Hustisya: Pahayag kaugnay sa mga IHL violations sa ilalim ng gobyernong Marcos Jr.

6 views
Skip to first unread message

KARAPATAN Public Information

unread,
May 26, 2023, 2:33:57 AM5/26/23
to karapatanhr, karapatan...@googlegroups.com, KARAPATAN Human Rights Update on behalf of publicinfo

PAHAYAG
26 May 2023


Pahayag ng Hustisya kaugnay sa mga IHL violations sa ilalim ng gobyernong Marcos Jr.

 

Mariing kinokondena ng Hustisya ang patuloy na pananalasa ng terorismo ng estado sa mamamayan nito at ang tuloy-tuloy na mga paglabag sa karapatang pantao at pandaigdigang makataong batas (International Humanitarian Law).  

 

Nitong unang linggo ng Mayo 2023, nakatanggap ang Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) ng ulat ng karumal-dumal at di-makataong pagpaslang sa isang di-umano’y miyembro ng NPA na napabalitang napatay sa bakbakan ng militar at NPA sa Balbalan Kalinga noong Mayo 3, 2023. Ayon sa tala at kwento ng mga saksi, putol-putol ang katawan ng biktima, nawawala ang ulo, bahagi ng braso at mga paa at tanging katawan na lamang ng biktima ang natagpuan.

 

“Walang puwang sa isang sibilisadong lipunan ang ganitong kahayupan at barbarismo mula mismo sa estadong dapat kumikilala sa karapatang pantao at nagpapatupad nito. Hindi na lamang pandaigdigang makataong batas (International Humanitarian Law) ang nilabag ng karumal-dumal na pagpaslang na ito, nilabag din nito ang batayang batas ng pagkatao, ang batas ng kalikasan (law of nature). Ang mga gumawa nito ay dapat tanggalan ng ranggo at sampahan ng kaso, gayundin ang mga nasa poder na kumakalinga at nagbubunyi sa ganitong mga paglabag,” pahayag ni Evangeline Hernandez, tagapangulo ng Hustisya.

 

Noong Mayo 3, 2023, isang sibilyan naman ang naiulat na binaril ng mga elemento ng 94th IB, AFP sa Sitio Ulo-Tuburan, Brgy. Buenavista sa bayan ng Himamaylan, Negros Occidental. Kasama ang kanyang asawa pauwi mula sa isang seminar na ipinatawag ng lokal na pamahalaan, binaril si Crispin Tingal, Jr. sa kanilang tirahan. Ang pamamaril ay nasaksihan ng kanyang pamilya, mga kapitbahay at maging ng mga estudyanteng nakisilong lamang sa kanilang katabing bahay. Kalaunan ay ibinandera  ng 94th IB na kasapi ng New Peoples Army ang napaslang sa di-umano’y 20 minutong bakbakan.

 

Noong Mayo 5,  dalawang sibilyan naman ang napaslang sa Brgy. Sangay, Palapag, Northern Samar. Sina Joel Recare at Oscar Alastoy ay mga chainsaw helpers na nagtratrabaho sa lugar. Sa mismong pahayag ng PNP-Special Action Force, ang mga biktima ay namatay sa di-umano’y engkwentro noong Mayo 5 sa Sitio Ibaliw, Brgy. Capacupan , Palapag, Northern Samar. Samantala pinatunayan ng Punong Brgy. na ang mga biktima ay sibilyan at wala sa listahan ng mga militar. Hindi pa nagkasya sa pagsinungaling, nagawa pang maghasik ng lagim sa komunidad ang PNP-SAF ng hawakan nito ng mahigit 24 oras ang mga labi ng dalawang biktima. Kinailangan pang magsampa ng reklamo ang pamilya ng mga biktima bago naihatid sa Regional Health Unit ang naaagnas nang mga labi nina Recare at Alastoy.

 

Malinaw ang nakasaad sa Protocol 2 ng International Humanitarian Law, na ang mga sibilyan ay hindi dapat target sa kalagayang may armadong tunggalian sa isang bansa. Ipinagbabawal din ng batas ang ”violence to life, in particular murder, cruel treatment such as torture, mutilation, or any form of corporal punishment.” Sa bansang tulad ng Pilipinas na may armadong tunggalian, ang UDHR and IHL, at ang Comprehensive Agreement on the Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) ay dapat at mahigpit na pinapatupad ng magkabilang panig.

 

“Ipinapanawagan ng Hustiya na magsagawa ang Commission on Human Rights ng masusing imbestigasyon kaugnay ng mga insidenteng ito at marami pang kaso ng paglabag sa Protocol 2 ng Geneva convention,ani Hernandez.

“Mariin ding ang pagkondena ng Hustisya sa AFP, PNP at sa rehimeng Marcos Jr. bilang Commander in Chief ng AFP, sa patuloy na  pagpapatupad nito ng kontra-insurhensiyang programa na hango sa US-Counter Insurgency Program; ang pananatili ng EO 70 na lumikha sa berdugong National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).  Tila balak sundan ng anak ng diktador ang yapak ng kanyang ama, at mga dating presidente ng bansa na markado na human rights violators tulad nina Gloria Macapagal-Arroyo at Rodrigo Duterte, sa halip na tugunan ang ugat ng armadong pakikibaka ng mamamayan at isulong ang tunay na kapayapaan,” pangwakas ni Hernandez.###

 

References:

Evangeline Hernandez,  

Chairperson, Hustisya, 0950-4477934

 

---------------------------------------------------------------------
PUBLIC INFORMATION DESK
publi...@karapatan.org
 
---------------------------------------------------------------------
Alliance for the Advancement of People's Rights
2nd Flr. Erythrina Bldg., #1 Maaralin corner Matatag Sts., Central District
Diliman, Quezon City, PHILIPPINES 1101
Telefax: (+63 2) 4354146

KARAPATAN is an alliance of human rights organizations and programs, human rights desks and committees of people’s organizations, and individual advocates committed to the defense and promotion of people’s rights and civil liberties.  It monitors and documents cases of human rights violations, assists and defends victims and conducts education, training and campaign. 
Reply all
Reply to author
Forward
0 new messages