Magandang gabi po sa inyong lahat!
Ikanalulungkot ko pong ipabatid na hindi ako makakadalo sa Miyerkules sapagkat mayroon na akong naunang appointment. Have fun na lamang po! :)
Heto ang ilan sa aking mga suhestyon para sa mga mas ikagaganda ng mga susunod na recognition ceremonies ng kolehiyo:
1. Sa pang-limang pagkakataon simula 2009 kung kelan ako unang naging bahagi ng komiteng ito, namura na naman po ako ng mga magulang sa gate ng theater dahil hindi sila agad napapasok sa bulwagan. Sa tingin ko po, dapat na mas maaga pa ang call time natin, around 2 hours before the program. Siguro maaari nang papasukin ang mga magulang as they come at wag na natin hintayin na maipon sila sa labas bago magpapasok. Makakatulong din ito para
hindi madelay ang pagsisimula ng palatuntunan. Kung gayon, dapat na maagang maging handa ang mga ushers sa kanilang mga pwesto para makapagpapasok tayo agad ng audience.
2. Kung sa susunod na taon ay magiging bahagi pa rin ang kaguruan sa komiteng tagapagpatupad, siguro maiging masabihan ang mga kasapi ng Student Council na maging mas masunurin sa ilang instructions natin kagaya ng sa seat plan. Mariin kong hinabilin na 2 hanggang 3 lang na rows ang dapat i-allocate sa faculty members at college officials subalit 4 na rows ang tinakda. Ito ang pangunahing dahilan kaya nagkulang ang upuan ng mga nagsipagtapos at napilitang patayuin ang 1 row ng mga magulang na nakaupo sa likod ng mga mag-aaral. Mahalagang mabilang nang maigi ang bilang ng mga magsisipagtapos para maiayos ang seat plan.
3. May ilan pong kasapi ng
kaguruan ang naghanap ng pagkain at tubig bago ang palatuntunan. Hindi sila nasabihan o hindi nila nalaman na sa likod ng stage nakalagay ang mga pagkain. Maigi sigurong i-coordinate ng maigi ito sa mga kasapi ng komite sa susunod na taon.
4. Mainam din po siguro kung sa unang pulong pa lang ng komite ay mabigyan na lahat ng kasapi ng kanyang subcommittee. Sa tingin ko po ay hindi naging malinaw para sa ibang kasapi kung saan sila kabilang. Nakakaawa po ang physical set-up committee na mukhang kinulang sa tao samantalang may ibang kasapi ng RCC na walang malinaw na kinabibilangang subcommittee.
5. Binigay na suhestyon po ng isang kaguro mula sa Dept of Geography na si Prof. Placino na magkaroon din ng tagapagsalita mula sa mga nagsipagtapos ng digring gradwado. Ito ay kagaya ng ginagawa sa ibang kolehiyo. Aniya, may ilang sentimyento ang mga nagsisipagtapos sa antas gradwado na maaring kaiba sa mga sentimyento ng mga nagsisipagtapos sa antas andergrawado.
6. Maaari din pong pag-isipang muli ang pagpayag sa lahat ng mga magulang na umakyat sa stage may honor man o wala ang anak nilang magtatapos. Napahaba po ang programa sa taong
ito kumpara sa mga nakakaraang taon. Maaari pong ang pagpayag sa lahat ng magulang na umakyat sa entablado (at magpapicture) ang isa sa mga salik na maaaring ituro sa pagbabagong ito.
Sa kabila po ng mga munti kong nabanggit, kumbinsido po ako na mahusay ang ating pagkakakaplano at pagkakapatupad ng palatuntunan. Salamat po.
RCC forever
(Haha),
Bernard