ANG BAYAN, 7 Sept 2012 (text + PDF)

12 views
Skip to first unread message

marco

unread,
Sep 7, 2012, 3:58:59 AM9/7/12
to Editorial Staff
40 taon ng krisis at terorismo ng estado

Apatnapung-taon na ang nakararaan, subalit hindi pa rin nabubura ang alaala ng batas militar sa kamalayan ng mamamayang Pilipino. Hindi maghilom-hilom ang mga sugat na iniwan ng pasistang diktadurang US-Marcos sa harap ng patuloy na pagsupil ng reaksyunaryong estado sa mamamayan at sa kanilang rebolusyonaryong paglaban. Gamitin natin ang ika-40 anibersaryo ng pormal na deklarasyon ng batas militar sa darating na Setyembre 21 upang magbalik-tanaw sa brutalidad ng paghaharing militar.

Pasiglahin natin ang pag-aaral sa kasaysayan ng batas militar laluna sa hanay ng kabataan. Kalakhan sa kanila ay wala nang tuwirang karanasan sa brutalidad ng batas militar at sa magiting na paglaban at mapait na mga sakripisyo ng milyun-milyong mamamayan. Tukuyin natin ang ugat at mga sirkunstansya ng pagpapataw ng batas militar at ang tungkuling pag-ibayuhin ang mga pakikibaka laban sa nagpapatuloy na paggamit ng terorismo ng estado laban sa bayan.

Ipinataw ng noo'y presidente Ferdinand Marcos ang batas militar upang ipreserba ang bulok, bangkarote at naghihingalong naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal. Malakas ang ambisyon ni Marcos na habampanahong makapanatili sa poder. Nakuha ni Marcos ang suporta ng imperyalismong US, katulad ng pagsuporta nito sa mga diktadura sa ibang bansa.

Ang paggamit sa terorismo ng estado ay prinsipal na nakatuon sa pagsupil sa armadong rebolusyon at di armadong demokratikong kilusang masa ng mamamayang Pilipino laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Ginamit ni Marcos ang kamay na bakal para supilin ang mamamayan at ipagtanggol ang interes ng dayuhang malalaking kapitalista, malalaking kumprador at mga panginoong maylupa.  Ang pagpapataw ng batas militar noong 1972 ay tanda na hindi na makapaghari ang mga reaksyunaryong uri sa dating paraan. Sa harap ng pagsadsad ng krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal, labis na lumalim ang pagkakabitak ng mga reaksyunaryong uri at umabot sa marahas na salpukan. Kaalinsabay nito, inilunsad ng mamamayang Pilipino sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang demokratikong rebolusyong bayan at ang armadong rebolusyon.

Ilang ulit na pinalawak at pinalakas ni Marcos ang Armed Forces of the Philippines (AFP).  Bukod pa rito ang mga pwersang paramilitar tulad ng Civilian  Home Defense Force. Binuo rin ang pulisya bilang pambansang pwersa sa ilalim ng sentralisadong kumand ng noo'y Philippine Constabulary-Integrated National Police. Ipinailalim sa mando ni Marcos ang lahat ng armado at mapaniil na pwersa ng estado at ginamit para marahas na supilin ang mamamayan.

Hindi bababa sa 70,000 ang ipinakulong at tinortyur ng mga upisyal at tauhan ni Marcos sa ilalim ng paghaharing militar. Mahigit 3,000 ang pinatay, libu-libo ang naging biktima ng pambubugbog, pagmasaker at pagdukot. Ipinagbawal ang pag-uunyon at pag-oorganisa, mga pulong at demonstrasyon. Pinairal ni Marcos ang takot. Binusalan ang mamamayan at tinangkang kontrolin ang kanilang isip sa pamamagitan ng pagkontrol sa masmidya, edukasyon at iba't ibang taktika ng saywar.

Kabilang sa mga ipinakulong ni Marcos ang mga reaksyunaryong karibal niya sa pulitika na inakusahan niya ng pakikipagsabwatan sa rebolusyonaryong kilusan. Malaon, karamihan sa kanila'y ay nanahimik at naghintay na lamang na magbago ang tindig ng US kay Marcos.

Ang mga rebolusyonaryong pwersa ng pambansa-demokratikong kilusan ang pinakamasugid, pinakamatatag at pinakamatapang na nanindigan laban sa batas militar. Sinuong nila ang landas ng armadong pakikibaka at nagpunyagi sa lihim na pagkilos at paglaban sa kalunsuran. Sila ang naging pangunahing target ng pasistang karahasan ng batas militar.

Ang PKP at ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa pamumuno nito ang nasa bag-as ng di magaping kilusang antipasista, at nagpapatuloy na pakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Pinaglagablab nila ang apoy ng paglaban sa kalaliman ng gabi ng batas militar. Binigyang-inspirasyon nila ang mamamayang Pilipino upang magpunyagi sa landas ng paglaban sa diktadurang US-Marcos.

Sumulong ang armadong rebolusyon. Ilang libong kabataan, mga manggagawa at magsasaka ang sumanib sa Bagong Hukbong Bayan (BHB). Marami sa kanila ang nakapag-ambag nang malaki sa pagbubukas ng bagong mga larangang gerilya, pagsusulong ng rebolusyong agraryo sa kanayunan at pagpapaigting ng armadong pakikibaka. Itinatag ito noong 1969 na mayroon lamang 60 Pulang mandirigma na mayroong siyam na ripleng awtomatik at 26 mahihinang armas. Sa unang tatlong taon, umabot sa 400 ang lakas-sandata ng BHB. Pagsapit ng kalagitnaan ng dekada 1980, umabot sa humigit-kumulang 5,500 malalakas na armas ang lakas-sandata ng BHB, at nakapaglulunsad ng mga taktikal na opensiba sa buong bansa. Ang mga ito ang nagdulot ng pinakamalalakas na bigwas laban sa paghahari ng diktadurang US-Marcos.

Nagpunyagi ang mga rebolusyonaryong pwersa sa lihim na pagkilos sa kalunsuran, laluna sa hanay ng mga manggagawa, maralitang lunsod, mga kabataan-estudyante, taong-simbahan, kababaihan at iba pang demokratikong sektor. Pagsapit ng 1976, pumutok ang mga welga at pakikibakang manggagawa na pumawi sa takot na pinairal ni Marcos. Sumiklab ang malalaking pagkilos ng mga estudyante noong 1977 laban sa pagtaas ng matrikula at iba't ibang isyung panlipunan. Niyanig ng mga aksyong protesta ang buong Metro Manila sa gitna ng inilunsad ni Marcos na huwad na eleksyon.

Nagtuluy-tuloy sa unang hati ng dekada 1980 ang pagbwelo ng demokratikong kilusang masa sa Metro Manila at iba pang sentrong lunsod at armadong pakikibaka sa kanayunan, bagay na pinangambahan ng US.  Ikinadismaya ng US ang pagpatay ng mga armadong galamay ni Marcos kay Benigno "Ninoy" Aquino Jr. noong 1983, nang bumalik ito sa pagkadistyero sa US. Sinalubong ito ng dambuhalang mga demontrasyon noong 1983-85 sa pamumuno ng mga pambansa-demokratikong pwersa at ng lalo pang pag-igting ng mga taktikal na opensiba sa buong bansa.

Ang pagpapatawag ni Marcos ng dagliang eleksyon noong Pebrero 7, 1986 sa udyok ng US ay nagbunsod ng pagkilos ng mga reaksyunaryong anti-Marcos. Mahigpit na ibinilin ng US kina Corazon Aquino na huwag bigyan ng puwang ang mga pwersa ng demokratikong kilusang masa sa kanyang kampanya at huwag kantihin ang isyu ng base militar.

Pagkatapos ng eleksyon ay binatikos ng PKP ang naging huwad na halalan at nanawagan ng mga pag-aaklas. Sumunod na lamang dito ang panawagan ni Corazon Aquino para sa "civil disobedience" at ang panawagan para sa demonstrasyon sa EDSA. Ang mga pwersang pinakilos ng pambansa-demokratikong kilusan ang bumuo sa gulugod ng apat na araw na demonstrasyon sa EDSA noong Pebrero 22-25.  Nag-organisa sila ng mga demonstrasyon sa pangunahing mga lunsod sa buong bansa. Pinamunuan nila ang mga manggagawa at estudyante na nagrali sa Mendiola at mismong tarangkahan ng Malacañang hanggang lumayas si Marcos sakay ng helikopter ng militar ng US.

Dapat nating balikan ang kasaysayan ng batas militar upang labanan ang ginagawang pambabaluktot sa kasaysayan. Pinalalabas ng mga tagapagmana ni Marcos na walang nangyaring kalupitan sa panahon ng batas militar. Pinagmumukha pang bayani si Marcos.  Binibigyang-matwid ang paggamit ng kamay na bakal at pagsupil sa karapatan ng mga manggagawa sa pag-uunyon at pagwewelga sa pag-akit ng dayuhang pamumuhunan. Ipinagmamalaki ang mga proyektong pang-imprastruktura na naglubog sa Pilipinas sa utang sa mga dayong bangko at nagpabundat sa malalaking burukrata kapitalista sa pangunguna mismo ng pamilyang Marcos.

Mismong ang kasalukuyang rehimeng Aquino ay nambabaluktot ng kasaysayan. Pinalalaki nito ang "kabayanihan" ng mga reaksyunaryong anti-Marcos upang maliitin ang ginawang pagpupunyagi at sakripisyo ng mamamayang Pilipino at ng kanilang rebolusyonaryong kilusan sa paglaban at pagbabagsak kay Marcos at sa paghahari ng batas militar.

Ilang ulit nang idineklara ni Benigno Aquino III na siya at ang kanilang pamilya ay biktima ng batas militar. Isa itong di maitatatwang katotohanan ng kasaysayan. Subalit wala siyang karapatan na tabunan ang naging sakripisyo ng ilampung libong mamamayan na nasa unahan ng pakikibaka laban sa diktadurang Marcos. Lalong wala siyang karapatang bigyang-matwid ang ginagawang pagsupil sa mga demokratikong karapatan na walang pinagkaiba sa ginawang pagsupil sa ilalim ng batas militar.

Ano ang silbi na ipagmalaki ni Aquino ang sakripisyo ng kanyang pamilya sa pagkakakulong ng kanyang amang si Benigno Aquino Jr. kung ngayo'y para siyang si Marcos na tumatangging daan-daang bilanggong pulitikal ang patuloy na nakakulong sa ilalim ng kanyang rehimen?  Kung ngayo'y nagpapatuloy ang mga pagpatay, pagdukot, pagkukulong at pagtortyur sa mga aktibistang lumalaban sa demolisyon, nakikibaka para sa dagdag na sahod, naninindigan laban sa pandarambong ng kalikasan at nagtatanggol sa interes ng masang anakpawis? Kung ngayo'y patuloy ang militarisasyon sa kanayunan, ang pambobomba, pamamaril, panunupil at panggigipit?

Maraming aspeto ng paghaharing militar ng pasistang diktadurang US-Marcos ang nagpatuloy sa mga sumunod na rehimen at umiiral hanggang sa kasalukuyan. Patuloy na ipinagtatanggol ng mga naghaharing uri ang malakolonyal at malapyudal na sistemang ipinagtanggol ng batas militar ni Marcos. Ibayo pang pagsasamantala, pang-aapi at paghihirap ang dinaranas ng mamamayang Pilipino sa lalong paglalim ng palagiang krisis.

Palupit nang palupit ang mga kampanyang panunupil na inilunsad ng magkakasunod na rehimen mula kay Corazon Aquino hanggang kay Arroyo: Oplan Lambat Bitag I-IV (1986-1998), Oplan Gordian Knot at Oplan Makabayan (1999-2000), Oplan Bantay Laya I at II (2001-2010) at Oplan Bayanihan (mula 2011) ng rehimen ni Benigno Aquino III.

Kahit hindi idinedeklara ang batas militar, patindi nang patindi ang paggamit ng pasistang terorismo ng estado. Sa kanayunan, kung saan isinusulong ang armadong pakikibaka kaakibat ng rebolusyong agraryo, pinakamalupit ang kontra-rebolusyonaryong digmang panunupil. Sa mga lugar na pinakamalakas ang paglaban ng mamamayan, nangingibabaw ang kapangyarihan ng militar at mistulang palamuti lamang ang sibilyang gubyerno.  Nitong mga nagdaang taon, ang brutal na kampanya ng panunupil ay buong kabalintunaang tinataguriang "peace and development operations."

BALIKAN natin ang mga aral ng kasaysayan ng pakikibaka laban sa batas militar. Bigyang-pugay natin ang libu-libong nagsakripisyo sa pakikibaka laban sa pasistang diktadura at itanghal silang mga bayaning dapat tularan ng bagong henerasyon ng mga kabataan sa pagbagtas nila sa landas ng rebolusyonaryong pakikibaka sa darating na mga taon.

===================

Sereno, utusan ng asenderong si Aquino sa Korte Suprema

Pormal na nanumpa noong Agosto 25 si Lourdes Sereno bilang ika-24 na punong mahistrado ng bansa. Iisa ang natatanging pamantayang nagbubukod kay Sereno sa mahabang listahan ng mga nominado: Subok siyang nanindigan at maaasahang magtataguyod sa angkan ng mga Cojuangco-Aquino, nang lampas pa sa termino ng rehimeng Aquino. Isang engrandeng palabas lamang ang mahaba, "mabusisi", at diumano'y walang ikinukubling proseso ng pagpipili ng punong mahistrado. Sa simula't simula pa lamang ay may napili na si Aquino. Hangad niya na hirangin lamang sa mga susing pusisyon ng gubyerno ang mga taong lubusang magiging masunurin sa kanya.

Sino si Maria Lourdes Sereno? Isa siyang teknokrata na may mahabang karanasan ng paglilingkod sa malalaking negosyo. Naging executive director siya ng Asian Institute of Management Policy Center, ang pandayan ng mga teknokrata at tagapagtaguyod ng kapitalismo. Naging konsultant si Sereno ng United Nations, World Bank at United States Agency for International Development na pawang mga ahensya ng imperyalistang US.

Nang unang hirangin ni Aquino si Sereno sa Korte Suprema noong 2010 ay pinatunayan na niya ang pagiging matapat na alagad sa pamamagitan ng kanyang mga desisyon bilang mahistrado. Nagsulat siya ng mahabang argumento na kumokontra sa desisyon ng mayorya sa Korte Suprema na ipamahagi ang lupa ng Hacienda Luisita sa mga benepisyaryong manggagawang bukid. Tumindig siya pabor sa pamilyang Cojuangco kaugnay sa mas mataas na balwasyon ng lupa sa Hacienda Luisita na lalong nag-engganyo sa interes ng pamilyang Cojuangco-Aquino para itulak ang P5 bilyong kabayaran kapalit ng pagbitaw ng kontrol sa asyenda.

Nang litisin sa Senado si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona, kinatulong si Sereno ng mga tagausig bilang saksi hanggang sa pagbawalan na siya ng Korte Suprema na humarap dito. Sa malaong paghirang kay Sereno bilang Chief Justice, lalong malinaw na ang tunay na layunin sa ginawang pagpapatalsik kay Corona ay ang pagkontrol ng pangkating Aquino sa Korte Suprema.

Sa interbyu sa kanya sa Judicial Bar Council (JBC), lubusang umayon ang mga pahayag niya sa retorika ng "matuwid na daan" ng rehimeng Aquino. Bukambibig niya ang pangangailangan ng panunungkulang "may pananagutan," "kahusayan" at "matuwid". Gayunman, may lamat na ang integridad at kredibilidad ni Sereno dahil sa kanyang mga desisyong may pagkiling kay Aquino at mga kamag-anak nito. Dagdag dito, hindi rin niya idineklara ang umaabot sa P25 milyong natanggap niya sa gubyerno bilang isa sa dalawang abugado ng estado sa kaso laban sa Philippine International Air Terminal Co. o PIATCO.

Konsolidasyon ng pampulitikang kapangyarihan. Lubusang nakontrol ni Aquino ang tatlong sangay ng reaksyunaryong estado nang hirangin niya si Sereno bilang punong mahistrado. Hindi lamang siya simpleng alyado ni Aquino sa Korte Suprema na hindi hahadlang sa sangay ng ehekutibo. May katiyakan si Aquino na pagtitibayin ni Sereno ang mga programa at kontra-mamamayang patakaran ng rehimen.

Sa edad na 52, nagpabatid si Sereno ng kanyang hangaring tapusin ang termino niya hanggang umabot sa 70 anyos kung kailan na siya obligadong magretiro. Sa 18 taong paninilbihan niya, lalampasan pa niya ang termino ni Aquino at tatlong pangulo ng bansa. Kahit wala na sa poder, masisiguro ni Aquino na mananatili ang malakas na impluwensya ng kanyang angkan sa pamahalaan.

Hindi maaasahang magdala ng reporma sa Korte Suprema ang pagkakahirang kay Sereno. Malinaw sa kanyang rekord na magiging tagasunod siya ng Malacañang, anuman ang maging desisyon ng mga kasamahan niya. Bukod sa pagkiling sa kanyang padrino, ang makauring pananaw at paninindigan ni Sereno ay klaro na maka-asendero at maka-kapitalista.

Ang aktwal na tagal ni Sereno sa kanyang pwesto ay nakadepende sa direksyong patutunguhan ng mga paksyunal na tunggalian sa hanay ng naghaharing uri. Halos pitong senior associate justice ang kanyang nilaktawan para maabot ang pinakamataas na pwesto sa hudikatura. Higit sa lahat, hindi rin palalampasin ng mamamayan, sa pangunguna ng mga progresibo at demokratikong sektor ang anumang kontra-mamamayang hakbanging tatahakin ng Korte Suprema.

Sa katunayan, sinalubong ng sunud-sunod na pagkundena ng iba't ibang progresibo at demokratikong organisasyon ang paghirang kay Sereno. Ang pinakamalalakas na batikos ay nagmula sa batayang sektor ng lipunan -- mga manggagawa, magbubukid at mangingisda. Binoykot din ng limang senior na mahistrado ang panunumpa ni Sereno bilang bagong punong mahistrado. Sinundan ito ng hindi pagdalo ng pitong senior na mahistrado sa "flag ceremony" nitong Setyembre 3. Bukod pa ito sa pagpapahayag ng pagkadismaya ng ilang huwes at samahan ng mga abugado.

Sinalubong ng kilos-protesta ng mga magbubukid ang unang araw ni Sereno bilang punong mahistrado. Naglunsad ng piketrali sa Korte Suprema ang mga kasapi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at mga alyado nitong Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), PAMALAKAYA, AMBALA at partidong Anakpawis.

Nagbabala ang mga magbubukid kay Sereno na kakaharapin niya ang malakas na paglaban ng mga magbubukid sakaling baguhin ng Korte Suprema ang dati nang desisyon sa Hacienda Luisita o gumawa ito ng anumang hakbang kontra sa interes ng mga magsasaka.

Kabilang sa malalaking kasong nakahapag ngayon sa Korte Suprema ang pag-aari ng bilyun-bilyong pondong coco levy na kinasasangkutan ni Eduardo "Danding" Cojuangco; at ang mga tunggaliang agraryo sa Hacienda Looc, Hacienda Yulo at Aurora Pacific Economic Zones and Freeport (APECO).

===================

Si Robredo at ang ilusyon ng "matuwid na pamamahala"

Nang mamatay noong Agosto 18 si Sec. Jesse Robredo, kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG), hindi pinalampas ng rehimeng Aquino ang pagkakataon para itanghal siya bilang simbulo ng "mahusay na pamamahala" at muling ipaghele ang bayan sa mga repormistang ilusyon tungkol sa "matuwid na pamumuno."

Si Robredo, dating popular na meyor ng Naga City, ay naging kalihim ng DILG bilang akomodasyon ng rehimeng Aquino sa ilang alyado nito. Naging matindi ang girian ng iba't ibang paksyon sa loob ng naghaharing pangkatin na pawang naglaway sa pusisyong hinawakan ni Robredo. Sa huli ay kinuha siya ni Aquino para magkaroon ng taong pwedeng kumatawan sa islogan ng "mahusay na pamamahala" o "good governance" na kanilang itinutulak at mailarawan ang sarili bilang kabaligtaran ng rehimeng Arroyo.

Sa kabilang banda, bilang akomodasyon na rin sa iba pang paksyon, hindi pinakontrol kay Robredo ang Philippine National Police (PNP), isa sa pinakamalalaking pugad ng korapsyon. Ni hindi ginawang permanente ang kanyang pagkakatalaga. Gayunman, puspusang sinuportahan at ipinatupad ni Robredo ang mga patakaran at programa ng rehimeng Aquino. Naging malaki ang ambag niya sa "matuwid na daan" na palabas ni Aquino.

Ang pagpipilit ng rehimeng Aquino na kasangkapanin pa rin ang pagkamatay ni Robredo para itulak ang ilusyon ng "mahusay na pamamahala" ay desperadong hakbang para kamtin ang suporta ng mamamayang sawang-sawa na sa kahungkagan ng islogang ito.

Ayon sa mga pasimuno nito sa World Bank, ang "mahusay na pamamahala" ay natatamo sa "transparency" o pagiging bukas ng mga detalye hinggil sa mga transaksyon ng gubyerno. Ikinukubli ng mababaw na pakahulugang ito ang tunay na esensya ng korapsyon -- ang paggamit ng naghaharing uri ng kabuuan ng estado poder para gumawa ng mga batas at magtulak ng mga patakarang magsisilbi sa kanilang makauring interes. Ito ang korapsyong nanunuot sa lahat ng sangay at antas ng reaksyunaryong gubyerno.

Malaking ipokrito ang World Bank sa pagtutulak ng "mahusay na pamamahala" dahil malinaw sa kasaysayan ang naging papel ng imperyalistang institusyong ito sa pag-eengganyo ng korapsyon. Ilang dekada na nitong pinopondohan ang mga proyektong imprastruktura ng estado na pinalobo ang halaga at ginagawang palabigasan ng mga bulok na burukrata. Saka na lamang nagsalita ang WB tungkol sa "mahusay na pamamahala" nang makita nito na masyado nang nagiging magastos at masalimuot para sa malalaking dayuhang kapitalista ang pagnenegosyo kapag napakabulok ng sistema ng paggugubyerno. Itinaguyod nito ang pagbabagong-anyo ng ilang litaw na sangkap ng korapsyon, nang walang paghalukay sa malalalim na ugat nito.

Tatlong taon nang hinahainan ni Aquino ng propaganda ng "mahusay na pamamahala" ang sambayanang Pilipino. Pero wala na itong talab sa mamamayang sa araw-araw ay humaharap sa problema ng disempleyo, kawalang lupa, mababang sahod, nagtataasang presyo ng pagkain, pamasahe, kuryente, tubig at gamot at nagtitiis sa mga bulok na pasilidad pangkalusugan, kawalan ng sanitasyon, pagkawasak ng kapaligiran at ibinubunsod nitong mga kalamidad.

Sa larangan ng ekonomya, ang "matuwid na daan" ng rehimeng Aquino ay walang pinagkaiba sa mga patakaran ng lahat ng rehimeng nauna rito. Walang tunay na reporma sa lupa, walang makabuluhang pagtaas sa sahod, walang programa para sa pambansang industrialisasyon o pagbubuo ng modernong ekonomyang nakatitindig sa sarili.

Sa larangan ng pulitika, walang ibang nagagawa ang "mahusay na pamamahala" kundi pagtakpan ang paghahari ng sistemang padrino, maruming maniobrahan at walang prinsipyong pakikipag-alyansa. Dapat ilantad at pawiin ng mamamayan ang ilusyon ng "mahusay na pamamahala" bilang opensibang pang-ideolohiya ng World Bank upang ilayo sila sa landas ng pagtutol sa liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon.

Nasa matuwid ang mamamayang Pilipino sa pagtahak sa landas ng rebolusyonaryong pakikibaka para tapusin ang bulok, mapang-api at mapagsamantalang sistemang panlipunan.

===================

Paksyunalismo sa loob ng koalisyong Aquino

Namayani ang Grupong Balay laban sa Grupong Samar at iba pang paksyon sa loob ng naghaharing koalisyon nang hirangin ni Benigno Aquino III si Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Mar Roxas bilang kapalit ng yumaong Secretary Jesse Robredo ng Department of Interior and Local Government (DILG) nitong Agosto 31. Hinirang din niya si Rep. Joseph E. A. Abaya na siyang pupuno sa iiwang pwesto ni Roxas.

Ang paksyong Balay ay pinamumunuan ni Roxas at kinabibilangan ng mga myembro ng Liberal Party (LP). Ang paksyong Samar ay pinamumunuan ng tiyuhin ni Aquino na si Jose "Peping" Cojuangco at kinabibilangan ng iba pang alyado ni Aquino labas sa LP. Ang mga bansag sa mga paksyong ito ay halaw sa mga lugar na kinalalagyan ng mga punong himpilan nila.

Isang susing instrumento para sa pampulitikang maniobra ang DILG dahil nasa ilalim nito ang lahat ng lokal na upisyal mula sa lalawigan hanggang sa barangay, ang Philipppine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology at National Police Commission (Napolcom). Lahat ng ito ay isasailalim sa kontrol ni Roxas, hindi katulad noon na ang PNP ay hindi ipinahawak kay Robredo, at sa halip ay ipinailalim kay Undersecretary Rico Puno (tauhan ng Grupong Samar.)

Ipinauubaya na rin ni Aquino kay Roxas ang pagpapatupad ng malawakang mga demolisyon para bigyang-daan ang mga proyekto sa ilalim ng Public-Private Partnership at ang pagsupil sa inaasahang pag-igting ng mga pakikibakang masa.

Bago hirangin si Roxas, muling uminit ang paksyunalismo sa loob ng mabuway na koalisyong Aquino nang italaga ni Aquino si Executive Secretary Paquito Ochoa bilang pansamantalang hepe ng DILG. Kasunod nito, lumutang ang pangalan ni Vice President Jejomar Binay bilang isa sa mga pinipisil na hahalili kay Robredo. Sina Ochoa at Binay ay kabilang sa grupong Samar.

===================

Pagdaong ng mga barkong US
Paglapastangan sa soberanya ng Pilipinas


Ang sunud-sunod na pagdaong ng mga barkong pandigma ng US sa Maynila ay tahasang paglapastangan sa soberanya ng Pilipinas, anang Partido Komunista ng Pilipinas. Layunin ng papadalas na pagdating ng mapanghimasok na mga tropang Amerikano sa Pilipinas ang lalong palakasin ang poder ng US sa Asia-Pacific.

Kinundena ng PKP ang magkasunod na pagdaong ng USS Milius sa Manila Bay noong Agosto 19 at ng USS Frank Cable noong Setyembre 3 sa Subic Bay. Ang USS Milius ay isang Arleigh Burke-class Aegis guided missile destroyer ng United States Navy, samantalang ang USS Frank Cable ay isang barkong pansuporta sa mga submarino ng US Navy. Dumaong ang USS Milius sa Manila Bay noong Agosto 19-23.

Lalong pinalalakas ng US ang kontrol sa Pilipinas bilang kuta-militar sa pagsisikap nitong panatilihin ang interes nito sa ekonomya at pulitika sa naturang rehiyon, laluna ang mga ruta sa karagatan mula sa Indian Ocean hanggang Pacific para proteksyunan ang daloy ng mga produktong US tungo sa malawak na merkado ng Asia.

Samantala, binatikos ng PKP ang pakikialam ng US sa tunggalian sa South China Sea sa pang-uupat nito sa mga bansa sa Southeast Asia na magbuo ng nagkakaisang pusisyon kontra sa China. Ipinahayag ni Secretary of State Hillary Clinton ang pusisyon na ito ng US bago siya tumungo sa China noong Setyembre 5. Nauna nang nabigo ang US na makuha ang nagkakaisang pusisyon ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) noong Hulyo.

Nais ng US na gamitin ang isyu ng tunggalian sa South China Sea upang magamit itong tuntungan sa pagtutulak ng ibayong liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan sa China at mabigyang-daan ang pagnenegosyo ng malalaking korporasyong Amerikano.

===================

Makadayuhang plano para sa Metro Manila, salot sa mamamayan

Ang mga ipinagmamalaki ng rehimeng Benigno Aquino III na mga proyekto para sa National Capital Region (NCR) ay matagal nang plano ng World Bank noon pang panahon ni Imelda Marcos. Noon pa ma'y tinututulan na ng mamamayan dahil sa idudulot nitong pinsala sa kanilang kabuhayan at pagyurak sa mga karapatan. Nagsisilbi lamang ito sa interes ng mga dayuhang mamumuhunan at kasosyo nitong mga kumprador burges at burukrata kapitalista.

Ang proyektong ito'y binuo noong panahon ni Marcos bilang bahagi ng pagtatayo ng Metro Manila bilang "City of Man". Bahagi rin ito ng magkakasunod na Medium Term Development Plan na tinawag na "Philippines 2000" noong panahon ni Ramos o "Boulevard 2000" sa panahon ni Gloria Arroyo. Bahagi ito ngayon ng programang Public-Private Partnership (PPP) ng rehimeng Aquino.

Ang mga proyektong ipagpapatuloy ni Aquino hanggang 2016 ay popondohan ng World Bank, International Monetary Fund, Asian Development Bank, Japan International Cooperation Agency at Japan International Blind Exchange and Cooperation Network.

Kasosyo sa mga proyektong ito ang malalaking kapitalistang kumprador tulad nina Lucio Tan, mga Lopez at Ayala, Henry Sy, Tan Yu (Asiaworld), George Ty (Metrobank Group of Companies), R-1 Consortium (Jan de Nul Group, TOA Corporation ng Japan at D.M. Wenceslao and Associates) at Jacinto Ng (Manila Bay Development Corporation Inc). Namumuhunan din dito ang dayuhang malalaking korporasyon mula sa US, European Union, Japan, South Korea, China at Israel.

Kabilang sa mga proyektong ito ang Laguna Lake 2000. Tinatayang mapapalayas ang aabot sa apat na milyong residente sa paligid ng lawa ng Laguna. Ito ang pinakamalaking lawa sa Pilipinas at ikalawa sa pinakamalaki sa buong Asia. May kabuuan itong lawak na 91,136 ektarya at may halos 285 kilometrong baybayin. Ang proyektong ito ay kinabibilangan ng reklamasyon (o pagtatambak ng lupa sa bahagi ng lawa) at pagtatayo ng dike at kalsada sa paligid nito bilang bahagi ng planong magtayo ng mga eksklusibong subdibisyon, paliparan at mga proyektong panturista.

Nangangamba naman ang 500,000 residente (124,000 pamilya) na mapalalayas sila kung matuloy ang North Bay Boulevard Business Park (NBBBP). Ang NBBBP ay bahagi ng Manila Bay Development Plan na planong magsagawa ng mga proyektong pang-imprastruktura sa mga baybayin ng Parañaque, Las Pinas, Maynila, Navotas at mga lalawigan ng Bulacan, Pampanga at Bataan. Sasaklaw ito sa 156 ektaryang lupain. Planong magtayo ng mga mall, supermarket, mga kalsada, tulay, daungan at pagawaan ng mga sirang barko. Tinatayang 60% ng mga residente ng Navotas ang maaapektuhan ng mga demolisyon at hanggang 80% naman ang maaapektuhan ang kabuhayan.

Haharapin naman ng aabot sa 38,000 pamilya o mahigit 200,000 residente ang dislokasyon bunga ng Manila-Cavite Coastal Road & Reclamation Project (MCCRRP). Ang programang ito ay kapapalooban ng reklamasyon, pagsasapribado ng bahagi ng Freedom Island, pagtatayo ng LRT-1 Extension, pagsasaayos ng Radial Road-1 Extension at paglalagay ng NAIA Superhighway. Libu-libo ang mapalalayas kung matutuloy ang Entertainment City at mga dayuhang pribadong casino, 15-ektaryang Bagong Nayong Pilipino, Aseana Business Park-Marina at Tribeca Parksuites.

Matagal na ring plano ng World Bank at ng reaksyunaryong estado ang gamitin ang malawak na lupaing saklaw ng Welfareville, Mandaluyong City, na may kabuuang sukat na 110 ektarya. Nais isapribado ang aabot sa 50 ektaryang lupaing residensyal na pinaninirahan ng may 25,000 pamilya.

Ang kabuhayan ng karamihan sa mga nakatira rito ay nasa erya o karatig na lugar. Kalakhan sa mga empleyado ng Philippine Center for Mental Health ay dito rin nakatira.

Aabot naman sa 100,000 residente o 16,000 pamilya sa 22 barangay sa Quezon City, dalawang barangay sa Caloocan City at anim na barangay sa San Jose del Monte, Bulacan ang tinatayang mapalalayas dahil sa Angat Water Utilization and Aqueduct Improvement Project Phase 2 at Acquisition of Road Right-of-Way Project. Planong magtayo ng 160 metrong lapad na kalsada sa ibabaw ng mga Aqueduct at pipelines. Nagsisilbi ang proyektong ito sa interes ng Maynilad Water Services Inc. ng pamilyang Ayala, Manila Water Company Inc. ng pamilyang Lopez at Engineering Development Corp-Philippines. Ipinatupad ng MWSS ang proyekto sa balangkas ng Public-Private Partnership.

Libu-libo ring magsasaka mula sa Barangay Tungkong Mangga sa San Jose del Monte, Bulacan ang mapapalayas oras na matuloy ang proyektong MRT 7 at ang pagtatayo ng dulong istasyon nito sa kanilang lupain. Sasaklawin nito ang mahigit 103 ektaryang lupang pag-aari ng mga Araneta na matagal nang sinasaka ng mga magbubukid. Planong magtayo rito ng istasyon, terminal, condominium, mall at iba pa. Ang proyekto ay popondohan ng Universal LRT Corp., na ang nangungunang mamumuhunan ay ang EL International Holdings na nakabase sa Hongkong.

Sa Corazon de Jesus, San Juan City, patuloy na nangangamba ang 2,000 pamilya na palalayasin sila sa kanilang komunidad. Sasaklawin ng planong pagpapatayo ng malapalasyong City Hall, mga gusali ng gubyerno at matataas na gusaling komersyal ang 1.8 ektaryang lupain na matagal nang tinitirhan ng mga residente. Nais palayasin ang mga residente sa kabila ng katotohanang ibinigay na ang lupa kanila noon pang panahon ni Cory Aquino. Hindi ito kinikilala ng lokal na gubyerno ng San Juan na matagal nang pinaghaharian ng pamilyang Estrada.

===================

Lider ng PISTON sa CL, pinaslang

Isang lider ng samahan ng transportasyon sa Pampanga ang pinaslang. Sa Sorsogon, isang magsasaka ang nawawala matapos madaanan ng mga sundalo sa koprahan. Sa Davao City, patuloy na nakabimbin ang apat na kabataang aktibistang iligal na inaresto matapos ang marahas na dispersal sa isang maralitang komunidad.

Setyembre 3. Pinagbabaril hanggang sa mapatay si Feliciano "Poncing" Infante, pinuno ng Pandan-Angeles Drivers Operators Association at Pasada Operators Association, ang pinakamalaking pederasyon ng mga drayber ng dyip sa Angeles City. Siya rin ang lider ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON)-Pampanga. Kasapi rin siya ng Partidong Anakpawis. Nangyari ang krimen sa terminal ng mga dyip sa Barangay Pandan, Angeles City. Tumakas sakay ng motorsiklo ang dalawang salarin.

Si Infante ang ikaapat na lider ng PISTON na biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang ngayong 2012. Bago siya, pinaslang noong Marso si Felix Cultura, lider ng PISTON-Caraga Region; noong Mayo si Erning Gulfo, lider ng PISTON-Gasak Divisoria; at noong Hunyo si Ka Jing, lider ng PISTON-Baclaran-Divisoria.

Agosto 29, alas-2:30 ng hapon. Dinukot ng mga sundalo ng 31st IB ang 27 taong gulang na magsasakang si Nilo Garalde sa Barangay Balocawe, Matnog, Sorsogon. Si Garalde, na tubong Barangay Majumlad, Matnog, ay nasa koprahan kasama ang kanyang tiyuhin at isang pinsan nang dumaan ang 16 na sundalo. Ininteroga ang mga magsasaka at dinakip si Garalde. Nakatakas ang kanyang pinsan at tiyuhin.  Inamin ng militar na sinita at ininteroga ng nagpapatrulyang platun ng mga sundalo si Garalde, pero hindi nila inamin ang pagdukot sa kanya. Hanggang ngayon ay hindi pa rin inililitaw si Garalde.

Agosto 24. Pinagsusuntok, kinuryente at iligal na inaresto ng mga pulis ang limang aktibista na sina Toto Bolcan, tagapagsalita ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)-Davao City; Joselito Lagon ng Kabataang Artista para sa Tunay na Kalayaan; Johnny Urbina at John Michael Lim, parehong kasapi ng Anakbayan; at Wyrlo Enero ng League of Filipino Students. Pinalaya kalaunan si Bolcan pero idinetine pa rin sa Davao City Police Station ang apat na aktibista. Kasalukuyan noong kinakapanayam ng mga aktibista ang mga residente ng Bariquit Compound sa Bugac, Maa, Davao City nang dumating ang 20 elemento ng Talomo Police Station at mga nakabonet na goons para bakuran ang daan papunta sa tirahan ng mga residente.

Mahigit 30 taon nang naninirahan ang mga residente sa lugar nang biglang agawin at palayasin sila ng pamilyang Villa Abrille, isa sa pinakamalalaking panginoong maylupa sa Davao City. Plano nilang itayo rito ang Le Jardin, isang mamahaling subdibisyon.

===================

Araw ng desaparecidos, ginunita

GINUNITA ng mga kasapi ng iba't ibang organisasyong nagtataguyod ng karapatangtao ang Pandaigdigang Araw ng Desaparecidos noong Agosto 30. Anang mga nagprotesta sa harapan ng Simbahan ng Quiapo, Maynila, hindi natigil ang mga pagdukot sa itinuturing na mga kaaway ng estado kahit tapos na ang batas militar. Ayon kay Aya Santos, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Desaparecidos, umaabot na sa 11 ang biktima ng pagdukot sa dalawang taong panunungkulan ni Benigno Aquino III.

Isang araw pagkatapos nito, pinasinayaan sa bayan ng Oton, Iloilo ang tatlong kongkretong iskultura na nagpapakita ng pakikibaka ng 202 biktima ng pagdukot noong panahon ng rehimeng Arroyo. Itinirik ang tatlong iskultura sa lugar mismo kung saan dinukot ng mga armadong ahente ng estado sina Luisa Posa-Dominado at Nilo Arado noong Abril 12, 2007. Si Dominado ay nagsilbi noon bilang tagapagsalita ng Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA)-Panay habang si Arado ang naging tagapangulo ng BAYAN-Panay at namuno sa Pamanggas, isang samahan ng mga magsasaka sa Panay at Guimaras.

Hustisya para sa 4 manggagawa, iginiit ng KMU

IGINIIT ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na bigyang-hustisya ang pagkamatay ng apat na manggagawa sa loob ng isang septic tank ng Ali Mall sa Cubao, Quezon City noong madaling araw ng Agosto 31. Ayon sa mga nakasaksi, ang mga biktima na sina Marvin Aleman at Romy Suarez, 50 anyos at mga anak nitong sina Rommel at Rodel ay kinuha ng maneydsment ng Ali Mall para ayusin ang water drainage ng gusali. Inalis umano ni Rodel ang dumi sa baradong tubo nang biglang tumaas ang tubig. Sumaklolo ang iba pang manggagawa ngunit nalunod silang lahat.

Ayon kay Lito Ustarez, pangalawang tagapangulo ng KMU, malinaw na nilabag ng may-ari at maneydsment ng Ali Mall ang occupational health and safety ng mga manggagawa. Walang suot na kagamitang pangkaligtasan ang apat na manggagawa habang ang mga ito ay nasa loob ng septic tank_.  Pag-aari ng pamilya ni DILG Secretary Mar Roxas ang Ali Mall.

===================

Pangangamkam ng lupang ninuno, tinutulan ng Bagobo

Naglunsad ng tatlong araw na lakbayan sa Davao City noong Agosto 27-29 ang may 500 magsasaka at mga Lumad na kabilang sa tribong Bagobo K'latas upang tutulan ang pangangamkam ng kanilang lupang ninuno. Salarin sa pangangamkam ang sabwatan ng Department of Environment and Natural Resources, 84th IB at ng relihiyosong grupo ni Pastor Apollo Quiboloy.

Pinamunuan ng Pasaka Regional Lumad Confederation at Kahugpungan sa mga Lumad sa Kahusayan ang 30-kilometrong lakbayan para sa hustisya at lupa mula sa Sityo Kahusayan sa Barangay Guianga, Tugbok District tungong sentro ng Davao City. Nagsagawa sila ng mga rali-protesta habang nagmamartsa. Ipinabatid nila sa mga upisina ng Commission on Human Rights at ng National Commission on Indigenous Peoples ang kanilang matibay na pagkakaisa para tutulan ang pangangamkam ng kanilang lupang ninuno.

Isinalaysay ni Diolito Diarog, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Pasaka, na dumating sa Sityo Kahusayan noong ikalawang linggo ng Abril ang tatlong backhoe para simulan ang konstruksyon ng kalsada patungo sa kalapit na Prayer Mountain ni Quiboloy, ang pinuno ng grupong Jesus Christ the Kingdom Above Every Name. Ang Prayer Mountain, na binansagang "nabalik na hardin ng Eden" ni Quiboloy, ay tinatamnan ngayon ng mga pine tree at pipino.

Ayon kay Diarog, nagulat sila na wala man lamang ginawang hakbang ang DENR para matigil ang pangangamkam ni Quiboloy sa kanilang lupang ninuno. Mahigit 20 ektarya na ng "protektadong lupa" sa Mt. Apo ang sinaklaw ng pastor. Bunsod ng pagpapalawak ng Prayer Mountain, napilitan silang umalis mula sa mababang bahagi ng Mt. Apo at nawalan sila ng kabuhayan.

Kasabay ng pangangamkam na ito ni Quiboloy, ipinakat sa Sityo Kahusayan ang mga tropa ng 84th IB. Pinipilit ng militar ang mga minorya na magsilbing mga bantay tanod ng tinaguriang mga Peace and Development Team ng 84th IB.

Matagal nang inirereklamo ng mga pambansang minorya sa lugar ang pangangamkam ng lupa ni Quiboloy. Noong Agosto 15, sinunog ng mga tauhan ni Quiboloy ang 13 bahay sa Sityo Papag sa Barangay Guianga. Sa utos ni Quiboloy, pinaslang din ng mga armadong lalaki ang dating pinuno ng mga minorya na si Datu Doming Diarog noong Mayo 2008 dahil sa kanyang matinding pagtutol sa pagsakop ng pastor sa kanilang lupang ninuno.

===================

Operasyong kontra-Moro ng AFP, nilalabanan

Sa harap ng matinding mga operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa mga komunidad ng Moro sa Mindanao, hinihikayat ng Moro Resistance and Liberation Organization (MRLO) ang mamamayang Moro na ipagpatuloy ang kanilang paglaban sa kawalang-katarungan at isulong ang karapatan para sa pagpapasya-sa-sarili. Ang MRLO ay alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na nagsusulong ng paglaban at kalayaan ng mamamayang Moro.

Ang tuluy-tuloy na mga operasyon ng AFP ay nagtutulak sa mga armadong grupo, kabilang ang Bangsamoro Islamic Armed Forces ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na makipaglaban sa panahon ng sagradong buwan ng Ramadan.

Inilunsad ang mga opensiba sa panahon ng Ramadan sa iba't ibang munisipalidad ng Basilan, Maguindanao, Lanao, North Cotabato at Zamboanga-Sibugay mula Hulyo 26 hanggang Agosto 24. Mahigit 50,000 pamilya ang nagbakwit dahil sa takot. Dalawang bata na ang namamatay at marami nang sibilyan ang nasusugatan, kabilang ang isang buntis. Isinasangkalan ng mga upisyal ng mga batalyon ng Western Mindanao Command at 6th ID ang paghahabol sa mga kriminal na elemento at "lost command" ng MILF na umatake sa mga detatsment ng militar na nakaistasyon sa mga komunidad ng Moro.

Ayon sa MRLO, nakikita nila ang katwiran sa pag-atake ng BIFF sa mga detatsment ng militar sa Maguindanao at North Cotabato. Ilang araw bago nila atakehin ang detatsment ng militar sa Datu Saudi Ampatuan noong Agosto 4, namatay ang isang myembro ng BIFF at nasugatan ang iba pang nakaistasyon sa dating Camp Omar sa pangalawang distrito ng Maguindanao. Inatake sila ng mga elemento ng Civilian Armed Forces Geographical Unit o CAFGU.

Binigyang-pansin din ng MRLO ang pahayag ng BIFF na hindi ito sang-ayon sa kabuuang takbo ng usapang pangkapayapaan na kinasasangkutan ng MILF. Nagpapatuloy ang mga operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa mga komunidad ng MILF sa kabila ng napagkasunduang mga mekanismo sa negosasyon at tigil-putukan.

Sa Lanao del Sur, natulak ang mga sibilyan na umatake sa mga detatsment ng militar dahil sa matinding harasment at pagpaslang na isinagawa ng 103rd Brigade at Philippine Marines na idineploy bilang pwersang panseguridad sa Mindanao State University at nakapaligid na mga komunidad sa Marawi City. Bilang ganti ng militar sa pag-atake sa kanilang detatsment noong Agosto 8, ipinagbawal nila ang paglabas-masok ng lahat ng tao sa unibersidad sa loob ng 24 oras para umano mahuli nila ang mga umatake. Nirekisa ang lahat ng mga estudyante, guro at mga residente, kinumpiska ang kanilang mga laptop computer_, iligal na inaresto at ikinulong ang mga estudyante sa abogasya sa hinalang sila ang utak ng atake.

Noong Agosto 5 sa Tigbanuang, Zamboanga-Sibugay, napatay ang anak ng isang kumander ng MILF at nasugatan din ang anak ng kapitan ng barangay na suportado ng militar. Dahil dito, inambus ng MILF ang isang siksbay ng militar noong Agosto 6 sa Barangay Kayamkam. Isinangkalan ito ng AFP para makapaglunsad ng malawakang opensibang militar sa Camp Salman, kampo ng MILF.

Samantala, isang apat na taong gulang na batang babae ang napatay matapos walang pakundangang paulanan ng bala ng mga tropa ng 1st Mechanized IB ang isang evacuation center sa Salbo, Datu Saudi Ampatuan noong Agosto 6. Tinamaan ng ligaw na bala si Asmayra Usman, isa sa mga bakwit, habang natutulog sa kanyang tolda. Kaagad siyang namatay dahil sa tama sa tiyan at paa. Isinugod naman sa ospital ang kanyang ama na si Arsad Usman na tinamaan sa paa.

Kabilang sa 400 pamilyang bakwit ang mga Usman. Galing sila sa Barangay Iganagampong, Datu Unsay. Napilitan silang lumikas sa kanilang komunidad dahil sa matinding mga operasyon ng militar laban diumano sa BIFF. Nagsimula ang operasyong militar sa Shariff Aguak at bunsod nito ay mga 26,000 sibilyan ang napilitang sumilong sa 11 sentro ng ebakwasyon. Inirereklamo ng mga sibilyan ang pagkakampo ng militar malapit sa kanilang pamayanan. Sa Barangay Bagan, Guindulungan, nagtirik ng kanilang kampo ang militar sa eryang sakop ng isang moske.

===================

AFP, nagtamo ng 11 kaswalti sa Bicol

Nagtamo ng mahigit 11 kaswalti ang kaaway sa mga taktikal na opensiba at aksyong militar na inilunsad ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Bicol nitong unang hati ng Agosto.

Agosto 17. Inambus ng mga Pulang mandirigma ng Jose Rapsing Command ng BHB-Masbate ang tropa ng Charlie Company ng 9th IB sa hangganan ng Barangay Balantay at San Vicente sa bayan ng Dimasalang, Masbate bandang alas-10:30 ng umaga. Dalawang sundalo ang napatay at isa ang nasugatan habang tatlo pang sundalo ang napilayan nang tumalon sila sa bangin at mabatong lugar. Walang pinsala sa panig ng mga gerilyang bayan.

Kinagabihan, bandang alas-11 ng gabi, pinasabugan ng command-detonated explosives ng isa pang tim ng mga Pulang mandirigma ang baraks na itinayo ng mga sundalo sa Barangay Ban-ao, Placer, Masbate.

Agosto 15. Maingat na ginapang ng sapper tim ng Jose Rapsing Command ang bagong kampo ng Alpha Company ng 9th IB at pinasabugan ito ng command detonated explosive bandang ala-una ng madaling araw. Ang naturang kampo sa Barangay Mayngaran, Masbate City ay planong gawing hedkwarters ng 9th IB at kasalukuyang pinagagamit muna sa Alpha Company. Sa lakas ng pagsabog ay nawasak ang pinakamalaking kubo at isa pang maliit na kubo na ginagamit ng mga sundalo. Maraming kaswalti ang mga sundalo na dinala sa Masbate City Hospital.

Agosto 8. Inisnayp ng mga Pulang mandirigma ang tropa ng 9th IB bandang alas-11:45 ng umaga sa hangganan ng Barangay Manahaw at Mabini sa bayan ng Palanas, Masbate. Tinamaan sa hita si Sgt. Manalo Baldesco. Kinagabihan, bandang alas-11 ay sinunog ng mga gerilyang bayan ang mga kubong itinayo ng Barangay Defense System na inorganisa ng militar sa mga baryo ng Macabug, Amutag at Kabasan sa bayan ng Aroroy, Masbate.

Agosto 5. Pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ng Celso Minguez Command ng BHB Sorsogon ang detatsment ng army at CAFGU sa Barangay Banwang Daan, Matnog, Sorsogon bandang alas-5:30 ng umaga.

Agosto 3. Hinagisan ng mga gerilyang bayan ng mga granada na gawa sa lokal na materyales ang detatsment ng PNP-PMG sa Barangay Bayombon, Masbate City bandang ala-una ng madaling araw.

Agosto 3. Pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ng Santos Binamera Command ng BHB Albay ang komboy ng mga pulis at sundalo ng 2nd IB habang dumaraan ito sa Barangay Palapas, Ligao City bandang ala-una ng hapon.

Agosto 2. Naengkwentro ng isang platun ng BHB ang isang yunit ng 31st IB na nagsasagawa ng operasyong kombat sa Barangay Bulawan, Irosin, Sorsogon bandang alas-5 ng umaga. Nakapusisyon sa isang mataas na burol ang mga gerilyang bayan nang makalapit sa kanila ang mga sundalo. Nagtamo ng apat na kaswalti ang kaaway. Walang pinsala na nakalayo sa lugar ang mga Pulang mandirigma.

Agosto 1. Hinagisan ng mga Pulang mandirigma ng mga granadang gawa sa lokal na materyales ang detatsment ng Charlie Company ng 9th IB sa Barangay Stockfarm, Milagros, Masbate.

Hulyo 31. Nilapitan at pinaputukan ng mga Pulang mandirigma ng Jose Rapsing Command ng BHB-Masbate bandang alas-5 ng umaga ang mga tropa ng Special Action Force ng PNP sa kanilang hedkwarters sa Barangay Lalaguna, Mobo. Pinaputukan ito ng mga M203 grenade launcher at rocket-propelled grenade o RPG. Isa ang napatay at dalawa ang nasugatan sa panig ng SAF-PNP. Walang kaswalti sa panig ng BHB.
20120907pi.pdf
Reply all
Reply to author
Forward
0 new messages