[ANG BAYAN special issue] Pagsikapang kamtin ang malaking pagsulong sa digmang bayan para sa bagong demokrasya

13 views
Skip to first unread message

marco

unread,
Dec 25, 2009, 12:09:26 AM12/25/09
to angb...@yahoo.com

Pagsikapang kamtin ang malaking pagsulong sa digmang bayan para sa bagong demokrasya

Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas

Buong kagalakan nating ipinagdiriwang ngayong araw ang ika-41 anibersaryo ng pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas bilang rebolusyonaryong abanteng destakamento ng proletaryadong Pilipino sa teoretikong gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo.

Lubos tayong nasisiyahan sa mga malaon na at bagong tagumpay na nakamit ng proletaryado at sambayanang Pilipino sa pamumuno ng Partido sa pagsusulong ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Sinasaluduhan at binabati natin ang lahat ng ating mga kadre at kasapi at iniuukol natin ang pinakamataas na parangal sa ating mga rebolusyonaryong martir at bayani sa paghahawan nila ng daan para makamit ang mga tagumpay natin.

Malaon na nating napatunayan na sa pagtalima sa estratehikong linya ng matagalang digmang bayan ay yugtu-yugto nating mapalalakas ang mga rebolusyonaryong pwersa ng sambayanan at mapangingibabawan ang brutal na mga kampanya ng panunupil na pinakakawalan ng imperyalismong US at mga lokal na nagsasamantalang uring malalaking kumprador at panginoong maylupa. Sa proseso, naitatag na natin sa ngayon ang pinakamalaki at pinakamalakas na rebolusyonaryong kilusan ng sambayanang Pilipino sa buong kasaysayan ng Pilipinas mula noong rebolusyong 1896.

Lumakas at sumulong tayo sa pamamagitan mismo ng pursigido at masugid na rebolusyonaryong armadong pakikibaka laban sa bawat rehimen ng kontra-rebolusyonaryong karahasan na idinirehe at sinuportahan ng imperyalismong US. Nakapanaig tayo sa 14 na taon ng pasistang diktadurang Marcos at lahat ng sumunod na rehimeng nagpanggap na liberal demokratiko ngunit masyado namang antinasyunal at anti-demokratiko.

Ganap na hahamakin ng kasaysayan ang kasalukuyang rehimeng Arroyo dahil sa malulubhang krimen nito sa bayan. Bigung-bigo ito sa pantasyang durugin o pawalang-saysay ang rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan. Hindi lamang tayo nanaig at nakapagpreserba ng mga pwersa laban sa mga kampanya ng panunupil ng kaaway, lumakas din tayo at nagkamit ng dumadagundong na mga tagumpay.

Makalipas ang mahigit 40 taon ng matagumpay na digmang bayan, pinakamahalaga para sa atin ngayon na ideklara ang ating kapasyahang magsikap sa susunod na limang taon na kamtin ang malaking pagsulong mula sa yugto ng estratehikong depensiba tungo sa estratehikong pagkapatas, nang tinutugunan ang lahat ng rekisito at walang yugtong nilalaktawan. Makakaasa tayo sa malalaki pang rebolusyonaryong posibilidad sa susunod na sampung taon kung matagumpay nating maisasakatuparan ang mga tungkulin at plano sa susunod na limang taon.

Nakabatay sa tatlong salik ang ating rebolusyonaryong optimismo. Una rito ang tuluy-tuloy na paglala ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, na saklot ngayon ng pinakamalubhang krisis mula noong Malaking Depresyon (Great Depression). Ikalawa ang bumibilis na paglala ng krisis at pagkabulok ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal. Ikatlo ang mga rebolusyonaryong pwersa ng sambayanan na pinamumunuan ng Partido na di hamak na mas malakas ngayon kaysa noong magsimula ang digmang bayan noong 1969 at may sapat na pwersa at kritikal na lakas para tupdin ang mga tungkulin at plano para sumulong mula sa estratehikong depensiba tungo sa estratehikong pagkapatas ng digmang bayan.

Pandaigdigang sistemang kapitalista na saklot ng depresyon

Sadlak sa pang-ekonomyang depresyon ang pandaigdigang sistemang kapitalista. Ang krisis sa ekonomya at pinansya ay parang salot na kumalat sa buong daigdig mula sa mga imperyalistang bansa. Ang mga atrasadong bansa ang dumanas ng pinakamatinding sosyo-ekonomikong pinsala. Ngunit pinalalabas pa rin ng mga imperyalistang kapangyarihan at mga tagasunod nila na ang sitwasyon ay resesyon lamang at lagi pa rin nilang sinasabi na tanda ng pagbawi ang anumang pagsirit sa pamilihang pampinansya.

Ang krisis ng sobrang produksyon ay nagtutuluy-tuloy at pinalalala pa ng krisis sa pinansya. Patuloy ang pagbabawas ng produksyon o pagsasara ng mga pagawaan. Patuloy na dinaranas ng mga manggagawa at magsasaka at maging ng mga panggitnang saray ng lipunan ang pagkawala ng trabaho at tirahan, pagbaba ng kita, nagtataasang presyo ng mga batayang bilihin at serbisyong panlipunan at pagsahol ng imprastrukturang panlipunan. Tumataas ang antas ng pagsasamantala at pang-aapi sa buong mundo.

Ginagamit ng US at iba pang estadong imperyalista ang pondong pampubliko para sagipin ang malalaking bangko at korporasyon sa industriyang militar at sektor ng serbisyo. Lumilikha ng bago at mas malalaking bula sa pinansya ang paggamit sa pondo ng estado para pautangin at subsidyuhan ang monopolyong burgesya, laluna ang oligarkiya sa pinansya. Ang salapi ay ginagamit lamang para palakihin ang tubo sa mga libro de kwenta ng malalaking korporasyong pampinansya at industriyal at hindi nagreresulta sa tunay na pagbawi ng ekonomya sa usapin ng paglikha ng empleyo at pagpapalaki ng produksyon at konsumo.

Ang kasalukuyang krisis sa ekonomya at pinansya ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay bunga ng paulit-ulit, bumibilis at nagpapatung-patong na mga krisis mula nang kaharapin ng monopolyong burgesya at kanilang mga tagagawa ng patakaran sa ekonomya ang sabayang pag-iral ng istagnasyon at implasyon bunga ng rekonstruksyon ng mga bansang imperyalista na sinalanta ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ng nag-iibayong kumpetisyong inter-imperyalista, lumalaking gastos sa Cold War at mga gerang agresyon at ng lumalalang krisis ng sobrang produksyon sa pandaigdigang sistemang kapitalista.

Mula noon, isinisi na ng mga imperyalistang estadong pinangungunahan ng US sa masang anakpawis ang istagplasyon dahil umano sa sinasabi nilang pagtaas ng sahod(1) at labis na panlipunang gastos ng gubyerno. Kasabay nito, pinagtatakpan nila ang mga gastos sa Cold War, laluna sa produksyong militar, pagpapakat ng mga pwersang militar sa ibang bansa at mga gerang agresyon.

Noong sumunod na mga dekada, pinagtibay at ipinatupad nila ang patakaran ng pagpapako sa pasahod, pagbabawas sa gastos panlipunan, pribatisasyon ng mga pag-aaring publiko, liberalisasyon ng pamumuhunan at kalakalan, pagbabasura sa mga regulasyon at denasyunalisasyon ng ekonomya ng mga atrasadong bansa. Pinabwelo nila ang walang rendang kasibaan ng mga imperyalistang bangko at empresa para huthutan ang mamamayan ng daigdig. Gayon, pinahina at pinakitid nila ang pamilihang pandaigdig nang higit sa kayang tabingan at itago ng pagpapautang.

Dahil ilang dekada nang umiiral, malalim na ang inabot ng patakaran ng globalisasayong "neoliberal" o globalisasyon ng "malayang pamilihan" at nagdulot na ito ng laganap na pinsalang panlipunan sa saklaw ng buong mundo. Ito pa rin ang dominanteng kaisipan sa mga tagagawa ng patakaran ng mga estadong imperyalista. Nagsisilbi ito una sa lahat sa malalaking bangko at korporasyon laban sa kahilingan ng mamamayan para sa pagbawi ng ekonomya, trabaho, panlipunang ayuda at rehabilitasyon. Kaya ang kasalukuyang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ay patuloy na lumalala at magpapatuloy pa sa mahabang panahon.

Ipinapasa ng monopolyong burgesya ang bigat ng krisis sa masang anakpawis sa mga bansa nilang imperyalista pero lalo't higit sa mga nasa atrasadong bansa. Patuloy pang pumipiga ng sobrang tubo ang mga imperyalistang kapangyarihan at kanilang mga papet mula sa mga isinubsob na ng krisis. Kaya nakikita natin ngayon ang panimulang mga palatandaan ng paglaban ng mamamayan kapwa sa mga imperyalista at atrasadong bansa.

Sa mga imperyalistang bansa, naglulunsad ang monopolyong burgesya ng mabangis na makauring pakikitunggali sa proletaryado at itinutulak nito ang proletaryado na lumaban sa pamamagitan ng pagsusulong ng makatarungang panig ng tunggaliang makauri. Lalo pa itong nagsisikap na hatiin at lituhin ang masang anakpawis sa pamamagitan ng pang-uupat ng isteryang "anti-terorista," sobinismo, rasismo, pasismo, panatisismo sa relihiyon at panunulsol laban sa mga migrante. Gayunman, tumitindig ang mga rebolusyonaryong partido at kilusan upang ilantad ang mga ugat ng krisis ng monopolyong kapitalismo at pukawin ang masang anakpawis para magsulong ng makauring pakikitunggali.

Ang mga bayang dumaranas ng pinag-iibayong pagsasamantala at pang-aapi ay nagsusulong ng iba't ibang anyo ng paglaban sa mga imperyalistang kapangyarihan at mga lokal nilang papet. Ang mga binibiktima ng agresyong imperyalista ay nagsusulong ng armadong paglaban para sa pambansang paglaya, katulad sa Iraq, Afghanistan, Pakistan, Palestine at Lebanon. Lumalakas at sumusulong ang mga kilusan para sa pambansang paglaya na pinamumunuan ng mga Maoista at iba pang rebolusyonaryong partido tulad sa India, Pilipinas, Nepal, Turkey, Peru at Colombia.

May ilang gubyerno tulad ng sa North Korea, Cuba, Venezuela at Bolivia na naninindigan laban sa imperyalismo at naggigiit ng pambansang kasarinlan bilang tugon sa sigaw ng mamamayan na labanan ang imperyalismo at ang pinakamasasamang reaksyunaryong ahente nito. Ang mga gubyernong tulad ng sa China at Russia ay nagsisikap na makipagsabwatan sa alyansa ng mga imperyalistang bansang pinamumunuan ng US habang nakikipagtulungan din sa Iran at iba pang gubyernong pinapatawan ng embargo ng US at mga imperyalistang alyado nito.

Nagkakaisa pa rin ang mga imperyalistang kapangyarihan sa pang-aapi sa mga mamamayan at bansa sa mundo at sa pagpapasa sa kanila ng bigat ng krisis. Ngunit itinutulak din sila ng imperyalistang kasakiman at ng krisis para magkumpitensyahan at magtunggali sa labanan para muling paghati-hatian ang mundo para sa mga mapagkukunan ng hilaw na materyales at murang paggawa, mga pamilihan, mapaglalagakan ng puhunan, saklaw ng impluwensya at estratehikong lugar ng kontrol.(2)

Bunga ng ganap na panunumbalik ng kapitalismo sa mga bansang dating pinagharian ng mga rebisyunistang rehimen, nadagdag ang Russia at China sa hanay ng malalaking kapitalistang kapangyarihan at lalong sumikip and mundo para sa inter-imperyalistang kumpetisyon. Itinulak ng US ang NATO na magpalawak hanggang sa hangganan ng Russia at magbantang kontrolin ito na malaking pinagkukunan ng langis, gas at iba pang estratehikong hilaw na materyales. Bagamat ang China ang kinikilalang pinakamalaking katuwang ng US sa ilalim ng patakarang globalisasyon ng "malayang pamilihan," lumalaki ang mga kontradiksyon sa pagitan nila sa mga mayor na usapin.

Ang pagkakanulo sa sosyalismo bunga ng paglitaw ng modernong rebisyunismo at ganap na panunumbalik ng kapitalismo sa mga bansang dating pinagharian ng mga rebisyunista ay gumanap ng malaking papel sa pagtindi ng inter-imperyalistang kontradiksyon at paglikha ng mga kundisyon para sa mga gerang agresyon at paggamit ng mga armas nukleyar at iba pang sandatang panlipol. Tila walang makapipigil sa mga banta ng imperyalismo sa mismong buhay ng sangkatauhan. Subalit epektibo silang malalabanan ng rebolusyonaryong kilusang masa ng mamamayan, ng mga rebolusyonaryong gera sibil at mga digmang bayan para sa pambansang paglaya.

Gayon na lamang kaagresibo ang US at ang NATO kaya nakadarama ng banta ang China at Russia at dahil dito'y pinauunlad nila ang Shanghai Cooperation Organization para maging makapangyarihang blokeng panseguridad. Halos lahat ng rehiyon sa mundo tulad ng Middle East, Central Asia, South Asia, East Asia, Balkans, Eastern Europe, Latin America at Africa ay nalulukuban ng peligrong magkagera.

Ang pagtindi ng mga inter-imperyalistang kontradiksyon ay humantong na sa mga gerang agresyon at interbensyong militar, tulad sa Balkans, Africa, Central at South Asia at sa Middle East. Isinagawa ang mga ito sa inisyatiba ng US, mga kaalyado nito sa NATO at mga mayor nitong kapanalig sa UN Security Council. Ang walang kabusugang pagnanasa ng US at ng pinakamalalapit nitong alyado sa NATO na solohin ang pinagkukunan ng langis at iba pang hilaw na materyales at ipailalim sa kanila ang Russia at China ay gumugulo sa balanse ng pwersa sa hanay ng mga imperyalistang kapangyarihan.

Ang mga imperyalistang kapangyarihan ay hibang na nananalakay at nandarambong ng mga likas na yaman at gayo'y sumasalanta sa lipunan at kalikasan. Ang mga gerang agresyon ay nagbunsod ng maraming kaswalti sa mamamayan, pagkawasak ng imprastrukturang panlipunan at polusyon ng kapaligiran dulot ng paggamit ng mga panlipol na sandatang radioactive3 at nakalalason. Ang walang habas na pandarambong ng mga hayok na monopolyo sa likas na kayamanan ay mayor na salik sa pagkasira ng kalikasan na nagbubunsod ng mas mapaminsala pang mga bagyo, pagbaha, tagtuyot at iba pang sakuna.

Ang mga imperyalistang kapangyarihan ang pinakamalalaking sumisira at nagpaparumi sa kapaligiran sa walang habas nilang pagdambong at pag-abuso sa likas na kayamanan ng mundo. Kunwa'y nababahala sila sa pagkasira ng kapaligiran at problema ng pag-init ng mundo para mailihis ang pansin sa mga problema ng panlipunang pagsasamantala, paggawa ng mga sandatang panlipol at mga gerang agresyon. Isinasangkalan nila ang isyu ng kalikasan at pag-init ng mundo para mapag-ibayo pa ang imperyalistang kontrol at pagsasamantala sa yaman ng mundo.

Napipinto ang mas malalaki pang kaguluhang panlipunan at pampulitika sa lahat ng kontinente at sa halos lahat ng bansa. Bawat taon, ang US ay patuloy na daranas ng krisis sa ekonomya at mahihigop papunta sa mga bagong kumunoy ng agresyon at interbensyong militar. Ito ay mga kundisyong paborable sa mga rebolusyonaryong pwersa ng sambayanang Pilipino sa pagsusulong ng digmang bayan para sa bagong demokrasya mula sa yugto ng estratehikong depensiba tungo sa estratehikong pagkapatas.

Bumibilis na pagkabulok ng lokal na naghaharing sistema

Sa bigat ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at sanhi ng mga panloob na kahinaan, bumibilis ang pagkabulok ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa mga usaping pang-ekonomya, panlipunan, pampulitika at pangkultura. Ang bulok at mapang-aping naghaharing sistema na nasa palagiang krisis ay hinog na hinog na para ibagsak at palitan ng demokratikong sistemang bayan.

Lubhang nabaluktot at lalo pang naging tagibang ang ekonomya ng Pilipinas dahil sa imperyalistang patakarang globalisasyon ng "malayang pamilihan." Agraryo at malapyudal sa kalakhan ang ekonomya pero hindi lumilikha ng sapat na pagkain para sa mamamayan. Resulta ito ng pagtatambak ng sobrang produktong agrikultural ng mga imperyalistang bansa at ilang karatig bansa. Pwersado itong magbawas ng produksyon ng pagkain para bigyang-daan ang produksyon ng ilang komersyal na pananim para ieksport at magsilbi sa layunin ng imperyalistang kontrol.

Ang mga yamang agrikultural, mineral, gubat at dagat ng ating bansa ay iniluluwas nang mabilisan at sa mas mabababang presyo. Hindi pinauunlad ang ekonomya sa pamamagitan ng pambansang industriyalisasyon at reporma sa lupa. Patuloy ang tagibang na palitan ng iniluluwas na hilaw na materyales at ng inaangkat na mga yaring produkto. Dinadambong ang likas na kayamanan ng bansa habang nagluluhang-buwaya ang mga imperyalista at lokal na reaksyunaryo sa kawalan ng kaunlaran at pagkasira ng kapaligiran.

Ang kinikita sa muling pag-eeksport ng mga mala-manupakturang mababa ang dagdag-halaga at pag-eeksport ng murang paggawa ay hindi sapat para punan ang lumalaking depisit sa balance of payments. Kaya naman patuloy ang paglaki ng panlabas na utang. Ang lumiit na demand para sa hilaw na materyales, mala-manupaktura at dayuhang manggagawang kontraktwal ay nagdudulot ng pang-ekonomya at panlipunang kapinsalaan sa Pilipinas.

Ang masang anakpawis at maging ang mga nasa panggitnang saray ay tinatamaan ng tumataas na tantos ng disempleyo, malubhang pagbagsak ng kita at nagtataasang presyo ng mga batayang bilihin at serbisyong panlipunan. Lumalaki ang pasaning buwis gayong sadsad ang ekonomya at sumasahol ang mga imprastruktura at serbisyong panlipunan. Kalakhan ng badyet ng gubyerno ay nilalamon ng pagbabayad sa utang (hulog sa interes at prinsipal) at mga gastusing militar. Ginagatungan ng laganap na pagdurusa at diskuntento ang mga ligal na protestang masa at ang digmang bayan laban sa pagsasamantala at pang-aapi.

Sumusunod ang rehimeng Arroyo sa patakaran ng pandaigdigang teroristang gera ng US at inilunsad nito ang Oplan Bantay Laya mula 2001 upang sindakin at atakehin ang malawak na masa ng sambayanan, laluna ang mga ligal na pwersang oposisyon at mga rebolusyonaryong pwersa. Lansakan at sistematiko nitong nilalabag ang karapatang-tao ng mga manggagawa at magsasaka gayundin ng mga aktibistang panlipunan mula sa hanay ng kababaihan at kabataan, mga propesyunal at mga taong-simbahan. Bunga nito, ang rehimen ay nahihiwalay sa loob at labas ng bansa dahil sa sariling kagagawan at sa galit at paglaban ng mamamayan.

Naghahasik ang estado ng terorismong suportado ng US gamit ang kumbinasyon ng mga ahensyang militar, paramilitar at pulis at mga pribadong hukbo at ahensyang panseguridad para mambuwag ng mga unyon at welga at magpalayas ng milyun-milyong magsasaka at pambansang minorya mula sa kanilang mga tahanan at sakahan. Ang pagmasaker ng may 60 katao sa Ampatuan sa loob ng wala pang isang oras ay sumisimbolo sa mga krimeng malawakang isinasagawa ng pinagsama-samang pwersang militar, pulis at paramilitar para sa marahas at tiwaling rehimen at tanda ng lumalalang karahasan ng ribalan sa pulitika ng mga reaksyunaryong pulitiko sa pambansa at lokal na antas.

Nakahanay laban sa rehimeng Arroyo ang malawak na masa ng sambayanan at ang malawak na nagkakaisang prente ng mga pwersang oposisyon. Tumagal na ng ilang taon ang sigaw para patalsikin ang naghaharing pangkating Arroyo dahil sa pagpapakatuta, katiwalian, kalupitan at kasinungalingan nito. Ngunit lalu't lalong ginagamit ng pangkatin ang mga pamwersang makinarya ng estado para supilin ang mga kritiko nito at ang paglaban ng mamamayan. Marami sa mga kalaban nito ay makaaasa lamang na magkamit ng hustisya kapag napatalsik na sa poder ang pangkating ito.

Gayunman, sa tangkang unahan ang mga asunto sa malulubhang krimen nito sa bayan, desperadong ginagamit ng pangkating Arroyo ang mga rekurso ng estado para mandaya sa eleksyon at maghasik ng terorismo. Laganap ang pangamba na nagbabalak itong magdeklara ng batas militar sa buong bansa o sa ilang susing rehiyon gamit na sangkalan ang kabiguan ng eleksyon at gayo'y makapanatili sa poder. Gagatungan lamang nito ang paglaban ng mamamayan kapag tinahak nito ang landas ng pasistang diktadurang katulad ng kay Marcos.

Anu't anuman, ang pampulitikang krisis ng naghaharing sistema ay lumulubha sanhi ng pang-ekonomya at panlipunang krisis. Lalo pang tumitindi at nagiging marahas ang mga kontradiksyon sa hanay ng mga reaksyunaryo. Alinmang pangkating reaksyunaryo ang makakuha ng kapangyarihan ay malamang na sumolo sa makukurakot at gumamit sa mararahas na instrumento ng estado para supilin ang oposisyon sa loob ng sistema at ang rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan.

Ang mga mayor na partido at koalisyong pampulitika na maglalaban-laban sa eleksyong 2010, maliban sa Makabayan, ay umiiwas o sumasalungat pa nga sa pambansang kasarinlan at tunay na demokrasyang hinihiling ng bayan at hindi bumabatikos o nagtatakwil sa globalisasyon ng "malayang pamilihan" at sa teroristang patakarang sulsol ng US laban sa mamamayan. Ayaw bitiwan ng partidong Lakas-Kampi ng naghaharing pangkatin ang sira na nitong mga patakarang antinasyunal at anti-demokratiko. Ang mga mayor namang partido ng oposisyon, tulad ng Liberal Party at Partido ng Masang Pilipino ay nagtutuon sa pagkukunwaring para sila sa mabuting pamamahala para dumistansya sa kahiya-hiyang katiwalian ng rehimeng Arroyo.

Alinmang pangkating reaksyunaryo ang makakuha ng kapangyarihan sa prosesong elektoral ay di makaiiwas na sumunod din sa landas na tinahak ng rehimeng Arroyo. Hahawakan nito ang poder sa dikta ng US at mga lokal na nagsasamantalang uri at gagamitin nito ang kapangyarihan para magpayaman at ipakat ang mga pamwersang makinarya ng estado para supilin ang oposisyon.

Sa apat na mayor na kandidato sa pagkapresidente, tila si dating Senate President Villar ang pinaka-patriyotiko at pinakaprogresibo pagdating sa pagtataguyod niya sa interes ng mga negosyanteng Pilipino, pagpapahayag ng simpatya sa mga manggagawa at magsasaka at pagkundena sa mga paglabag sa karapatang-tao. Gayunman, wala pang katiyakan kung kaya ba niyang manalo at patunayang mas mainam siya sa mga nangunguna niyang karibal sa pulitika na may duguang mga rekord ng pagkontra sa mga ipinaglalaban ng manggagawa at magsasaka, tulad ni Aquino na kilala sa isyu ng Hacienda Luisita, Teodoro na ulol na asong kalihim sa depensa ni Arroyo at Estrada na may rekord ng hilig sa away noong panahon ng naunsyami niyang pagkapangulo.

Sa kasaysayan ng malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema, bawat naging presidente ay nanikluhod sa kapangyarihan ng imperyalismong US at nagsikap magkamal ng yaman at kapangyarihan para sa sariling kapakanan laban sa mga karapatan at interes ng bayan. Wala pang presidenteng nagkaroon ng pampulitikang kapasyahang magpatupad ng makabuluhang mga repormang tumutugon sa pambansang kasarinlan at tunay na demokrasyang hinihiling ng mamamayan o gumamit sa usapang pangkapayapaan para makipagkasundo sa rebolusyonaryong kilusan para sa mga repormang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika bilang tuntungan sa pagkakamit ng makatarungang kapayapaan.

Maaasahan natin na alinmang bagong reaksyunaryong naghaharing pangkatin ang manalo sa eleksyong 2010, iyon ay patuloy na magpapataw ng mga tiranikong hakbangin sa pamamagitan ng pagpapalabas na ang mga gawaing rebolusyonaryo ay ordinaryong krimen, gawaing terorista o "rebelyong pwedeng parusahan ng habambuhay na pagkakakulong" at gayo'y di pwedeng pyansahan. Maglulunsad iyon ng mga kampanya ng panunupil militar laban sa mga rebolusyonaryong pwersa ng sambayanang Pilipino kabilang ang sa Bangsamoro. Magpapanggap lamang iyon na para sa usapang pangkapayapaan at magtatangkang gamitin ito hindi para makipagkasundo sa National Democratic Front of the Philippines ukol sa mga saligang reporma kundi para lamang linlangin at lituhin ang bayan at durugin ang rebolusyonaryong kilusan.

Ang bagong pangkating maghahari ay obligadong patuloy na pumayag na magpakat ang US ng mga tropang militar sa Pilipinas alinsunod sa US-RP Mutual Defense Pact at Visiting Forces Agreement at ayon sa iba't ibang sangkalan, kabilang ang tinaguriang anti-terorismo, antidroga, interbensyong makatao, aksyong sibiko, saklolo sa mga sakuna, misyong medikal at iba pa. Inilalatag na ang tuntungan para sa papalaking interbensyong militar at tahasang agresyon, sa pangunahin para kunwa'y labanan ang terorismo habang binabansagang "terorista" ang mga rebolusyonaryong Pilipino at Bangsamoro.

Ang bagong papasok na naghaharing pangkatin ay maoobliga ng lumulubhang krisis ng naghaharing sistema na pag-ibayuhin ang kontra-rebolusyonaryong dahas o maghabol ng tigil-putukan o pakikipag-alyansa sa mga rebolusyonaryong pwersa laban sa US at pinakamasasahol na lokal na reaksyunaryo kung sa simula pa lamang ay lumakas ang rebolusyonaryong kilusan, magdulot ng mga pamatay na bigwas sa mahihinang bahagi ng naghaharing sistema at sumulong tungo sa bago at mas mataas na antas ng pag-unlad.

Lubos nating masasamantala ang sosyo-ekonomiko at pampulitikang krisis ng naghaharing sistema para makapagpalakas, mailunsad ang lahat ng anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka at makagawa ng malalaking pagsulong sa ating digmang bayan. Makakamit lamang natin ang pambansa at panlipunang kalayaan kung magkakaroon ng kapangyarihan ang bayan para tupdin iyon. Makakamit lamang ang kapangyarihang bayan sa pamamagitan ng rebolusyonaryong pakikibaka sa imperyalismong US at mga lokal na nagsasamantalang uri.

Kasalukuyang tuntungan at mga tungkulin para sa malaking pagsulong

Nang itatag ito noong 1968, ang Partido Komunista ng Pilipinas ay mayroon lamang ilampung kadre at kasapi at ilanlibong aktibista sa iba't ibang tipo ng organisasyong masa. Ngunit mula noon, napamunuan natin, bilang isang Partido, ang rebolusyonaryong kilusang masa at hakbang-hakbang itong napalaki mula sa maliit at mahina tungo sa malaki at malakas dahil nasamantala natin ang mainam na obhetibong kalagayan para sa pagrerebolusyon at ipinatupad natin ang wastong linya sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.

Sinunod natin ang pang-ideolohiyang linya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, ang pampulitikang linya ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at ang pang-organisasyong linya ng demokratikong sentralismo. Nakaipon tayo ng mayamang karanasan at maaasahang kaalaman, lumakas tayo sa ideolohiya, pulitika at organisasyon at nagkamit tayo ng malalaking tagumpay sa pagsusulong ng lahat ng anyo ng rebolusyonaryong pakikibaka.

Ang kasalukuyang lahatang-panig na lakas natin bilang Partido ang siya nating tuntungan sa pagtupad sa ating mga tungkulin at plano para isulong ang bagong demokratikong rebolusyon at ang digmang bayan mula sa yugto ng estratehikong depensiba tungo sa estratehikong pagkapatas sa susunod na limang taon.

Libu-libo ang kadre at kasapi ng Partido na may kakayahan sa gawain sa edukasyong teoretiko at pampulitika. Mapalalaganap nila ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at ang mga akda natin hinggil sa kasaysayan at kasalakuyang kalagayan ng Pilipinas. Mapangungunahan nila ang batayan, intermedya at abanteng antas ng edukasyong pam-Partido saan man kakayanin sa kalunsuran at kanayunan. Matitiyak nilang nasasapol ng mga kasapi ng Partido ang Marxista-Leninistang paninindigan, pananaw at pamamaraan. Makapagpapaunlad sila ng mga kadreng makapamumuno sa iba't ibang antas ng organisasyon ng Partido at sa iba't ibang larangan ng gawain.

Dapat tayong magbalangkas at magpatupad ng planong pang-edukasyon na magluluwal ng sapat na mga kadre at kasapi ng Partido na kayang mamuno sa gawain mula sa batayang antas pataas at may kapasyahang magbuo at magpaunlad ng Partido at mga organisasyong masa sa mga lugar na wala pa nito. Sa pagpaparami ng mga kadre at kasapi ng Partido na aral at hasa sa Marxismo-Leninismo-Maoismo, lalo pang titibay at magkakamit ng tagumpay ang ating Partido.

Dapat tayong magkaroon ng kumprehensibong pampulitikang plano para palawakin at patatagin ang rebolusyonaryong kilusang masa kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Sa layuning ito, mayroon tayong ilampung libong kadre at kasapi ng Partido na mangunguna sa gawaing masa. Ang tungkulin nila ay pukawin, organisahin at pakilusin ang masang anakpawis at iba pang mamamayan alinsunod sa linya ng bagong demokratikong rebolusyon sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Mayroon tayong malawak at malalim na baseng masang binubuo ng milyun-milyong mamamayan sa buong bansa.

Makasusulong tayo nang paalun-alon mula sa kasalukuyan nating baseng masa. Pinamumunuan ng mga lokal na sangay at namumunong komite ng Partido ang mga organisasyong masa. Maitatayo ang mga ito bago pa ang pagpapalawak ng BHB. Hinahawan nila ang daan para sa BHB at sa pagtatayo ng pansamantala at kalauna'y regular na mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Anu't anuman, ang Partido sa loob ng BHB ay pwedeng magtalaga ng mga pangkat ng Pulang mandirigma para sa gawaing masa.

Taglay ng ating Partido ang BHB bilang pangunahin nitong organisasyon sa paglaban sa kaaway, pagpupundar ng kilusang masa sa kanayunan, pagtatayo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika at pagpapalakas sa saligang alyansa ng uring manggagawa at magsasaka. Mayroon tayong libu-libong Pulang kumander at mandirigma na may kakayahang magkamit ng di hamak na mas maraming tagumpay kaysa orihinal na 60 Pulang mandirigma natin noong 1969.

Ang Partido natin ay nasa puno at bag-as ng BHB. Lumalaki ito kasabay ng paglawak ng BHB at tinitiyak nito ang konsolidasyon ng BHB. Nagrerekrut tayo para sa Partido mula sa hanay ng mga Pulang mandirigma at mga aktibistang masa. Dapat nating pag-ibayuhin ang pagrerekrut at pulitiko-militar na pagsasanay ng mga Pulang mandirigma sa pamumuno ng ating Partido.

Dapat tayong magkaroon ng plano sa pagpaparami ng mga Pulang kumander at mandirigma, mga yunit ng BHB at mga larangang gerilya mula sa humigit-kumulang 120 tungong 180 upang masaklaw ang mga distritong kongresyunal at magkaroon ng kakayahang magdeploy ng mga yunit ng armadong partisano sa kalunsuran ng mga distritong kongresyunal. Magagawa ang pagpaparami ng mga larangang gerilya sa paraan at bilis ng paghalaw ng lakas ng mga panimulang yunit ng BHB (maging tim, iskwad o platun man) mula sa baseng masa sa mga pinalalawakang lugar.

Ang proseso ng pagpapalawak tungo sa nilalayong 180 larangang gerilya ay hahantong sa paglakas ng Partido at BHB sa antas ng larangang gerilya (distrito), prubinsya at rehiyon. Uusbong ang relatibong matatatag na base sa iba't ibang lawak ng teritoryo, depende sa paglaki ng Partido, BHB at baseng masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika at syempre pa sa aktwal na pagkadurog at pagkalansag ng kapangyarihang pampulitika ng kaaway sa mga lokalidad.

Dapat tayong patuloy na maglunsad ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa. Dapat nating pag-ibayuhin ang ating mga taktikal na opensiba habang pinalalawak at pinalalalim ang ating baseng masa. Syempre, magrereaksyon ang mga pwersang kaaway sa pamamagitan ng pagkokonsentra sa mga larangang gerilya kung saan tinataya nilang malakas tayo at paglulunsad ng mababangis na kampanya ng panunupil. Ngunit dahil lubhang limitado ang mga pwersa ng kaaway sa pambansa at panrehiyong saklaw, mapanghahawakan natin ang inisyatiba sa pamamagitan ng pleksibleng mga taktika ng konsentrasyon para mag-opensiba, paglipat para umiwas sa kaaway at dispersal para maggawaing masa.

Ang Komisyong Militar ng Komite Sentral ang responsable sa pagtatakda at pag-iisyu ng pinakaestratehikong mga tagubilin at plano. Bawat antas ng kumand sa operasyon ay dapat magbigay ng kinakailangang impormasyon at mga rekomendasyon gayundin ng mga pidbak sa kani-kanilang nakatataas na organo. Sa loob ng kani-kanilang teritoryo, pwede silang magbalangkas at mag-isyu ng partikular na mga tagubilin at planong pang-operasyon para sa mga taktikal na opensibang nakatuon sa pagsalakay sa mahihinang bahagi ng kaaway at pagsamsam ng armas sa proseso.

Ang mga armas para sa mga bagong yunit ng BHB sa antas-distrito, prubinsya at rehiyon ay dapat pangunahing kunin sa kaaway sa pamamagitan ng mga ambus, reyd at iba pang operasyon. Bibilis ang pananamsam ng armas sa kaaway kapag nag-ibayo ang inisyatiba, koordinasyon at pagtutulungan ng mga yunit ng BHB sa antas-prubinsya at rehiyon.

Para kayanin ng BHB na maglunsad ng mga kampanya ng opensiba na maiikli lamang ang pahinga, dapat magkaroon ng papalawak na baseng masa kung saan ang mga organisasyong masa at mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika ay kayang magsagawa ng mga kampanya at partikular na mga aktibidad para mapabuti ang mga usaping panlipunan, pang-ekonomya, pangkalusugan at pangkultura ng mamamayan.

Dapat ipatupad nang husto ang kampanya para sa reporma sa lupa upang makuha ang matibay na suporta ng mga maralitang magsasaka, manggagawang bukid at mababang panggitnang magsasaka. Ang minimum na programa ng reporma sa lupa ay maaaring itaas sa maksimum na antas depende sa lakas ng BHB at kilusang magsasaka. Dapat isulong nang husto ang kampanya ng pag-oorganisa sa masa, edukasyong publiko, pagpapataas ng produksyon, pangangalaga sa kalusugan, depensa, gawaing pangkultura at pag-areglo sa mga alitan sa hanay ng mamamayan.

Ang milisyang bayan ay dapat gumanap ng mga tungkuling pampulis at ang mga organisasyong masa ay dapat magsanay ng mga yunit na mangangasiwa sa depensa. Makapagpapalakas lamang ang BHB sa pagkakaroon ng di hamak na mas maraming tao sa mga yunit milisya at pananggol na makapagsisilbing pwersang pandagdag at reserba. Ang mga panlarangan, pamprubinsya at panrehiyong yunit ng BHB, na nagsisilbing mga sentro de grabidad at/o pwersang panlaban, ay makakikilos nang mas mabilis at magiging mas epektibo sa tulong ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika, organisasyong masa, lokal na yunit gerilya, milisyang bayan at yunit pananggol sa kani-kanilang saklaw.

Tulad ng lumitaw sa implementasyon ng OBL at mga nagdaang pambansang plano sa operasyon ng kaaway, limitado ang bilang ng pwersang kaaway na nagagamit sa mga kampanya ng panunupil laban sa BHB sa kanayunan kung ihahambing sa populasyon ng buong bansa. Hindi nito kayang sumaklaw ng mahigit 10% ng kalupaan sa bawat takdang panahon. Kaya naman nakabubwelo ang BHB sa mahigit 90% ng teritoryo ng Pilipinas. Ang bilang ng mga napakikilos ng kaaway sa labanan ay nalilimitahan pa ng nag-iibayong militansya ng kilusang masa sa kalunsuran at ng patayang tunggalian ng mga reaksyunaryo sa anyo ng mga bantang kudeta at kontrakudeta laban sa isa't isa.

Makukuha ng BHB ang inisyatiba sa pagpapaunlad ng armadong partisanong pakikidigmang lunsod at paglulunsad ng mga ispesyal na operasyon laban sa mga pasilidad ng kaaway at mga kontra-mamamayang empresa upang mapwersa ang kaaway na magbantay at ilagay sa katayuang depensibo ang mas maraming tropa nito. Ang kilos ng mga yunit ng kaaway ay pwedeng antalain ng mga operasyong sapper, mine warfare, pang-iisnayp at iba pang operasyong pangmaliit na yunit. Mistulang mga kurot lamang ito pero may malawak na epektong pandemoralisa sa mga tropa ng kaaway.

Dapat gawing target ng pag-aresto ng BHB ang mga lumalabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas at sa kodigo penal ng demokratikong gubyernong bayan. Dapat itong kumilos para lansagin ang mga napakamapagsamantalang plantasyon, empresa ng pagtotrosong pang-eksport, pagmimina at iba pang operasyong nang-aagaw ng lupa sa mamamayan at sumisira sa kapaligiran. Ang paglalansag ay magagawa sa pamamagitan ng pagsira sa kagamitan, paghadlang sa pagpasok ng mga nangangasiwa at paglulunsad ng mga taktikal na opensiba laban sa mga armadong gwardya. Dapat dagdagan ang mga lupaing inilalaan sa reporma sa lupa at produksyon ng pagkain.

Noong unang dekada ng pagpapalawak ng Partido mula 1968 hanggang 1977, binuo at ginamit ng ating Komite Sentral ang mga panrehiyong komite ng Partido bilang susing kasangkapan sa pag-oorganisa ng Partido, BHB at armadong rebolusyonaryong kilusang masa sa buong bansa. Dapat palakasin ng kasalukuyang mga komiteng panrehiyon ng Partido ang kanilang sarili at ang mga komiteng pamprubinsya na tuwirang nakapailalim sa kanila. Dapat namang palakasin ng mga komiteng pandistrito ang mga komiteng munisipal at seksyon na tuwirang nasa ilalim nila. Dapat nating isaisip na kapag ang isang nakatataas na antas ng liderato ng Partido ay nagpupunyaging palakasin ang kasunod na nakabababang antas, ang napalalakas sa bandang huli ay ang salalayan ng Partido.

Dapat tayong magkaroon ng pang-organisasyong plano para magparami ng mga kadre at kasapi ng Partido sa layuning kamtin ang malaking pagsulong mula sa estratehikong depensiba patungong estratehikong pagkapatas. Kailangan natin ng di kukulangin sa 200,000 kasapi ng Partido para rito.

Dapat tayong lumagay sa bag-as ng hukbong bayan at mamuno sa gawain sa lokalidad mula sa antas-baryo pataas at sa mga organisasyong masa, empresang pang-ekonomya at institusyong pangkultura. Ang pang-organisasyong lakas na nais nating ipundar para sa malaking pagsulong sa susunod na limang taon ang magsisilbing pundasyon sa mas malalaki pang pagsulong sa limang taon pang susunod.

May malawak tayong mapagrerekrutan para sa Partido. Kabilang dito ang hukbong bayan at mga organisasyong masa. Mula sa mga ito, dapat bigyang-diin ng ating Partido ang pagrerekrut ng mga abanteng aktibistang masa ng uring manggagawa, magsasaka at petiburgesyang lunsod. Sa paalun-along pagsulong, dapat nating tiyakin na taglay natin ang pangmasang lakas at iba't ibang tipo ng kakayahang pangkadre na kailangan para maipagtagumpay ang rebolusyon.

Dapat nating mapagpanibagong-hubog at pandayin ang mga kadre at kasapi ng ating Partido sa pamamagitan ng rebolusyonaryong edukasyon, pagpupunyagi at puspusang pakikibaka kapwa sa kanayunan at kalunsuran. Dapat nating hikayatin ang mga manggagawa at nakapag-aral na kabataan na maglingkod sa hukbong bayan at sa kanayunan. Kailangan natin sa kanayunan ang pinakamulat at pinakamahuhusay na proletaryong rebolusyonaryo upang maisulong ang digmang bayan at makapaghanda sa pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika sa bandang huli.

Tiwala tayo na matutugunan natin ang mga rekisitong pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon para makamit ng ating Partido ang malaking pagsulong mula sa estratehikong depensiba tungo sa estratehikong pagkapatas sa susunod na limang taon. Dapat nating sagpangin ang bawat sandali, bawat araw at bawat linggo para tupdin ang mga plano at tungkuling nakatalaga sa atin.

Ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at lokal na naghaharing sistema, at ang pagdurusa at sigaw ng bayan na isulong ang bagong demokratikong rebolusyon patungo sa sosyalismo at komunismo ay nag-uudyok sa atin na gawin at kamtin ang ating makakaya sa bawat yugto ng pakikibaka.

____________

(1) Pinalalabas ng burgesya na ang pagtaas ng sahod ay siyang salik sa likod ng implasyon o pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

(2) Lugar o instalasyon na kung makokontrol ay makapagpipihit ng takbo ng gera o mga operasyon

20091226pi.pdf
Reply all
Reply to author
Forward
0 new messages