Patuloy na umiiral ang paghaharing
militar sa bansa
Umiiral pa rin ang terorismong militar sa buong bansa.
Nagpapatuloy ang paghaharing militar kahit 40 taon na ang
nakalilipas mula nang pormal na ideklara ni Ferdinand Marcos ang
batas militar noong Setyembre 21, 1972 at 26 na taon na ang
nakararaan mula nang ibagsak ito sa pamamagitan ng pag-aalsang
bayan noong Pebrero 1986. Download
PDF
Ginamit ni Marcos ang batas militar
upang panatilihin ang sarili sa kapangyarihan at palakasin ang
paghahari ng dayuhang malalaking kapitalista, malalaking
burgesyang kumprador, panginoong maylupa at mga
burukrata-kapitalista.
Sa kabila ng ipinangangalandakang pagbalik umano ng demokrasya,
walang malaking pinagkaiba ang mga sumunod na rehimen sa
kinamumuhiang pasistang diktadurang Marcos. Kahit walang pormal
na deklarasyon ng batas militar, nakapagpapatuloy ang terorismo
ng estado. Nakapangyayari pa rin ang mga mapagsamantala at
mapang-aping sinuhayan ng batas militar.
Nagagawa ito sa pamamagitan ng paigting nang paigting na
militarisasyon sa bansa mula sa rehimen ni Corazon Aquino
hanggang sa kasalukuyang rehimen ng anak niyang si Benigno
Aquino III, kung kailan walang puknat ang malawakang mga
operasyong militar at may makapal na presensya ang mga tropa ng
AFP mismo sa mga komunidad ng mga magsasaka at maralitang lunsod
sa buong bansa.
Para mapanatili ang bulok at bangkaroteng sistemang malakolonyal
at malapyudal, pinalaki ang bilang at pinatingkad mula noong
1972 ang papel ng Armed Forces of the Philippines (AFP),
Philippine National Police (PNP) at iba pang armadong galamay ng
reaksyunaryong estado. Ang pinalaking papel ng AFP sa maraming
aspeto ng lipunang Pilipino ay indikasyon ng nagpapatuloy at
palalang krisis ng naghaharing sistema. Kailangang lakasan ang
mapaniil na pwersa ng estado para supilin ang lumalakas na
paglaban ng mamamayan.
Pinalaki ni Marcos ang kabuuang pwersa ng AFP mula 60,000
tungong 100,000 tropa noong ipataw ang batas militar. Umabot ang
kabuuang bilang ng AFP sa 250,000 noong kalagitnaan ng 1975
matapos isanib dito ang mga pwersa ng PC-INP. Pagkatapos ng
batas militar, tuluy-tuloy na pinalaki ang pwersa ng AFP tungong
200, 000 at ang PNP mula 115,000 tungong 140,000 sa kasalukuyan.
Hindi pa kabilang dito ang pagpapalobo ng mga pwersang
paramilitar tulad ng Civilian Armed Forces Geographical Unit
(CAFGU) at iba pang mga armadong grupong hawak din ng militar.
Ang AFP ay di lamang pinakamalakas na haligi ng reaksyunaryong
naghaharing sistema. Ito rin ang pinakapinagkakatiwalaang
instrumento ng imperyalismong US para mapanatili ang dominasyon
nito sa Pilipinas. Ang AFP ang pinakasinasaligang pwersa ng US
para sa pangangalaga ng estratehikong interes nito sa Pilipinas,
pagpapatatag ng reaksyunaryong sistemang pampulitika,
pangangalaga sa dayong pamumuhunan at pagsupil sa mga pwersang
anti-imperyalista at rebolusyonaryo. Tungo rito, malaki ang mga
pagsisikap ng imperyalismong US na palakasin ang organisasyon ng
AFP, suplayan ito ng mga armas at sanayin ang mga tauhan nito
batay sa umiiral na doktrina ng US.
Sa katunayan, nag-ugat ang kasalukuyang AFP at PNP sa unang mga
mersenaryong tropa mula sa Macabebe, Pampanga na ginamit ng mga
kolonyalistang Amerikano sa pagtugis sa mga rebolusyonaryong
Pilipinong lumalaban sa pananakop ng US noong 1899-1903. Sila
kalaunan ang naging Philippine Scouts (na malao'y naging
Philippine Scout Rangers) at Philippine Constabulary.
Sinasanay ang mga susing upisyal ng AFP sa mga paaralang militar
ng US tulad ng West Point Military Academy, Annapolis Naval
Academy at Fort Benning at nirerekluta sila bilang mga ahente ng
imperyalistang Central Intelligence Agency (CIA).
Sinusuplayan ng mga armas ang AFP sa pamamagitan ng US Foreign
Defense Financing Program at ang pagbili ng mga armas mula sa
ibang bansa sa ilalim ng AFP Modernization Program ay
ginagabayan ng mga tagapayong militar ng US.
Nakapadron naman ang lahat ng kontra-rebolusyonaryong kampanya
ng papet na gubyerno ng Pilipinas sa doktrina ng US. Ang
kasalukuyang Oplan Bayanihan ng AFP ay halos kopya mula sa US
Counterinsurgency Guide of 2009.
Sa 14 na taong pag-iral ng batas militar, naipundar ng AFP ang
pulitiko-militar na kapangyarihan nito sa lahat ng aspeto ng
lipunang Pilipino. Ang inabot ng militarisasyon ng sistemang
panlipunan sa Pilipinas ay pinatitingkad din ng laksa-laksang
mga dating upisyal militar na nakapwesto sa burukrasyang sibil.
Hinihirang o nagpapahalal sila sa iba't ibang ahensya ng
gubyerno, kongreso at lokal na gubyerno. Sa pamamagitan ng
militarisasyon ng burukrasya, nabibigyan ng akomodasyon ang mga
retiradong matataas na upisyal na militar na alipures ng mga
reaksyunaryong pulitiko. Sa gayon, nagagawang saklawin at
gamitin ng AFP ang burukrasyang sibil sa pagsusulong nito ng mga
programang kontra-rebolusyonaryo.
Laganap din ngayon ang paggamit ng militar para maghatid ng mga
serbisyong dapat ay ibinibigay ng mga sibilyang ahensya ng
gubyerno. Lalo itong lumaganap nang ipatupad ang Oplan Bayanihan
ng rehimeng US-Aquino sa anyo ng "peace and development
organizing teams" ng AFP, mga civil-military operations na
sumasaklaw pati sa pagtuturo umano ng karapatang-tao sa mga
paaralan, pagsasagawa ng mga sensus, paglulunsad ng mga misyong
medikal at dental, at pagtatayo at pagkukumpuni ng mga paaralan
na kalauna'y gagawing mga baraks ng mga sundalo sa loob ng ilang
buwan hanggang isang taon.
Pilit binubura sa kamalayan ng mamamayan ang imbing papel ng
reaksyunaryong militar sa paghahasik ng teroristang lagim at
pagpepreserba sa mapagsamantala at mapang-aping naghaharing
sistema. Sinasanay ang bayan sa makapal na presensya at
pang-aabuso ng militar upang pumurol ang kanilang pagtutol sa
militarisasyon at maging katanggap-tanggap ang panunupil.
Hungkag ang lahat ng pagsisikap na ito ng AFP, ng rehimeng
Aquino at amo nilang imperyalismong US. Kailanman ay hindi
maaaring bumango at maging positibong pwersa ang isang
institusyong nasa kaibuturan na ang pagiging papet, mapanupil,
bulok at mersenaryo.
Sa malagim na kasaysayan ng diktadurang Marcos ay nasaksihan ng
mamamayan ang pinakamasahol na mukha ng lantarang paghaharing
militar. Mapait na pamana ng batas militar ni Marcos ang
tagus-tagusang militarisasyon at pag-iral pa rin ng panunupil
militar, na pilit ikinukubli gamit ang mapanlinlang na mga
karatula ng "kapayapaan" at "kaunlaran." Ito ang dapat
patingkarin sa bawat paggunita ng batas militar.
Walang ibang nararapat na tugon sa walang puknat na panunupil
militar kundi ang walang pagod na paglalantad sa katotohanan at
walang puknat ding paglaban ng mamamayan.
Mga bakas ng batas militar
Sa kalakhan ay kinilalang ligal ang mga batas na pinairal noon
ng pasistang diktadurang Marcos, maliban sa ilang ibinasura ni
Corazon Aquino sa unang mga araw ng pagkakaluklok niya sa poder
at yaong mga pinawalambisa ng Korte Suprema.
Pinairal ni Corazon Aquino ang mapaniil na mga batas at
dikretong presidensyal tulad ng Batas Pambansa (PB) 880 na
nagbabawal sa mamamayan na magtipun-tipon sa publiko, ang
General Order (GO) 66 na nagpapahintulot sa militar at pulisya
na magtayo ng mga tsekpoynt sa mga daan at mga paaralan.
Pinahihintulutan naman ng GO 67 ang pag-aresto nang walang
mandamyento. Ang Presidential Decree (PD) 1866 ay nagpaparusa sa
iligal na pag-iingat ng mga armas kaugnay ng rebelyon.
Pinahihintulutan naman ng Executive Order (EO) 129 ang mga
demolisyon ng mga komunidad ng maralitang lunsod.
Niligalisa rin ni Corazon Aquino ang pag-iral ng Civilian Armed
Forces Geographical Unit (CAFGU) nang ibaba niya ang EO 264 na
nagsailalim sa kinamumuhiang yunit paramilitar sa superbisyon ng
AFP. Katulad ng kanyang ina, pinananatili ni Benigno Aquino III
ang mga yunit paramilitar sa kabila ng malakas na pagtutol ng
mamamayan. Aniya, ang CAFGU at iba pang yunit paramilitar ay
kinakailangan bilang pandagdag na pwersa sa Oplan Bayanihan ng
AFP.
Sa abiso ng gubyernong US ay buong-buong ring tinanggap ni
Corazon Aquino sa kanyang gubyerno ang mga upisyal at tauhan ng
AFP sa kabila ng malakas na panawagang usigin at parusahan ang
mga upisyal ng militar at pulisya na sangkot sa malalaking kaso
ng korapsyon at malawakang paglabag sa karapatang-tao sa ilalim
ng diktadurang Marcos. Imbes na panagutin sila sa kanilang
malalaking kasalanan sa bayan, hinirang ni Aquino sa matataas na
pusisyon ang mga susing tagapagpatupad ng batas militar tulad
nina Juan Ponce Enrile at Fidel Ramos na bumaligtad lamang nang
lubhang nahiwalay na si Marcos sa mamamayang Pilipino. Ibinalik
ni Aquino si Enrile bilang Secretary of National Defense at
ginawang hepe ng AFP si Ramos na dating hepe ng Philippine
Constabulary-Integrated National Police (PC-INP).
Iniluklok din sa ilalim ng sumunod pang rehimen ang maraming
upisyal ng militar at pulisya sa mga susing pwesto sa gubyerno
hanggang sa naging lubhang militarisado na ang sibilyang
burukrasya. Noong 2009, iniluklok ni Gloria Arroyo sa
mahahalagang pusisyong sibilyan ang 25 retiradong heneral. Ilan
lamang dito sina Gen. Eduardo Ermita bilang Executive Secretary;
Gen. Angelo Reyes, kalihim ng Department of Energy; Gen. Leandro
Mendoza, kalihim ng Department of Transportation and
Communications; at Gen. Hermogenes Ebdane, kalihim ng Department
of Public Works and Highways.
Hinirang naman ng rehimeng Aquino si Col. Voltaire Gazmin bilang
Defense Secretary; Gen. Danilo Lim sa Philippine Drug
Enforcement Agency (PDEA); Gen. Benito Ramos sa NDRRMC; dating
AFP chief of staff Ricardo David bilang Commissioner ng Bureau
of Immigration; at si PNP Dir. Gen. Nicanor Bartolome, ipapalit
sa pinatalsik na DILG Undersecretary Rico Puno.
Nagiging kredensyal din ang rekord militar para mailuklok bilang
mga mambabatas kahit wala silang ibang pagsasanay. Halimbawa
rito si senador at ngayo'y Rep. Rodolfo Biazon, dating hepe ng
AFP; senador at ngayo'y Mayor Alfredo Lim, dating hepe ng Manila
Police Department at National Bureau of Investigation; Sen.
Panfilo Lacson, dating hepe ng PNP; Sen. Gregorio Honasan,
dating koronel ng AFP at lider ng Reform the Armed Forces
Movement; at Rep. Roilo Golez, dating koronel at nagtapos sa
Annapolis Naval Academy.
Pananalasa ng militarisasyon sa
kanayunan
Tulad ng diktadurang US-Marcos, nakapaghahari sa ilalim ng
rehimeng US-Aquino ang kapangyarihang militar sa malaking bahagi
ng bansa. Pero di katulad ni Marcos, naghahari ang batas ng
militar, laluna sa kanayunan, nang walang pormal na proklamasyon
ni Aquino.
Pamana ito ng batas militar. Ang militarisasyon ay bahagi na ng
naghaharing sistemang pampulitika at isa sa mga susi nitong
instrumento para sa preserbasyon ng bulok na sistemang
panlipunan.
Katulad noon, nakatuon ang kapangyarihan ng AFP sa mga lugar na
pinakamasigasig ang mga pakikibakang masang antipyudal at
armadong pakikibaka. Pangunahing target ng brutal na panunupil
ang mahihirap na magsasaka at pambansang minorya. Malawakan at
sustenido ang militarisasyon sa layong supilin ang malawakang
paglaban ng mamamayan at wasakin ang ipinupundar nilang
demokratikong kapangyarihan. Simula noong panahon ni Arroyo,
militarisado rin ang mga komunidad ng maralitang lunsod na
sinasaklaw ng mga makadayuhang proyekto sa ilalim ng programang
Public-Private Partnership.
Partikular ding masidhi ngayon ang militarisasyon sa mga lugar
kung saan lumalarga ang operasyon ng mga dayuhang minahan,
komersyal na plantasyon, malalaking asyenda at agribisnes.
Matindi rin ang militarisasyon sa mga lugar na pinagtatayuan ng
mga dambuhalang dam at iba pang mapangwasak na proyektong
"pangkaunlaran" na nakatuon sa mga pangangailangan ng dayuhang
mga kumpanya. Layunin ng militarisasyon ang bigyang-daan ang
pagpasok ng dayuhan at komersyal na mga interes.
Tampok ngayon ang matitinding kaso ng militarisasyon,
pang-aabuso at iba pang paglabag sa karapatang-tao sa rehiyon ng
Bicol, laluna sa Albay (sa loob at mga bayan sa paligid ng
Legazpi City) at Camarines Norte. Mahigit walong batalyon ng mga
pasistang sundalo ang nakakalat ngayon sa malalawak na asyenda
sa Bondoc Peninsula, higit sa inabot ng militarisasyon dito
noong panahon ng diktadurang US-Marcos.
Masidhi rin ang militarisasyon sa mga lugar ng pagmimina sa mga
rehiyon ng Caraga at Cordillera at iba't ibang bahagi ng
Southern, Far South at Western Mindanao. Matindi rin ang
militarisasyon sa Bukidnon kung saan itinatayo ang dambuhalang
mga dam.
Inilulunsad ang pinakamalulupit na anyo ng panunupil at
terorismo. Walang pakundangan ang mga ekstrahudisyal na
pamamaslang, pagdukot, pagtortyur, panghahalughog, iligal na
pag-aresto at detensyon, at iba pang paglabag sa karapatang-tao.
Laganap ang pambobomba at walang patumanggang istraping at mga
pangmamasaker. Winawasak ng mga operasyong ito ang kanilang
kabuhayan, mga bahay at ari-arian. Ilampung libong mamamayan ang
napipilitang magbakwit para sa kanilang kaligtasan. Sapilitang
nirerekrut ang mamamayan sa mga grupong paramilitar.
Sa ilalim ng Oplan Bayanihan simula 2011, ang mga brutal na
operasyong militar ay ipinatutupad sa tabing ng “kapayapaan at
kaunlaran.” Sa ilalim ng binansagang Community Organizing for
Peace and Development (COPD), nagsasagawa ng matagalang “special
operation” ang mga pangkat ng mga sundalo para isailalim ang
taumbaryo sa kanilang kapangyarihan. Ginagamit nila bilang base
ng operasyon ang mga eskwelahan, barangay hall at iba pang
istrukturang sibilyan. Nilalabag ng AFP ang mga internasyunal na
batas sa digma sa pamimilit ng mga sundalo na tumira sa mga
bahay ng mga magsasaka.
Gamit ang upisyal na pondo ng AFP, tinatarget ng mga sundalo ang
mga kabataan at kababaihan ng pakikipagbarkada o panliligaw.
Hinihikayat at pinakikinabangan ng AFP ang iligal na droga,
paglalasing at iba pang mga antisosyal na gawi. Ang mga
elementong antisosyal ay nirerekrut nila bilang mga tauhan sa
paniniktik sa baryo.
Kasabay nito, mahigpit na minamanmanan ng militar ang mga
aktibidad sa baryo. Nagbabahay-bahay sila sa ngalan ng
pagsesensus para tukuyin ang mga indibidwal at organisasyong
tumututol sa mga programa ng reaksyunaryong estado at tiktikan
ang kanilang mga kilos. Nagpapataw sila ng curfew at iba pang
mapaniil na kalakarang di naiiba sa patakaran ng deklaradong
batas militar. Malisyoso nilang pinararatangang mga myembro ng
Bagong Hukbong Bayan ang sinumang hindi sumasang-ayon sa
kanilang mga palakad.
Nagpapalaganap ang mga sundalo ng disimpormasyon at mapanlinlang
na mga programa para wasakin ang pagkakaisa ng mamamayan at
idiskaril ang kanilang paglaban. Direktang ipinatutupad ng mga
sundalo ang mga programang counterinsurgency ng reaksyunaryong
rehimen. Kabilang dito ang pag-oorganisa ng tinaguriang Agrarian
Reform Communities sa ilalim ng balangkas ng CARPER (tingnan ang
kaugnay na artikulo) at pamumudmod ng perang limos sa balangkas
ng 4Ps.
ANG PAMPULITIKANG PODER ng militar ay nagmumula sa kapangyarihan
nitong sumupil at pumuksa. Kung saan sila nakapangyayari, sila
ang nagtatakda ng batas. Ang satsat ng “demokrasya” at
“kapangyarihang sibilyan” ay pawang kamoplahe lamang na
pantabing sa malupit na pasistang paghahari.
Dahil ang militar ang pangunahing instrumento para suhayan ang
mga dayong malalaking kapitalista, malalaking burgis komprador
at panginoong maylupa, ang pakikibakang anti-militarisasyon ay
bahagi ng pakikibakang anti-imperyalista at antipyudal ng
mamamayang Pilipino. Dapat paigtingin ng sambayanan ang
pagtatanggol sa kanilang mga karapatang-tao kaakibat ng
pagsusulong nila ng kanilang demokratikong pakikibaka para sa
repormang agraryo at sa pambansang karapatan sa sariling
pagpapasya.
Paggunita ng ika-40 anibersaryo ng
batas militar
Ginunita ng malawakang aksyong protesta ng mga kabataang
aktibista, pag-aayuno ng mga detenido pulitikal sa mga
bilangguan sa buong bansa at pagtatanghal ng isang eksibit ang
ika-40 anibersaryo ng pagpataw ng batas militar.
Naglunsad ng isang linggong welga at mga walkout sa kanilang mga
klasrum sa buong bansa ang mga kabataang-estudyante noong
Setyembre 17 hanggang 21. Pinamunuan ang mga kilos-protestang
ito ng League of Filipino Students katuwang ang Anakbayan,
KARATULA, Student Christian Movement of the Philippines,
National Union of Students of the Philippines at Kabataan
Partylist. Iginigiit nila ang pagbabasura sa Education Act of
1982, na kabilang sa masasamang pamana ng dating diktador na si
Ferdinand Marcos.
Binatikos ng mga kabataang aktibista si Benigno Aquino III hindi
lamang dahil sa paglabag niya sa karapatan sa edukasyon ng mga
kabataan kundi sa iba pang mga karapatang-tao. Anila, isang
kabalintuan na ang administrasyong pinamumunuan ng isang nagmula
sa mga pamilyang biniktima ni Marcos ang siya ngayong
nagpapatupad ng mistulang batas militar.
Nag-ayuno naman noong Setyembre 14-21 ang 300 abugado ng
karapatang-tao, 200 estudyante ng abugasya at mga paraligal mula
sa 18 panrehiyon at panlalawigang sangay ng National Union of
People's Lawyers (NUPL). Iginigiit nila sa rehimeng Aquino ang
pagpapalaya ng mahigit 350 bilanggong pulitikal na nakapiit sa
iba't ibang kulungan ng bansa.
Kasabay ding nag-ayuno ang mga detenidong pulitikal sa Southern
Mindanao, Central Visayas, Eastern Visayas, Iloilo, Batangas,
Isabela, New Bilibid Prison sa Muntinglupa City at Camp Bagong
Diwa sa Taguig City.
Nagtanghal ng eksibit sa University of the Philippines-Diliman,
Quezon City noong Setyembre 12-21 ang Karapatan katuwang ang
SELDA (Samahan ng Ex-detainees Laban sa Detensyon at Aresto).
Pinamagatan itong "Himagsik at Protesta: Apatnapung taon ng
Batas Militar." Muli nitong sinariwa ang mga aral ng 14 taong
paghahari ng terorismong militar ng diktadurang Marcos.
Militarisasyon ng mga paaralan,
tinututulan
Mariing tinututulan ng mga organisasyong nagtataguyod sa
karapatang- tao ang paggamit ng militar sa mga paaralang
publiko. Ito ang ipinaabot ni Rep. Antonio Tinio ng ACT Teachers
Partylist sa isang dayalogo kay Undersecretary Alberto Muyot,
pinuno ng Legal and Legislative Affairs ng Department of
Education (DepEd).
Kabilang sa nakipagdayalogo sa DepEd ang Katribu Partylist,
Dinteg (Cordillera Indigenous Peoples Legal Center) at
Children's Rehabilitation Center (CRC).
Iginigiit nila ang pagpapalayas sa mga sundalo ng gubyerno dahil
ginagamit nila ang mga paaralan sa bansa para ipatupad ang Oplan
Bayanihan ng gubyernong Aquino. Bunsod nito, nilalabag ng
militar ang karapatan sa edukasyon ng mga bata.
Bago magtapos ang dayalogo, nangako si Undersecretary Muyot na
maglabas ng isang memorandum na babawi sa lahat ng umiiral na
Memorandum of Agreement sa pagitan ng Armed Forces of the
Philippines at mga DepEd School Division.
Sa Mindanao, tinatakot ng militar ang mga guro at estudyante sa
ilang paaralan ng mga Lumad tulad ng pinatatakbo ng Center for
Lumad Advocacy and Services (CLANS) sa Sarangani at Rural
Missionaries of the Philippines (RMP) sa Agusan Del Sur,
Bukidnon at Compostela Valley.
Samantala, pwersahang nagsara ang B'laan Community Literacy
School sa Malapatan, Sarangani at Alternative Learning Center
for Agriculture and Livelihood Development (ALCADEV) sa Lianga,
Surigao del Sur dahil sa sapilitang ebakwasyon bunsod ng
nagpapatuloy na operasyong militar sa nasabing mga lugar.
Ang mga paaralang ito ay itinatag mismo ng mga katutubong
mamamayan at sinusuportahan ng ilang _non-government
organization_ at relihiyosong grupo. Layon ng mga paaralang ito
na mabigyan ng edukasyon ang mga komunidad na biktima ng
kapabayaan ng gubyerno.
Sa Cordillera, nabunyag ang kasunduan sa pagitan ng Department
of Education-Baguio City Division at 5th Civil-Military
Operations Battalion ng 5th ID ng Philippine Army para
magtulungan sa paglulunsad ng kampanyang _counterinsurgency_.
Nagdaraos sila ng mga talakayan sa mga estudyanteng nasa Grade 6
at hayskul.
Ipinagbabawal ng RA 7610 o Special Protection of Children
against Abuse, Exploitation, and Discrimination ang paggamit ng
militar ng mga paaralan, ospital at mga _health center_ bilang
_command post_, baraks, mga detatsment at imbakan ng mga suplay
ng armadong mga pwersa.
Hinamon naman ni Jaqueline Ruiz, _executive director_ ng CRC,
ang gubyernong Aquino na itaguyod ang mga karapatan sa edukasyon
ng mga bata. Aniya, dapat pakinggan ng gubyerno ang mga reklamo
ng mga bata at kanilang mga komunidad at agarang alisin sa mga
sibilyang komunidad ang mga tropang militar.
Romeo Capulong, abugado ng bayan,
pumanaw na
Pumanaw si Atty. Romeo (Ka Romy) T. Capulong sa edad na 77 taong
gulang noong Setyembre 16. Atake sa puso ang sanhi ng kanyang
kamatayan.
Si Ka Romy, na siyang tawag sa kanya ng mga kasama't kaibigan,
ang nagtatatag at naging presidente ng Public Interest Law
Center para bigyan ng ligal na serbisyo ang mahihirap.
Pinamunuan din niya ang National Union of People's Lawyers
(NUPL). Bago niyon, nahalal siya bilang delegado sa
Constitutional Convention noong 1970.
Lubos na pinasalamatan si Ka Romy ng National Democratic Front
of the Philippines (NDFP), ng lahat nitong mga alyadong
organisasyon, at ng NDFP Negotiating Panel, mga konsultant at
istap nito sa maraming taong ibinigay niya ng di matutumbasang
serbisyo sa negosasyong pangkapayapaan at sa iba pang larangan
ng pakikibaka ng mamamayan.
Nagsilbing Chief Legal Counsel si Ka Romy sa negosasyong
pangkapayapaan noong 1986-1987 hanggang sa mamatay siya. Ayon sa
NDFP, gumampan si Ka Romy ng susing papel sa pormulasyon at
negosasyon ng The Hague Joint Declaration, ng Joint Agreement on
Safety and Immunity Guarantees (JASIG), Comprehensive Agreement
on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law
(CARHRIHL) at iba pang kasunduang bilateral. Lubusan niyang
ginamit ang kanyang kasanayang ligal at mapanghikayat na
kakayahan para makakuha ng konsesus sa pinakamahihirap na
usapin. Lahat ng 12 kasunduang bilateral mula 1992 hanggang 2004
ay nabuo sa tulong ng kanyang kahusayang ligal at matatag na
paninindigan para sa rebolusyonaryong kilusan. Nagawa niya ito
sa kabila ng kanyang mahigpit na iskedyul bilang abugado ng mga
bilanggong pulitikal, mga magsasaka, manggagawa at iba pang
biktima ng panggigipit sa pulitika.
Kinampihan ni Ka Romy ang pakikibaka ng 10,000 magbubukid sa
Hacienda Looc sa Batangas. Bilang anak din ng isang magsasaka sa
Nueva Ecija, naging madali para sa kanya ang pakikisalamuha sa
mga taga-Hacienda Looc at makiisa sa kanilang pakikibaka laban
sa mga nais magpalayas sa kanila. Dahil dito, tinawag siyang
"Hulog ng Langit" ng mamamayan ng Hacienda Looc.
Hindi rin siya napatigil ng mga pagbabanta ng militar at patuloy
niyang tinulungan ang mga magsasaka at manggagawa ng Hacienda
Luisita. Ito ay sa kabila ng pagmasaker sa kanila at asasinasyon
kina Bishop Alberto Ramento, Konsehal Abel Ladera, Fr. William
Tadena at iba pang lider-manggagawa.
Kinilala rin sa ibayong dagat ang kahusayan ni Ka Romy. Ihinalal
siya ng United Nations (UN) General Assembly bilang isang UN
Judge _ad litem_ sa UN International Tribunal sa dating
Yugoslavia. Nagsilbi rin siya bilang isa sa mga abugado ni Prof.
Jose Maria Sison sa European Court mula Abril 2003 hanggang sa
kanilang pagkapanalo noong Setyembre 2009. Kasama ni Ka Romy ang
magagaling na abugado mula sa Belgium, Germany, France at The
Netherlands.
Pumanaw man ang abugado ng bayan at bayani ng sambayanan, ang
diwa at inspirasyon ni Ka Romy ay nananatiling buhay sa puso ng
kanyang mga pinaglingkuran, anang NDFP.
Naulila ni Ka Romy ang kanyang asawang si Sofia, mga anak na
sina Alex, Eduardo at Roma Pia at iba pang kamag-anak. Ililibing
siya sa Everest Hill Memorial Park sa Susana Heights, Muntinlupa
City sa Setyembre 22 ng umaga.
Pang-aatake sa kabuhayan ng mga
magsasaka sa Albay
Mariing pinabulaan ng mga magsasaka sa Guinobatan, Albay na
matagumpay ang ipinagmamayabang ng 2nd IB na pamamahagi nito ng
lupa sa lugar sa balangkas ng Comprehensive Agrarian Reform
Program Extension With Reforms o CARPER. Ang totoo, pananabotahe
sa pakikibaka ng mga magsasaka para sa lupa ang ginawang ito ng
2nd IB.
Mula pa noong dekada 1980 ay ipinaglalaban na ng mga magsasaka
ang kanilang karapatan sa lupang binubungkal sa ilang asyenda sa
Guinobatan. Bunga ng kanilang pakikibaka, makailang-ulit na
nakapaglunsad ang mga magsasaka ng mga kampanya para ibaba ang
upa, paunlarin ang produksyon at pusisyunan ang ilang bahagi ng
mga asyenda rito. Ang mga lupang ito na malaon nang
ipinagtagumpay ng mga magsasaka rito ang tinatarget ngayon ng
2nd IB na ipamahagi.
Nang tumanggi ang mga magsasaka rito na sumunod sa palakad ng
2nd IB, inakusahan sila ng mga sundalo na mga tagasuporta ng
Bagong Hukbong Bayan (BHB). Sa maraming pagkakataon, ang
ganitong malisyosong pagpaparatang ay unang hakbang sa
ekstrahudisyal na pamamaslang, pagdukot, iligal na pang-aaresto
at detensyon at iba pang paglabag sa karapatang-tao ng
mamamayan.
Layunin ng 2nd IB na wasakin ang pagkakaisa ng mga magsasaka sa
Guinobatan at guluhin ang kanilang makatwirang pagpusisyon sa
mga lupang tiwangwang. Desperado ang 2nd IB na pagtakpan ang
kontra-insurhensyang kampanya nito na patuloy na kinamumuhian ng
mga residente sa mga barangay na saklaw ng mga operasyon ng
mapanlinlang na Community Organizing for Peace and Development o
COPD tim. Pati ang pananabotahe nito sa kabuhayan ng mga
residente at simpleng pag-eskort sa pagsusurbey ng Municipal
Agrarian Reform Office (MARO) ay pinalalabas pa nilang
"tagumpay." Nais din ng tropa ng 2nd IB na pawalansaysay ang
naging pagkilos ng mga magsasaka rito at patahimikin ang
panawagan para palayasin ang mga tim ng COPD. Mahigit isang taon
nang sinasalanta ng mga operasyong militar ng mga COPD tim ng
2nd IB ang lugar.
Matatag ang paninindigan ng mga magsasaka na makatwiran ang
pagpusisyon nila sa lupa. Tumatanggi silang kilalanin ang
pamamahagi ng 2nd IB. Batid ng mga magsasaka rito na hindi ang
CARPER, at lalong hindi sa pamamagitan ng COPD na nakabalangkas
sa Oplan Bayanihan makakamit antunay na reporma sa lupa.
Makakamit lang ito sa patuloy na nagkakaisang pagkilos.
Lider ng katutubo sa Agusan,
tinortyur at pinatay
Tinortyur at pinaslang ng mga elemento ng CAFGU ang isang
lider-katutubo sa Agusan del Sur noong Setyembre 13 ng gabi. Si
Genesis Ambason, 23 taong gulang at pangkalahatang kalihim ng
Tagdumahan, isang grupong lumalaban sa malalaking minahan ay
pinatay sa Km. 39, Barangay Binikalan, bayan ng San Luis.
Ayon sa mga saksi, takipsilim na nang magpasyang magpahinga sa
paglalakad sina Ambason at iba pa niyang kasamahan mula sa
small-scale mining. Nagpahinga sila sa isang lugar mga 200 metro
ang layo sa Sityo Tambo at natatanaw mula sa detatsment ng 26th
IB. Pagkatapos ng ilang sandali ay nakarinig sila ng
nagmamadaling mga yabag patungo sa kanilang pwesto. Nang tutukan
ito ni Ambason ng kanyang flashlight ay nakarinig sila ng
sunud-sunod na mga putok. Nagtakbuhan ang mga kasama ni Ambason
ngunit siya ay naiwan dahil sa natamong sugat.
Kinabukasan, dumating sa lugar si Datu Amay, pinuno ng tribo sa
Barangay Tambo at natuklasan ang bangkay ni Ambason mga 130
metro mula sa detatsment ng 26th IB. Nagtamo siya ng dalawang
tama ng bala sa kanang dibdib, dalawang tama sa kanyang hita at
dalawang tama sa ibang bahagi ng katawan. May mga pasa din siya
sa kanyang mukha at dibdib.
Pinalalabas ng 26th IB na napatay si Ambason sa isang engkwentro
sa pagitan ng Bagong Hukbong Bayan at CAFGU.
5 sundalo, napatay sa ambus ng
BHB-Negros
Limang sundalo ang napatay nang ambusin ng isang yunit ng
Armando Sumayang Jr. Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang
isang komposit na yunit ng 47th IB at Scout Rangers sa Sityo
Magboto, Barangay Cabia-an, Candoni, Negros Occidental noong
Agosto 14. Marami ring sundalo ang nasugatan.
Tinangkang kubkubin ng militar ang pansamantalang kinakampuhan
ng mga Pulang mandirigma sa Southwest Negros Guerrilla Front
bandang alas-3:20 ng hapon. Subalit nakapagmaniobra ang mga
gerilya at ang militar ang kanilang tinambangan. Pinagbalingan
ng militar ng kanilang galit ang mamamayan bunsod ng pagkatalo
nila sa pakikipaglaban sa BHB, ani Ka Andrea Guerrero,
tagapagsalita ng Armando Sumayang Jr. Command.
Ilang residente ng Sityo Magboto ang pwersahan nilang kinunan ng
impormasyon at ginamit bilang mga giya sa pagtukoy sa
kinaroroonan ng BHB. Nagpataw din sila ng curfew kaya
naapektuhan ang hanapbuhay at kalayaan ng taumbaryo sa pagkilos.
Bago ang labanan noong Agosto 14, nakapaglunsad ng serye ng mga
taktikal na opensiba ang BHB sa naturang larangang gerilya.
Noong gabi ng Hunyo 28, hinaras ng isang tim ng BHB ang
detatsment ng Bactolon sa Barangay Camindangan, Sipalay City na
ikinasugat ng isang elemento ng CAFGU. Kinabukasan, Hunyo 29,
hinaras ng isa pang tim ng BHB ang Reo trak ng 47th IB at isang
elemento ng 47th IB ang nasugatan. Sa isang operasyong partisano
laban sa 47th IB sa Sityo Cambogui-ot, Barangay Camindangan,
Sipalay City noong Hunyo 19, nakasamsam ang mga Pulang
mandirigma ng isang .45 kal pistola at dalawang magasin na puno
ng bala mula sa isang sundalo.
Walang hiyang nagkakampo ang 47th IB sa mga bahay ng sibilyan sa
Sityo Indangawan, Barangay. Manlocahoc, Sipalay City. Dahil
dito, napipilitang matulog sa isang day care center ang may-ari
ng isa sa mga bahay na ginagamit ng militar. Inookupahan din ng
mga sundalo ang mga pwesto sa pamilihang bayan sa Sityo
Cambogui-ot na napapalibutan ng maraming tao. Ginagawa nilang
pananggalang ang mga residente laban sa atake ng mga gerilyang
pwersa na tumutugon lamang sa hiling ng mamamayan na palayasin
ang mga tropa.
NDF-SMR, nagbayad ng danyos
Binayaran ng danyos perwisyos ng National Democratic
Front-Southern Mindanao Region (NDF-SMR) ang di bababa sa 36 na
residente ng Barangay Fatima, Paquibato District, Davao City na
nasugatan nang hagisan ng granada ng isang yunit ng 1st Pulang
Bagani Company ang detatsment ng militar sa lugar noong gabi ng
Setyembre 1. Ang mga biktima ay namamasyal noon sa karnabal
malapit sa detatsment.
Agad na nagpuna ng sarili at nagpaumanhin sa publiko ang Merardo
Arce Command (Bagong Hukbong Bayan-Southern Mindanao). Nangako
itong gumawa ng mga kongkretong hakbang upang bayaran ng danyos
ang mga nasugatan at gawaran ng karampatang aksyong pandisiplina
ang sangkot na yunit ng BHB.
Alinsunod sa rekomendasyon ng Merardo Arce Command, iniutos ng
NDF Regional Council ng Southern Mindanao ang pagbigay ng
tig-P5,000 danyos sa mga biktima. Ipinamahagi ito noong
Setyembre 19 sa pamamagitan ng mga taong-simbahan, kagawad ng
midya, abugado at mga NGO.
Ang pagbayad ng danyos ay bahagi ng pagtalima ng NDF sa mga
komitment nito kapwa sa ilalim ng pandaigdigang makataong batas
at mga rebolusyonaryong prinsipyong nakasaad sa Comprehensive
Agreement on Respect for Human Rights and International
Humanitarian Law (CARHRIHL), mga gabay sa pagtatatag ng
demokratikong gubyernong bayan at mga batayang alituntunin ng
Bagong Hukbong Bayan.
Paglaban sa Balangiga, Eastern Samar
Paggunita sa armadong paglaban ng
masang magsasaka
Nitong Setyembre 28, gugunitain ng mamamayang Pilipino ang
ika-111 anibersaryo ng armadong pag-aklas ng mamamayan ng
Balangiga, Eastern Samar laban sa okupasyong militar ng mga
tropang Amerikano. Walang kapantay na kagitingan ang ipinamalas
ng mamamayang taga-Balangiga sa paglabang ito. Pero higit dito,
ipinamalas nila ang kakayahan ng armadong mamamayan na gapiin
ang isang mas malaking hukbong sandatahang armado ng malalakas
na armas.
Isa ang paglaban sa Balangiga sa matitingkad na halimbawa ng
armadong pakikipagsagupaan ng masang Pilipino sa pananakop ng
mga dayuhang tropa at pag-iral ng kamay na bakal. Ipinakikita
nito na noon pa ma'y laganap na ang pag-oorganisa ng mga
armadong grupo sa hanay ng mamamayan para depensahan ang
kanilang sarili at kanilang mga komunidad nang hindi humihiwalay
sa pang-araw-araw na gawaing pangkabuhayan.
Setyembre 28, 1901 nang salakayin ng mga magsasakang
taga-Balangiga ang mga tropang Amerikano na nakatalaga sa
kanilang bayan. Sa pang-aatakeng ito, nasamsam ng mga magsasaka
ang 100 riple at 25,000 bala ng mga tropang Amerikano ng Company
C ng 9th US Infantry Regiment. Umabot sa 44 ang namatay na mga
sundalong Amerikano, kabilang ang lahat ng mga upisyal nito.
Dalawampu't dalawa ang nasugatan sa kaaway, apat ang nawala at
apat ang nakatakas.
Ang pang-aatake ng mga taga-Balangiga ay reaksyon sa
pamamasista, pagsasamantala at matitinding paglabag sa
karapatang-tao ng mga tropang Amerikanong nagpairal ng batas
militar sa kanilang bayan.
Masusing pinaghandaan ng mga residente ang kanilang pang-aatake.
Itinaon nila ang petsa sa panahong maraming residente ang
nagtitipun-tipon sa sentro ng bayan dahil parating ang ilang mga
upisyal-militar ng US. Tinapatan nila ng superyor na laki ang
pwersang Amerikano at kanilang malalakas na armas. Ang mga babae
at mga bata ay dinala sa ligtas na lugar. Nagbihis-babae ang
tatlumpu't apat na lalaki at nagpanggap na mga magdadasal sa
misa sa madaling araw. Ang mga lalaking ito ay may dalang
maliliit na mga kabaong at dito nila itinago ang kanilang mga
itak at iba pang mga armas. Hindi naghinala ang nagtsekpoynt na
sundalong Amerikano dahil nakita nila sa isang kabaong ang
bangkay ng isang bata na namatay sa epidemyang kolera na laganap
noon.
Sinimulan ng mga residente ang pag-atake bandang alas-6:30 ng
umaga. Ang pagtunog ng kampana ang naging senyales sa
pagsisimula ng atake. Itak, punyal at palakol ang kanilang mga
sandata laban sa mga riple ng mga tropang Amerikano.
Namartir sa labanang ito ang 28 residente habang 22 naman ang
nasugatan. Dahil sa tindi ng natamong kabiguan ng US, inutusan
ng presidente ng US noon na si Theodore Roosevelt na sugpuin ang
pakikibaka ng mga taga-Balangiga at binigyan ng otoridad si Gen.
Jacob Smith na ipatupad ang tinaguriang Balangiga masaker. "Burn
all, kill all, loot all," (Sunugin, patayin at dambungin ang
lahat) ang mando ni Smith sa kanyang mga tauhan. Mahigit 50,000
sibilyan ng Balangiga ang minasaker ng mga sundalong Amerikano
at halos naabo ang buong bayan. Ninakaw pa nila ang tatlong
kampana ng simbahan at idinispley sa dating kampo ng 11th
Infantry Regiment at F.E. Warren Air Force Base sa Cheyenne,
Wyoming, USA at sa kampo ng 9th Infantry Regiment sa Camp Red
Cloud, Uijeongbu, South Korea. Ang patuloy na pagtanggi ng mga
upisyal ng US na ibalik ang tatlong kampana ay tanda lamang ng
kanilang matinding pagyurak sa soberanya ng Pilipinas. Hanggang
ngayon ay ayaw nilang panagutan ang kanilang karumal-dumal na
krimen laban sa mamamayang Pilipino.
Ang pag-aalsa sa Balangiga ay isa sa pinakamatatapang na laban
sa buong gerang Pilipino-Amerikano na sumiklab noong Pebrero 4,
1899. Bukod rito, nagkaroon din ng mga armadong paglaban ang
mamamayan sa Northern Samar at iba pang bahagi ng bansa, kasama
na ang pag-aalsa ng mamamayang Moro sa Mindanao. Isa rito ang
tinaguriang "Siege of Catubig" (o "Pagkubkob sa Catubig") kung
saan nilabanan ng armadong masang magsasaka ang mga pwersang
Amerikano sa naturang bayan ng Northern Samar mula Abril 15
hanggang Abril 19, 1900.
Buhay na buhay ang tradisyon ng pagbubuo ng armadong lakas sa
hanay ng mamamayan at pagpapalakas ng kanilang armadong paglaban
sa matinding panunupil at pang-aatake sa kanilang mga komunidad.
Sa iba't ibang bahagi ng bansa, binubuo ngayon ang mga grupong
pandepensa sa ilalim ng mga sangay ng partido sa lokalidad at
mga yunit milisya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa direksyon at
pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas. Ang mga armadong
yunit na ito ng mamamayan ang magdadagdag, magdudugtong at
susuporta sa mga regular na pwersang panlaban ng BHB. Binibigyan
sila ng batayang pagsasanay para sa pagpapatupad ng kanilang
tungkulin kaugnay sa panloob na seguridad para malayang
makakilos at tumupad ng mga gawain sa mas masaklaw na lugar ang
mga Pulang mandirigma.
Korapsyon sa PNP, nabunyag sa gitna
ng girian
Nabunyag nitong Setyembre ang anomalyang kinasasangkutan ni Rico
Puno, undersecretary sa Department of Interior and Local
Government (DILG) at isa sa pinakamalalapit na kroni ni Benigno
Aquino III.
Inakusahan ng isang kumpanyang lumahok sa bidding na minadali ni
Puno ang paggawad ng kontrata ng pagbili ng armas ng PNP para
hindi na ito mapakialaman ni Mar Roxas, ang bagong kalihim ng
DILG. Iginawad ang kontrata sa pagbili ng mahigit 56,904
pistolang 9 mm sa Glock Asia Pacific Ltd sa gitna ng mga
iregularidad sa proseso ng bidding at testing ng mga baril.
Nagkakahalaga ng mahigit P1 bilyon ang kontrata.
Noong 2011, nasangkot na rin sa anomalya si Puno nang lumitaw sa
isang imbestigasyon na nagkaroon ng sobrang pagpepresyo sa mga
baril na nakatakdang bilhin ng PNP sa isang kumpanyang Israeli.
Inamin ni Puno noon na hiningi niyang huwag nang ipailalim sa
public bidding ang kontrata at makipagnegosasyon na lamang ang
PNP sa Espineli Company at Israeli Military Industries (IMI),
ang pinaburan niyang mga kumpanya. Habang nasa proseso ng
bidding, nabunyag na pinondohan ng dalawang kumpanya ang dalaw
ni Puno sa Israel noong Mayo.
Ang IMI ay pag-aari ng gubyerno ng Israel. Kilala itong korap sa
pagkopo ng mga kontrata. Dahil dito, napilitan ang PNP na
kanselahin ang kontrata noong Agosto. Dating suplayer ng armas
at bala si Puno bago siya hirangin sa gubyerno.
Inaakusahan din si Puno na tumatanggap ng suhol mula sa
malalaking jueteng lord sa bansa at sangkot sa iligal na
pagtotroso.
Sa harap ng mga anomalyang ito, malinaw ang kahungkagan ng
"matuwid na daan" ng rehimeng Aquino. Masahol pa, tinangka ng
Malacañang na pagtakpan si Puno kahit kabi-kabila na ang
pagsingaw ng mga anomalya. Nagpatawag ng imbestigasyon ang
Senado matapos looban ni Puno ang tirahan ni Robredo, isang araw
matapos bumagsak ang sinasakyang eroplano ng kalihim.
Noong Setyembre 11, bumaba sa pwesto si Puno para iwasan ang
imbestigasyon subalit itinuloy ito ng Senado. Hindi na pinasipot
ni Aquino ang ibang alyado nitong senador at mga pinatawag na
myembro ng gabinete sa ikalawang pagdinig sa Senado. Ito ay para
matigil na ang imbestigasyon at pagsingaw ng dagdag pang
katiwalian sa mga kontrata ng PNP. ~
4 residente, nasaktan, 6 arestado sa
marahas na demolisyon
Apat na residente ang nasaktan at anim ang inaresto nang marahas
na idemolis ang isang komunidad ng mga maralita sa Fort
Bonifacio, Taguig City noong Setyembre 19.
Umabot sa 1,400 pulis at myembro ng demolition team ang
sumalakay sa komunidad sa utos ng Bases Conversion and
Development Authority (BCDA). Dalawang backhoe at isang buldoser
ang ginamit nila para gibain ang may 100 bahay sa isang 10.3
ektarytang lupain sa Lawton Street, Consular Area Gate 2 sa
McKinley Hills.
Lumaban ang daan-daang residente sa pamamagitan ng paghagis ng
bato. Karamihan sa mga apektadong residente ay mga pamilya ng
mga aktibo at retiradong sundalo. Tinanggihan nila ang alok ng
BCDA na relokasyon sa Rodriguez, Rizal dahil binabaha ang lugar
na paglilipatan sa kanila.
Ibinenta ng BCDA ang lupain sa Megaworld Corp. na may planong
magtayo ng P20-bilyong mamahaling proyektong residensyal at
komersyal sa lugar.
Kilusang welga ng mga minero sa
South Africa, lumalawak
Lumawak na ang kilusang welga ng mga minero sa South Africa.
Mula sa welga ng mga minero sa Marikana Platinum Mine (MPM) na
mabangis na inatake ng mga pulis at ikinamatay ng 34 welgista
noong Agosto 16, lumaganap ang mga welga sa iba pang minahan.
Noong Setyembre 11, mahigit 4,000 minero ang nagmartsa dala ang
kanilang mga itak, pana at iba pang armas para kumprontahin ang
maneydsment ng MPM. Sinalubong sila ng mga pulis na armado ng
malalakas na armas. Hindi rin nila tinanggap ang alok ng
kumpanya na 1,000 rand ($120) na dagdag sa kanilang buwanang
sahod na suportado ng National Union of Miners (NUC), isang
dilawang unyon. Iginiit nila ang umentong umaabot sa 12,500 rand
($1,500).
Bago ito, noong Agosto 31, sama-samang kumilos ang 12,000 minero
laban sa KDC East Mine bilang suporta sa 34 na minerong
minasaker at para ipalabas ang kanilang pagkamuhi sa NUC. Sa
parehong araw, naglunsad din ng pagkilos ang 15,000 minero ng
KDC West Mine.
Higit na panunupil at karahasan ang tugon ng MPM, kasabwat ang
mga armadong galamay ng gubyerno. Mahigpit na ipinagbawal ng
kumpanya ang pag-uumpukan ng mga manggagawa. Inaaresto ang mga
nagtitipong manggagawa at marahas na binubuwag ang kanilang mga
piketlayn. Umaabot na sa 45 ang napapaslang na mga welgista sa
pandarahas ng mga pulis sa serye ng mga pagkilos.
Samantala, nagbantang magwelga ang 15,000 minero sa Implats
Platinum Mine, isang kumpanyang pag-aari ng US at Britain.
Iginigiit ng mga minero ang 10% umento sa kanilang sweldo.
Protesta kontra-US, sumiklab sa
Middle East
Sumiklab sa iba't ibang bansa sa Middle East ang protesta at
paglaban sa imperyalismong US nitong Setyembre matapos lumaganap
ang isang kontra-Islam na pelikulang gawa ng isang Amerikano.
Inilarawan sa pelikulang ito, na pinamagatang "Innocence of
Muslims," si Muhammad, ang propeta ng Islam, bilang huwad na
propeta, mamamatay-tao at babaero.
Sa Libya, nilusob ng mga armadong grupo ang US Embassy sa
Benghazi noong Setyembre 11. Pinasok ng mga armado ang embahada
sa kabila ng mahigpit na seguridad nito at pinaputukan ng mga
rocket-propelled grenade (RPG) at matataas na kalibreng armas
ang mga pwersang panseguridad ng embahada. Winasak at sinunog
nila ang lahat ng ari-arian nito. Namatay sa pang-aatakeng ito
si US Ambassador Chris Stevens at tatlo pang Amerikano.
Matatandaang sinalakay ng mga pwersa ng North Atlantic Treaty
Organization sa pamumuno ng US ang Libya noong 2011. Sa tulong
ng mga pwersang pinondohan ng US, napatay si Muammar Gaddafi,
presidente ng Libya, at ipinwesto ng US ang isang gubyernong
kontrolado nito. Gayunpaman, hindi lubos na napanghawakan ng US
ang samutsaring armadong grupo rito.
Mula nang lumaganap ang pelikula noong Setyembre 9, sunud-sunod
na nagsiklaban ang mga kilos-protesta sa mga Arabong bansa tulad
ng Egypt, Tunisia, Yemen, Lebanon, Syria, Iraq, Afghanistan at
Pakistan. Nagpapatuloy ang mga kilos-protesta at kumalat na sa
mga bansang mayroong populasyong Muslim tulad ng Pilipinas,
India, Indonesia, Malaysia, Britain, US at iba pa.
Binatikos din sa mga rali at demonstrasyon ang gubyernong US sa
interbensyunista at mapanakop na patakaran nito at ang
panggagatong nito sa girian ng mga Muslim at Kristyano para
magsilbi sa sariling interes.