PAHAYAG NG CAMPAIGN AGAINST THE RETURN OF THE MARCOSES AND MARTIAL LAW (CARMMA) SA IKA-53 ANIBERSARYO NG BATAS MILITAR
Babahain ng nagpupuyos na taumbayan ang Luneta at iba't ibang lugar sa Pilipinas sa ika-53 taong anibersaryo ng martial law, ang golden age ng korapsyon sa ating kasaysayan.
Babahain sa galit sa pangungurakot at pandarambong ng nagsasabwatang sakim na iilan samantalang kandamatay ang taumbayan sa lagim ng panahon at kahirapan.
Babahain sa pagkakaisang wakasan na ang burukratang kapitalismo – ang sistemang nagpapahintulot upang ang gobyerno at burukrasya ay magamit ng mga korap hindi para sa serbisyo publiko kundi para sa pribadong ganansya (public office for private gain).
Babahain sa determinasyong hindi makokontento sa balasahan ng mga opisyal at imbestigasyong pampakalma sa galit ng taumbayang sumisigaw na papanagutin ang lahat ng korap sa lahat ng sangay ng gobyerno.
Ang nangyayaring korapsyon ngayon ay tradisyong mauugat sa korapsyon noong martial law. Sino nga ba ang nuknukan sa pagkakorap kundi si Ferdinand Marcos Sr.?
“Mahiya naman kayo,” ang wika ni Ferdinand Marcos Jr. samantalang siya ang unang-unang dapat na mahiya sa 10 bilyong dolyar na kinurakot ng diktador na amang alyas William Saunders at inang alyas Jane Ryan sa bankong Credit Suisse sa Switzerland at ngayo’y bahagi ng Marcos estate na nasa pangangalaga niya? Siya, si Marcos Jr. mismo, ay isang convicted tax evader na may utang na 204 bilyong piso sa gobyerno.
Wala siyang ipinag-iba sa korap na si Sara Duterte na nakalusot sa conviction ng impeachment gayong nagnakaw ng P612.5M bilang confidential funds; P125M dito ang nilustay niya sa loob lamang ng 11 araw.
Tama na ang luhang buwaya ni Marcos Jr., ang pagsisiga-siga ni Sara, at ang mga inarteng palabas ng mga naghaharing political dynasties.
Tama na tiwaling pambansang badyet at budget insertions! Tama na ang confidential funds! Tama na ang lahat ng pamamaraang pork barrel! Ninakaw n’yo, isoli n’yo! Ikulong ang lahat ng mandarambong! Transparency! Accountability! Ibagsak ang burukratang kapitalismo!
CARMMA, 21 Setyembre 2025
#MarcosSingilin #DutertePanagutin #StopKorap #KurakotManagot #burukratakapitalismoibagsak