Talamak na korapsyon sa AFP, bunga ang matinding militarisasyon sa kanayunan

28 views
Skip to first unread message

marco

unread,
Feb 8, 2011, 7:04:02 AM2/8/11
to angb...@yahoo.com

Talamak na korapsyon sa AFP, bunga ang matinding militarisasyon sa kanayunan

Ka Samuel Guerrero
Spokesperson
Celso Minguez Command
New People's Army-Sorsogon
Pebrero 7, 2011

Unti-unti nang gumuguho ang pader na tumatabing sa talamak na korapsyon at pandarambong sa AFP. Sa pagkakataong ito, maluwag sa dibdib na iniaalay namin sa isang kalaban ang mapulang pagpupugay kina Retired Col. George Rabusa, Gng. Heidi Mendoza at sa kanilang mga kasamahan na patuloy na maglalantad sa kabulukan ng AFP. Kanilang inilarawan ang kabulukan hindi lang sa AFP kundi sa buong reaksyunaryong sistema. Unti-unti nang nababaklas ang tabing sa mga tiwaling institusyon ng gobyerno tulad ng AFP, PNP, COA, OMBUDSMAN, mga Korte at iba pang ahensya. Sa pangkabuuan, ang nalantad ay ang kultura ng korapsyon sa gobyerno.

Sa ibinunyag ni Col. Rabusa at Gng. Mendoza naging malinaw sa ating lahat kung ano ang motibo sa likod ng matindi at marahas na militarisayon sa kanayunan at kalunsuran. Maliban sa ito ay dikta ng imperyalismong US sa kontra-insurhensyang pakana nito, ang pangunahing dahilan ay ang milyon-milyong kurakot mula sa pagbulsa sa mga ayuda ng ibang bansa, sa maanomalyang pagbili ng mga kagamitang pandigma hanggang sa hindi pinatawad na pagkupit sa sahod, suplay at mga benepisyo na para sa mga karaniwang sundalo.

Ang marahas na militarisasyon sa kanayunan kung saan marami na ang nalagas kapwa sa hanay ng BHB at militar at maging sa mga sibilyan ay buong kahayupang pinagkakakitaan ng mga bulok na Heneral simula sa Chief of Staff hanggang sa mga malalapit na alipores nito sa mga Batalyon. Tuwang-tuwa ang mga korap na opisyal ng militar kung laging may gera. Para sa kanila ang gera=pera.

Pinagkakakitaan ng limpak-limpak na salapi ang gera sa Mindanao at ang sadyang hindi pinupuksa na Abu Sayyaf (ang Abu Sayyaf ay halimaw na nilikha ng US/CIA at AFP upang isabotahe ang makatarungang digma ng mamamayang moro). Gayundin ang BALIKATAN, UN Mission na pinagkakitaan ng dolyar at ang mga SOT na katulad ng ipinatutupad sa ating probinsya na patuloy na nananalasa sa mga kanayunan. Naging bulag na instrumento ang mga karaniwang kawal sa pananalakay sa ating kanayunan habang bundat sa pangungurakot ang kanilang mga opisyal. Kaya pala masipag sa pananalakay ang mga batalyon kumander ay dahil naambunan din ang mga ito ng kita sa katiwalian at nakukunsinti din sa paggawa ng katiwalian sa kanyang sariling Batalyon.

Nakababahala na ang masamang impluwensysa ng kanilang mga superyor ay tumagos na rin maging sa hanay ng karaniwang sundalo kung saan dumarami na ang naiimbweltuhang mga krimen: hold-up, pagnanakaw, iligal na sugal, pamamaslang ng mga inosenteng sibilyan, iligal na pagtotroso at maging sa negosyo ng droga. Sadyang hinahayaang lumaganap ang kabulukan sa buong pwersa nito at kunwari ay magpaparusa ng ilang kriminal na ordinaryong sundalo upang mapagtakpan ang higit na malala at talamak na kabulukan sa mismong pinakamataas na pamunuan nito.

Habang ang mga karaniwang sundalo ay naghahati-hati sa isang sardinas, nasusugatan at namamatay sa mga mala-impyernong labanan, samantala ang kanilang mga tiwaling opisyal ay nagpapasarap sa gloria ng milyon-milyong kinurakot.

Habang ang karaniwang sundalo ay nagkakanda-hirap kung ano ang ipapabaon sa mga anak sa pagpasok sa iskwela, ang mga hayup na Heneral at ang kanilang pamilya ay nagpapakabundat sa milyon-milyong kurakot, pasalubong at pabaon.

Ang pakikialam ng Malacañang sa kaso ng korapyon sa AFP, ayon kay Gng. Mendoza, ay nagtutulak ngayon sa imbestigasyon na tingnan din ang maruming kamay ng Commander-in-Chief nito sa talamak na anomalya lalo na sa panahon ng kurakot, mandarambong at pekeng rehimeng US-Arroyo. Hindi kataka-takang ang matatapat na alipores ni Gloria Arroyo ang nabulgar na pangunahing sangkot sa mga anomalya tulad nina Gen. Angelo Reyes, Gen. Carlos Garcia, Gen. Ligot, Gen. Roy Cimatu, Gen. Villanueva, Cong. Pichay at marami pang iba. Sa PNP, mga Heneral din ang sangkot sa tinaguriang Euro Generals na naglaan din ng napakalaking perang baon na winaldas sa paglilimaliw sa Europe. Nabunyag din kamakailan na heneral din ang protektor ng sindikato ng carnapping at iba pang opisyal na utak ng iba pang kriminalidad. Ang masaklap pa, ang mga imbwelto sa korapsyon ay nagantimpalaan pa ng pwesto sa gobyerno matapos magretiro.

Sa kabila nito, pilit pa ring inililigaw ng mga tagapagsalita ng AFP dito sa Sorsogon ang isyu ng talamak na katiwalian ng kanilang mga amo. Pikit mata pa rin kayong nagtatanggol sa inyong mga korap na amo gayong isinusuka na ito ng sambayanan.

Napatunayan na ngayon ng mga karaniwang sundalo na wasto ang ginawa nina Trillanes laban sa umaalingasaw na kabulukan sa AFP sa ilalim ng singbulok na rehimeng US-Arroyo. Suriin ninyo kung ang inyong mga opisyal sa Batalyon ay may potensyal na maging Reyes, Garcia at iba pang kurakot. Wasto lang na mag-aklas kayo laban sa katiwalian.

Ngunit higit na wasto ang ginawa ng inyong mga kasamahan na tumiwalag sa AFP at PNP at tuluyang sumanib sa Bagong Hukbong Bayan tulad ng martir na si Lt. Crispin Tagamolila ang tunay na Bayani ng sambayanan at ang marami pang kasama na nagmula sa hanay ng militar. Sila ay may malaki, makasaysayan at makabuluhang ambag sa pagsusulong ng armadong pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Sa mga Sorsoganon, magtulungan po tayo sa paglikha ng isang lipunang tunay na malaya, makatarungan, demokratiko at masagana. Ubos-kaya nating biguin ang pinalawig na Oplan Bantay Laya na ngayon ay binansagang OPLAN BAYANIHAN. Ito ay sa balangkas pa rin ng US COIN Guide, ang doktrina sa Counter Insurgency ng imperyalismong US sa pagharap nito sa rebolusyonaryong paglaban ng sambayanang Pilipino.

Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!

Reply all
Reply to author
Forward
0 new messages