Parangal kay Maita Gomez: Mandirigma para sa pagpapalaya ng
kababaihan at ng sambayanan
Prof. Jose Maria Sison
Chief Political Consultant
NDF-National Democratic Front of the Philippines
July 13, 2012
Nais naming ipaabot ni Julie ang aming taos-pusong pakikiramay sa
mga anak at mga kamag-anak ni Maita Gomez; at sa lahat ng kanyang
mga kasama sa pakikibaka at mga kaibigan. Lahat kami ay lubos na
nalulungkot sa kanyang di-inaasahan pagpanaw.
Bago siya inatake sa puso, inaasahan naming maraming taon pa siyang
makapaglilingkod sa sambayanan sa pakikibaka nito para sa pambansang
kalayaan at demokrasya, at sa kababaihan sa pakikibaka nila para sa
pantay na karapatan at para sa kanilang lubos na paglahok sa
panlipunang adhikain ng sambayanan. Gayunpaman, ang kanyang buhay ay
puno ng mahahalaga at katangi-tanging ambag sa paglilingkod sa
mamamayan at sa kilusang pagpapalaya ng kababaihan.
Sa muling pagsigla ng anti-imperyalista at antipyudal na kilusan sa
Pilipinas noong 1960, palagi nang may ispesyal na interes ang mga
patriyotiko at progresibong pwersa sa pagpapaunlad ng kilusang
kababaihan at sa malawak na paglahok nito sa pakikibaka para sa
pambansang kalayaan at demokrasya.
Namulat kami sa mga sulatin at mga gawain ng mga rebolusyonaryong
kababaihan tulad nina Clara Zetkin at Aleksandra Kollontai at
pinukaw ng magiting na halimbawa nina Gabriela Silang, Melchora
Aquino at ng iba pang rebolusyonaryong lider ng kababaihang
Pilipino. Pinapatnubayan kami ng turo ni Mao hinggil sa malaking
bahagi ng kababaihan sa pag-ikot ng mundo. Isinulong ang
progresibong papel ng kababaihan ng mga aktibista ng Student
Cultural Association of the University of the Philippines, ng
Women's Bureau ng Kabataang Makabayan at ng mga kababaihan sa mga
unyon ng manggagawa, sa mga samahang magsasaka at mga propesyunal.
Bilang mga kadre ng pambansa demokratikong kilusan, nagalak kami sa
paglitaw ng Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) mula sa
Women's Bureau at sa kababaihang kasapi ng Kabataang Makabayan at sa
dramatikong pagpapamalas ng Makibaka ng pangangailangan at
kahalagahan ng papel ng kababaihan sa pakikibaka para makamit ang
radikal na pagbabago ng lipunan sa lahat ng mayor na larangan.
Matagumpay ang Makibaka at ang lider nitong si Lorena Barros na
himukin sa progresibong kilusan ang mga kilalang kababaihan sa
bansa. Kabilang sa kanila ang mga beauty queen na nanalo sa tanyag
na mga beauty contest at kilala sa pambihirang katalinuhan. Kabilang
sa kanila si Maita Gomez, ang Miss Philippines ng 1967. Ginamit nila
ang kanilang katanyagan para tuligsain di lamang ang reaksyunaryong
katangian ng mga beauty contest kundi maging ang kabuuang
naghaharing sistema. Nagpahayag sila hinggil sa mga usaping
nakakaapekto sa kababaihan at sa buong sambayanan.
Nabigyang-inspirasyon at sigla si Maita ng First Quarter Storm ng
1970. Gusto niyang maging rebolusyunaryo. At sinamantala niya ang
oportunidad para pag-aralan ang rebolusyon. Kaya, napalapit siya sa
Makibaka. Pero meron siyang mas komprehensibo at masinsing pag-aaral
hinggil sa Marxismo-Leninismo at lipunang Pilipino at rebolusyon sa
Humanist League of the Philippines na isang maliit at buhaghag na
grupo sa UP, na naiimpluwensyahan ng Cultural Bureau ng Partido
Komunista ng Pilipinas.
Matapos ang First Quarter Storm ng 1970, kung saan malaking bilang
ang napakilos na kabataang aktibistang kababaihan, pumunta si Lorena
Barros sa aming kampo sa bundok sa Barrio Dipogo sa Isabela para
iulat ang pagsulong ng kilusang kababaihan at talakayin ang plano
para sa Makibaka. Ipinagmalaki niya kung paanong naging epektibo
sina Maita at iba pang magagandang babaeng tanyag sa bansa sa
pagpapalaganap ng makabayan at progresibong tindig sa mga usaping
pambansa. Ang katanyagan nila ay humatak ng atensyon sa mga usapin.
Nang ideklara ng rehimeng Marcos ang batas militar upang ipataw ang
pasistang diktadura, nagdesisyon si Maita na kumilos nang lihim sa
Maynila. Sa kalaunan, dinala siya sa isang sonang gerilya sa
Southern Tagalog. Pero ibinalik siya sa Maynila nang ang kanyang
presensya sa sonang gerilya ay umakit ng atensyon at naging
suliranin sa seguridad. Kaya't pinagpasyahan siyang ilipat sa Baguio
City para doon gumampan ng lihim na gawaing istap.
Nireyd ng kaaway ang kanyang tinutuluyan at naaresto siya. Sa
pamamagitan ng National Liaison Committee ng Partido, nalaman ko ang
plano niyang pagtakas sa Camp Olivas at nasubaybayan ko kung paano
siya tumakas sa tulong ng isang upisyal militar na naglabas sa kanya
sa kampo. Ngunit nabahala ang ibang mga kasama na tumutulong sa
kanya sa ikinikilos ng upisyal. Kaya nagbuo ng plano para mailigtas
siya. Nalaman kong kaya siya nakatakas ay ginapi niya ang upisyal
nang tumanggi itong pakawalan siya.
Ang maisasalaysay ko lamang tungkol sa kanya ay ang mga nalaman ko
sa mga organo ng Partido. Ipinauubaya ko sa iba ang magkwento ng mas
detalyado, kung paano siya nanatili sa lihim na pagkilos sa lungsod
sa isang panahon pagkatapos ng kanyang pagtakas at kung paanong siya
ay muling nadeploy kasama ang kanyang kabiyak na si Joey Decena sa
isang sonang gerilya sa Central Luzon kung saan sila ay nag-armas,
nagmartsa at namuhay bilang mga mandirigmang gerilya at kung saan
din naging martir sa labanan si Joey. Nang magkasakit si Maita,
dinala siya sa Maynila para magpagamot at magpagaling. Di nagtagal,
siya ay muling naaresto at naging bilanggong pulitikal sa isang
panahon.
Habang ako ay nasa kulungan, nalaman ko na lumaya na si Maita.
Kasunod nito ay sumama na siya sa ligal na kilusan laban sa
pasistang diktadurang Marcos noong 1980. Kasama siya sa nagtatag ng
Gabriela noong 1984. Ito ang naging pinakamalaking patriyotiko at
progresibong alyansa ng mga organisasyon ng kababaihan. Isa siya sa
naging prinsipal na lider ng Women for the Ouster of Marcos and
Boycott (WOMB) noong 1985. Kabilang siya sa nagtatag noong 1986 ng
unang partido pulitikal ng kababaihan sa kasaysayan ng Pilipinas,
ang Kababaihan para sa Inang Bayan (KAIBA).
Nakilala ni Julie si Maita noong 1983 at naging magkaibigan dahil
nagkasama sila sa kilusan para patalsikin ang pasistang diktadurang
Marcos. Nagkita-kita kaming tatlo sa kanyang apartment sa Ermita
pagkatapos kong lumaya noong 1986. Naging barkada kami, dumalo sa
maraming pampublikong pulong at mga pagtitipon. Sa maraming okasyon,
nagpalitan kami ng ideya tungkol sa kababaihan at sa
rebolusyunaryong kilusan. Abala siya noon sa pag-aaral tungkol sa
kababaihan bilang aktibista, iskolar at guro sa St. Scholastica.
Malapit na kami sa isa't isa bilang kasama at bilang kaibigan nang
pumunta kami ni Julie sa ibang bansa noong katapusan ng Agosto 1986
para sa aming serye ng lektura sa iba't ibang bansa.
Sa ibang bansa, nalaman ko na mayroon siyang seryosong pagsalungat
kay Popoy Lagman tungkol sa eleksyon ng 1986 at 1987. Dumistansya
siya sa pang-organisasyong paglihis ni Popoy. Sa halip, nanatili
siyang tapat sa mga prinsipyo ng rebolusyunaryong kilusan. Nagpaabot
ako sa kanya na maging matatag upang hikayatin siya. Malugod niyang
tinanggap ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto at naging mas
aktibo sa pambansa demokratikong kilusan. Pinauubaya ko sa iba ang
paglalahad kung paano siya naninindigan at lumaban para sa
paglilingkod sa sambayanan mula noong 1990 hanggang sa kanyang
kamatayan.
Huli kong nakita si Maita noong Mayo 2009 sa Amsterdam. Tinatapos
niya noon ang kanyang gawain sa Ibon Foundation bilang economic
research consultant. Nagalak siya dahil isang buwan bago noo'y
nahalala siya bilang co-chairperson ng Makabayan Coalition at dahil
ipagdiriwang ng itinatag nilang Gabriela ang ika-25 anibersaryo at
iba pang maniningning na tagumpay nito. Masaklaw ang aming
pag-uusap, mula sa maraming seryosong bagay hanggang sa mga
katawa-tawa. Nagtagal ito mula alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng
umaga. Optimistiko siya kung paanong ang patriyotiko at progresibong
mga pwersa ay aabante sa ligal na demokratikong kilusan at sa
darating na eleksyon ng 2010.
Ipinagmamalaki naming lahat ang aming minamahal na kasamang si Maita
Gomez bilang bantog na mandirigma para sa kalayaan. Iniwan niya sa
atin at sa susunod na henerasyon ang mayamang pamana ng kanyang mga
sulatin at aktibismo sa paglilingkod sa kababaihan at sa sambayanan.
Siya ay mamahalin at gugunitain dahil sa kanyang mga ginawa, talino,
sakripisyo at lahat ng kanyang positibong ambag sa pambansa
demokratikong kilusan.