Pahayag ni Verdy Pongasi, transwoman at bilanggong pulitikal, para sa Pride Month 2026

2 views
Skip to first unread message

KARAPATAN Public Information

unread,
Jun 25, 2026, 11:01:12 PM (15 hours ago) Jun 25
to karapatanhr, karapatan...@googlegroups.com, KARAPATAN Human Rights Update on behalf of publicinfo

PAHAYAG NI VERDY PONGASI, TRANSWOMAN AT BILANGGONG PULITIKAL, PARA SA PRIDE MONTH 2026


Una sa lahat, nais kong batiin ang lahat ng miyembro ng LGBTQIA++ Community ng isang mapagpalaya at makabuluhang Happy Pride Month!


Kasabay nito, nais kong bigyan ng pinakamataas na pagpupugay ang mga kapatid nating mula sa LGBTQIA++ Community na sina Chad Booc, Dee Supelanas, RJ Ledesma, Maureen Santuyo, Kai Sorem, at sa lahat ng martir na nag-alay ng kanilang buhay para sa pagsusulong ng pambansa demokratikong kilusan at sa pakikibaka ng sambayanan para sa tunay na kalayaan, hustisya, at demokrasya.


Sa paggunita natin sa kanilang kabayanihan at sakripisyo, hindi lamang natin inaalala ang kanilang naging ambag sa pakikibaka. Tungkulin din nating ipagpatuloy ang kanilang ipinaglaban at panagutin ang mga responsable sa mga paglabag sa karapatang pantao at sa kultura ng impunidad na patuloy na umiiral sa ating lipunan. Higit nating dapat bigyang-diin ang panawagan para sa pananagutan at katarungan.


Kaya naman, muli nating isigaw:


Hustisya para kay RJ Ledesma!
Hustisya para sa Toboso 19!


Ang panawagang ito para sa hustisya ay hindi lamang para sa mga indibidwal na naging biktima ng pang-aapi. Ito ay panawagan para sa lahat ng mamamayang patuloy na pinagkakaitan ng kanilang mga karapatan at kalayaan. Isa ako sa mga buhay na saksi kung paano ginagamit ang kapangyarihan ng estado upang patahimikin ang mga kritiko at mga lumalaban para sa pagbabago.


Halos mag-aanim na taon na akong nakakulong dito sa Negros dahil sa mga gawa-gawang kasong isinampa laban sa akin ng administrasyong Duterte. Nakakagalit na ang mga tunay na dapat managot sa sambayanan ay nananatiling malaya at protektado. Ang itinuturing na pugante ng Department of Justice na si Senador Ronald "Bato" Dela Rosa ay literal na nakatakbo sa kanyang pananagutan sa International Criminal Court kaugnay ng kasong Crimes Against Humanity. Samantala, ang mga sangkot sa malawakang korapsyon, kabilang ang mga nasa tuktok ng mga maanomalyang Flood Control Projects, ay nakaiwas sa pananagutan o kaya naman ay nakatatanggap ng espesyal na pagtrato sa mga kulungan. 


Lalong lumilitaw ang malalim na pagkiling ng sistemang umiiral. Habang ang mga makapangyarihan ay nagtatamasa ng proteksyon at prebilehiyo, ang mga maralita, aktibista, at bulnerableng sektor ay nakararanas ng pinakamabigat na anyo ng panunupil.


Sa kabilang banda, kaming mga ordinaryong mamamayan, lalo na kaming mga bilanggong pulitikal, ay patuloy na nakikipagbuno sa malupit, hindi makatao, at degrading na pagtrato sa loob ng kulungan. Habang kami ay tinitipid sa pagkain at gamot at nagkakasya sa kakarampot na suplay ng tubig at iba pang serbisyo, limpak-limpak namang salapi ang winawaldas ng mga korap. Ito ang malinaw na larawan ng isang lipunang pinaghaharian ng hindi pagkakapantay-pantay at sistematikong inhustisya.


Mahalagang ilantad ang katotohanang ito sapagkat ang usapin ng Pride ay hindi lamang usapin ng pagkilala sa identidad. Ito rin ay usapin ng karapatang mabuhay nang may dignidad, kalayaan, at katarungan. Hindi maaaring ihiwalay ang laban ng LGBTQIA++ Community sa laban ng mamamayan laban sa pang-aapi, diskriminasyon, at pagsasamantala.


Kaya ngayong Pride Month, bilang isang transwoman at bilanggong pulitikal, nais kong ilantad at isigaw ang kalagayan naming persons deprived of liberty (PDL).


Sa aking personal na karanasan, naranasan ko ang matinding takot dulot ng paggamit ng puwersa ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa panahon ng protesta, kabilang ang pagpapaputok ng tear gas at pepper bullets habang wala kaming mapuntahan o matakbuhan. Nasaksihan ko kung paano sinira at winasak ang kakarampot na ngang mga gamit namin dahil umano'y sobra ang mga ito. Nasaksihan ko kung paano dinakip ang isang bilanggong pulitikal at inilagay sa Isolation Building, kung saan siya ay isinailalim sa prolonged solitary confinement na kalaunan ay kinilala ng hukuman bilang paglabag sa kanyang mga karapatan.


Ang mga karanasang ito ay hindi mga hiwa-hiwalay na insidente. Bahagi ang mga ito ng mas malawak na kalagayan ng mga PDL at ng patuloy na paggamit ng mga mapaniil na hakbang laban sa mga taong itinuturing na kalaban o kritiko ng umiiral na kaayusan.


Naranasan ko rin ang sapilitang paghihiwalay sa buong komunidad ng mga PDL dahil itinuring kaming "bad influence." Naranasan ko ang collective punishment at mahigpit na pagkakakandado sa loob ng selda na umaabot sa 23 hanggang 24 oras bawat araw sa loob ng 134 na araw. Hanggang sa kasalukuyan, nananatili sa aking isipan ang kaba at takot na dulot ng tunog ng nagsasarang bakal na pinto.


Bilang miyembro ng LGBTQIA++ Community, naranasan ko rin ang hindi makataong pagtrato sa aking pagkakakilanlan, kabilang ang pagpapahubad ng pang-itaas na kasuotan sa panahon ng greyhound operation. Naranasan kong nakaposas habang nakikipag-usap sa aking mga abogado, at naranasan ko rin ang pagtanggi sa pagbisita sa akin ng isang spiritual adviser. Nasaksihan ko rin ang biglaang paglipat ng isang kapwa bilanggong pulitikal sa ibang kulungan, isang pangyayaring nagdulot ng matinding pangamba at trauma hindi lamang sa kanya kundi maging sa aming mga naiwan.


Bilang isang transwoman, higit kong naramdaman kung paano nagtatagpo ang iba't ibang anyo ng diskriminasyon at pang-aapi. Ang pagiging LGBTQIA++ person, pagiging bilanggong pulitikal, at pagiging bahagi ng mga sektor na patuloy na isinasantabi ng lipunan ay naglalantad sa atin sa higit na panganib ng pang-aabuso at paglabag sa karapatan.


Nakapanlulumo na ang isang institusyong may mandatong "safekeeping and development" ay siya ring nagiging lugar ng unti-unting pagkasira ng isip, katahimikan, at pagkatao. Higit pang nakapanlulumo na ang mga paglabag sa karapatan ng mga PDL ay patuloy na binibigyang-katwiran sa ngalan ng disiplina at reporma, habang ang mga salarin sa malawakang paglabag sa karapatang pantao at pandarambong sa kaban ng bayan ay nananatiling nakalalaya.


Sa halip na maging lugar ng rehabilitasyon at paggalang sa dignidad ng tao, nagiging instrumento ito ng pagpapatahimik, pananakot, at higit pang pagdurusa para sa maraming nakakulong.


Ang lahat ng ito ay nagdulot ng mabigat na epekto sa aking kalusugang pangkaisipan. Subalit sa kabila nito, nananatili ang aming paninindigan at paglaban. Sapagkat ang kasaysayan ng bawat pakikibaka ay nagpapatunay na walang anumang uri ng panunupil ang makapipigil sa hangarin ng mamamayan para sa katarungan at kalayaan.


Kaya ngayong Pride Month, sama-sama nating isigaw:


Ang Pride ay Protesta. 


Ang Pride ay isinilang mula sa paglaban at patuloy na nabubuhay sa paglaban. Hindi ito maihihiwalay sa pakikibaka ng lahat ng inaapi at pinagsasamantalahan para sa isang lipunang tunay na makatarungan at malaya.


Ang Pride ay hindi lamang pagdiriwang ng identidad. Ito ay paninindigan laban sa diskriminasyon, pang-aapi, at lahat ng anyo ng karahasan. Ito ay pakikibaka para sa pagkilala sa dignidad ng bawat tao. Ito ay pagkakaisa sa hanay ng lahat ng inaapi at pinagsasamantalahan.


Lahat ng anyo ng karahasan ay dapat labanan, kapwa sa loob at labas ng kulungan, sapagkat iisa lamang ang lipunang ating ginagalawan, isang lipunang nananatiling umiiral ang malalim na hindi pagkakapantay-pantay, sistematikong inhustisya, at patuloy na pagyurak sa karapatang pantao.


Sa harap ng tumitinding krisis, diskriminasyon, at paglabag sa karapatang pantao, higit kailanman ay kinakailangan ang pagkakaisa at kolektibong pagkilos ng mamamayan upang itaguyod ang ating mga demokratikong karapatan at lehitimong mga panawagan.


Sa diwang ito, higit nating dapat pagtibayin ang pagkakaisa ng mamamayan, ng LGBTQIA++ Community, ng mga bilanggong pulitikal, at ng lahat ng sektor na nakararanas ng pang-aapi at pagsasamantala. Sapagkat hangga't may inaapi, may dahilan upang lumaban. Hangga't may diskriminasyon at inhustisya, mananatiling makatarungan ang ating panawagan para sa tunay na kalayaan, demokrasya, at panlipunang pagbabago.


*Binasa ang ilang bahagi ng pahayag sa Pride Protest ngayong ika-26 Hunyo 2026 sa Liwasang Bonifacio, Manila. Isusunod ang salin sa Ingles.


---------------------------------------------------------------------
PUBLIC INFORMATION DESK
publi...@karapatan.org

---------------------------------------------------------------------


2nd Flr. Erythrina Bldg.,
#1 Maaralin corner Matatag Sts., Central District
Diliman, Quezon City, PHILIPPINES 1101

KARAPATAN is an alliance of human rights organizations and programs, human rights desks and committees of people’s organizations, and individual advocates committed to the defense and promotion of people’s rights and civil liberties.  It monitors and documents cases of human rights violations, assists and defends victims and conducts education, training and campaign.  It was established in 1995.
 
Reply all
Reply to author
Forward
0 new messages