Tanong: Bakit sila namimili kung alin lamang sa utos ang
susundin? Sa Levitico 3:17, parehong taba at dugo ang ipinagbabawal
na kainin. Dito, lumalabas na ang INC ay isang samahang
panrelihiyong turo-turo o "cafeteria" religion sapagkat sila ay
namimili kung alin lamang ang gusto nilang panampalatayanan.
Kung bawal ang dugo, bawal din ang taba. Ang INC, dugo lamang
ang ipinagbawal kainin taliwas sa sinasabi sa Levitico 3:17: "hindi
kayo kakain ng taba ni dugo man."
Gawa 15:20; 21:25
Sa Konsilyo ng Jerusalem, matapos makapagsalita si Apostol
Pedro ay nagsalita naman si Apostol Santiago. Isa sa mga hatol ni
Santiago ay: "huwag nating gambalain yaong sa mga Gentil ay
nangagbabalik-loob sa Dios; kundi sumulat tayo sa kanila, na sila'y
magsilayo sa mga ikahahawa sa diosdiosan, at sa pakikiapid, at sa
binigti, at sa dugo."
Ang hatol na ito ni Apostol Santiago ay isinagawa ni Apostol
Pablo na nagsabi:
"Nguni't tungkol sa mga Gentil na nagsisisampalataya, ay
sinulatan namin, na pinagpayuhang sila'y magsiilag sa mga inihain sa
mga diosdiosan, at sa dugo, at sa binigti, at sa pakikiapid" (Gawa
21:25).
Mapupuna sa mga talatang nabanggit na walang sinasabing bawal
kumain ng dugo. Ang sinasabi sa talata ay magsilayo sa dugo o
magsiilag sa dugo.
Sapagkat ang pagkasalin ng Ang Biblia sa Gawa 15:20 at 21:25
ay hindi umaayon sa pananampalataya ng INC, minarapat nila na
gamitin ang salin ng Magandang Balita Biblia na ganito ang nasasaad:

"Sa halip, sulatan natin sila na huwag kakain ng anumang
inihandog sa diyus-diyusan; huwag makikiapid; huwag kakain ng hayop
na binigti, at ng dugo." (Gawa 15:20, MBB)
"Tungkol naman sa mga mananampalatayang Hentil, isinulat na
namin sa kanila ang aming pasiya: huwag silang kakain ng anumang
inihandog sa diyus-diyusan, ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag
makikiapid." (Gawa 21:25, MBB)
Tanong: Anong dugo ba ang tinutukoy sa binasa?
Ayon sa konteksto, ang dugong tinutukoy dito ay ang inalay sa
mga diyus-diyusan. Maari din na dugo ng tao ang tinutukoy na inalay
sa mga diyus-diyusan sapagkat ayon sa Lucas 13:1:
"Nang panahon ding ngang yaon ay nangaroon ang ilan, na
nagsipagsabi sa kaniya tungkol sa mga Galileo, na ang dugo ng mga
ito'y inihalo ni Pilato sa mga hain nila."
Ang dugo rin na tinutukoy ay maaring mga inihandog sa demonyo
ayon na rin mismo kay Apostol Pablo:
"Subali't sinasabi ko, na ang mga bagay na inihahain ng mga
Gentil, ay kanilang inihahain sa mga demonio, at hindi sa Dios: at
di ko ibig na kayo'y mangagkaroon ng pakikipagkaisa sa mga demonio."
(I Corinto 10:20)
Maliwanag na ang dugong binabanggit ay dugo na inihahain sa
mga demonyo at hindi sa Diyos kaya naman pala tayo ay hindi marapat
na kumain niyaon sapagkat hindi ibig ng mga Apostol kagaya ni Pablo
na tayo'y mangagkaroon ng pakikipag-isa sa mga demonyo.
Tindig ng Santa Iglesia Katolika
Una sa lahat, hindi pinipilit ng Iglesia Katolika ang sinuman
na kumain ng dugo. Nasa sariling pagpapasiya ng mananampalataya kung
ano ang kanyang gustong kainin o inumin basta hindi ito nakakasama
sa kaniya. Hindi hinuhusgahan ng Iglesia Katolika ang sinuman ng
dahil lamang sa pagkain o inumin sapagkat nasusulat: "Sinoman nga ay
huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain, o sa paginom, o tungkol sa
kapistahan, o bagong buwan o araw ng Sabbath" (Colosas 2:16).
Sa Lumang Tipan, tunay nga na ipinagbawal ang pagkain ng dugo
bilang bahagi ng mga palatuntunan ni Moises. Malinaw sa Levitico
3:17 na ang hindi pagkain ng dugo ay isang palatuntunan: "Magiging
palatuntunang palagi sa buong panahon ng inyong lahi, sa lahat ng
inyong tahanan na hindi kayo kakain ng taba ni dugo man." Ayon naman
kay Propeta Malachias, ang mga kautusan ni Moises ay kabilang sa mga
palatuntunan:
"Alalahanin ninyo ang kautusan ni Moises na aking lingkod na
aking iniutos sa kaniya sa Horeb para sa buong Israel, sa makatuwid
baga'y ang mga palatuntunan at mga kahatulan" (Malachias 4:4)
Ang mga palatuntunang ito ay hanggang lamang sa panahon ng
pagbabago. Kaya naman sa Bagong Tipan ang mga palatuntunang ito ay
nabago na sa bisa ng kapangyarihan ng Panginoong Hesus. Ayon sa
Hebrew 9:10:
"Palibhasa'y palatuntunan lamang na ukol sa laman, na iniatang
hanggang sa panahon ng pagbabago (gaya ng mga pagkain, at mga inumin
at sarisaring paglilinis)."
Malinaw na ang mga kautusan sa Lumang Tipan ay anino lamang ng
mga bagay na darating sa Bagong Tipan (Hebreo 10:1; Col. 2:17). Kaya
naman pagdatal ng Bagong Tipan, pinawi ang mga usapang nasusulat sa
mga platuntunan. Lahat ng mga iyon ay inalis na at ipinako sa krus.
Sa Colosas 2:14-16, ganito an gating mababasa:
"Na pinawi ang usapang nasusulat sa mga palatuntunan laban sa
atin, na hindi naayon sa atin: at ito'y kaniyang inalis, na ipinako
sa krus; Pagkasamsam sa mga pamunuan at sa mga kapangyarihan sila'y
mga inilagay niya sa hayag na kahihiyan, na nagtatagumpay siya sa
kanila sa bagay na ito. Sinoman nga ay huwag humatol sa inyo tungkol
sa pagkain, o sa paginom, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o
araw ng Sabbath."
Sa Lumang Tipan, ang ipinagbawal ng Diyos sapagka't ito ay
iniaalay sa mga diyus-diyusan ng mga karatig bansa ng Israel.
Naniniwala naman ang mga Judio ang buhay ay nasa dugo (Levitico
17:11) kaya naman ipinagbawal na inumin o kainin ito sa kadahilanang
hindi nararapat ang tao na makiisa sa buhay ng hayop. Sa Bagong
Tipan, minarapat ng Panginoong Jesus na tayo ay makiisa sa Kanya sa
pamamagitan ng pag-inom ng Kaniyang sariling dugo sa Eukaristiya:
"Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang
sinasabi ko sa inyo, Maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng
tao at inumin ang kaniyang dugo, ay wala kayong buhay sa inyong
sarili. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may
buhay na walang hanggan; at siya'y aking ibabangon sa huling araw.
Sapagka't ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay
tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking
dugo ay nananahan sa akin, at ako'y sa kaniya" (Juan 6:53-56).
"At dumampot siya ng isang saro, at nagpasalamat, at ibinigay
sa kanila, na nagsasabi, Magsiinom kayong lahat diyan; Sapagka't ito
ang aking dugo ng tipan, na nabubuhos dahil sa marami, sa
ikapagpapatawad ng mga kasalanan" (Mateo 26:27-28)
"Gayon din naman ang saro, pagkatapos na makahapon, na
sinasabi, Ang sarong ito'y ang bagong tipan sa aking dugo, na
nabubuhos nang dahil sa inyo" (Lukas 22:20)
At siya'y dumampot ng isang saro, at nang siya'y
makapagpasalamat, ay ibinigay niya sa kanila: at doo'y nagsiinom
silang lahat. At sinabi niya sa kanila, Ito'y ang aking dugo ng
tipan, na nabubuhos dahil sa marami" (Marcos 14:23-24).
Marahil maitatanong sa atin ng ating mga kapatid na INC kung
may mababasa ba tayo sa Bibliya na ang dugo ay marapat kainin?
Sagot: Mayroon tayong mababasa. Sa katunayan, ito nga ay ipinag-utos
pa. Halawin natin ang Levitico 10:18 na ganito ang sabi:
"Narito, hindi ipinasok ang dugo niyaon sa loob ng santuario;
nararapat sana ninyong kanin sa santuario, gaya ng iniutos ko."
Sa talata pong nabanggit, malinaw na ang dugo ay nararapat
kainin at iyan ay ipinag-utos.
Ang ating Dakilang Guro, ang Panginoong Jesukristo ay mismong
nangaral sa atin na:
"Hindi ang pumapasok sa bibig ang siyang nakakahawa sa tao;
kundi ang lumalabas sa bibig, ito ang nakakahawa sa tao" (Mateo
15:11).
Pinagwikaan din tayo ni Apostol Pablo:
"Huwag nga kayong padala sa mga turong sarisari at di kilala:
sapagka't mabuti na ang puso ay patibayin sa pamamagitan ng biyaya;
hindi sa pamamagitan ng mga pagkain, na di pinakikinabangan ng mga
nagabala sa kanila" (Hebreo 13:19).
Sa anong kadahilanan ayon kay Apostol Pablo?
"Sapagka't ang kaharian ng Dios ay hindi ang pagkain at
paginom, kundi ang katuwiran at ang kapayapaan at ang kagalakan sa
Espiritu Santo" (Roma 14:17).
Samakatuwid, huwag tayo makikinig sa mga mangangaral na ang
ipinangangaral ay mga patungkol sa pagkain at pag-inom. Ang mga yaon
ay sumisira sa mga gawa ng Diyos. Sila ay pinagbalaan na ni Apostol
Pablo:
"Huwag mong sirain ang gawa ng Dios dahil sa pagkain. Tunay na
ang lahat ng mga bagay ay malilinis; gayon man ay masama sa tao ang
kumakain ng laban sa kaniyang budhi" (Roma 14:20).
"Nguni't ang nagaalinlangan ay hinahatulan kung kumakain,
sapagka't hindi siya kumakain sa pananampalataya; at ang anomang
hindi sa pananampalataya ay kasalanan" (Roma 14:23).
Si Apostol Pablo ay nag-utos na: "Lahat ng ipinagbibili sa
pamilihan ay kanin ninyo, at huwag kayong magsipagtanong ng anoman
dahilan sa budhi" (I Corinto 10:25). Kung sa pamilihan ay may
ipinagbibiling dinuguan o anumang pagkaing may dugo, maari iyong
kainin ayon na rin mismo kay Pablo na apostol ni Cristo. Ipinag-utos
din ni Apostol Pablo na: "Kung kayo'y aanyayahan ng isang hindi
sumasampalataya, at ibig ninyong pumaroon; ang anomang ihain sa inyo
ay kanin ninyo, at huwag kayong magsipagtanong ng anoman dahilan sa
budhi" (I Corinto 10:27). Samakatuwid, kung ang nag-anyaya sa atin
ay may handang dinuguan, maaaring kainin ito ayon sa utos ni Apostol
Pablo. Hindi lamang si Apostol Pablo ang nag-utos nito kundi ang
Panginoong Jesukristo mismo: "At magsipanatili kayo sa bahay ding
yaon, na kanin at inumin ninyo ang mga bagay na kanilang ibigay:
sapagka't ang manggagawa ay marapat sa kaniyang kaupahan. Huwag
kayong mangagpalipatlipat sa bahaybahay" (Lucas 10:7).
___________________________________
Ang salin ng Biblia na gamit dito ay Ang Biblia
maliban na lamang doon sa mga sinipi sa
Magandang Balita Biblia.

__._,_.___
Recent Activity
Visit Your Group
SPONSORED LINKS
Y! Messenger

PC-to-PC calls

Call your friends

worldwide - free!

Yahoo! 360°

Get Started

Create your page

Share your life

Yahoo! Groups

Moderator Central

Connecting a world

of moderators

.

__,_._,___
Reply all
Reply to author
Forward
0 new messages