Balita
31 Mayo 2015
Kakaibang
Flores de Mayo,
idinaos para sa hustisya
Isang kakaibang Flores
de Mayo ang idinaos ng grupong Hustisya kahapon sa Plaza Miranda para
manawagan ng hustisya sa mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao.
Tampok ang mga bata bilang mga sagala at konsorte, itinanghal ang sampung
makukulay na arko na naglalaman ng iba’t ibang panawagan tulad ng paglaya sa
mga bilanggong pulitikal, pagpapalaya kay Mary Jane Veloso at hustisya sa mga
manggagawa ng Kentex.
“Simbolo ang mga bulaklak ng buhay at pag-asa. Alay
namin ang Flores de Mayo na ito sa kanilang mga kinitlan ng buhay at karapatan,
mga pinagkaitan ng pag-asa. Dapat nating ipagtanggol ang mga karapatan hindi
lang para sa mga bata, kundi para sa kinabukasan,” ayon kay Cristina Guevarra,
pangkalahatang kalihim ng Hustisya.
Sa programa, isa-isang ipinarada ang mga arko habang tangan ng mga kaanak at kaibigan ang maraming pumpon ng bulaklak. Ang mga batang sagala mismo ay mga kaanak at kaibigan ng mga biktima. Kasama sa mga sagala at konsorte ang mga anak ni Mary Jane Veloso, apo ng mga desaparecido at bilanggong pulitikal.
“Sa loob ng limang taon ng gobyernong Aquino, puro pagkakait sa buhay at karapatan ang aming nasaksihan. Nariyang pinabayaan ang mga tulad ni Mary Jane, nariyang namamatay ang mga manggagawa sa pagawaan ng Kentex. Wala pa ring hustisya at patuloy na dumadami ang mga pinaslang, dinukot at ikinukulong dahil sa kanilang paninindigan. Kailangan na natin itong wakasan,” ani Guevarra. ###
Reference: Ma. Cristina Guevarra, Hustisya secretary general. 0949-1772928