Parangal kay kasamang Fidel Castro, lider magbubukid ng
ligal-demokratikong kilusang magsasaka ng Gitnang Luson
Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid – Gitnang Luson
(PKM – NDF Gitnang Luson)
8 Oktubre 2012
Ka Fidel:
Dakilang Lider-magsasaka, Kasama, Martir ng Rebolusyong
Pilipino.
Kilala ng Masa bilang Ka Delio.
Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, kapiling niya ang
Masa.
Si Kasamang Fidel Castro o Ka Delio ay buhay na larawan ng payak na
pamumuhay at masikhay na pakikibaka. Sa kabila ng kanyang
pagkakasakit at paghina ng kalusugan mula 2006, hindi nanghina ang
kanyang paninindigan sa pambansa demokratikong rebolusyon at patuloy
ang paggampanan ng gawain sa hanay ng masang magbubukid. Iniwan ni
Ka Delio ang rekord at alaala ng pagrerebolusyong sumaklaw ng
mahigit apat na dekada ng pakikibaka ng mamamayang Pilipino sa
pamumuno ng muling itinatag na Partido Komunista ng Pilipinas at ng
Bagong Hukbong Bayan.
Si Ka Delio ay kabilang sa mga maralitang magsasakang nasaklaw ng
pag-oorganisa ng Bagong Hukbong Bayan nang ito ay itatag noong Marso
29, 1969 sa inang larangan sa probinsya ng Tarlac. Niyakap niya ang
layunin ng Demokratikong Rebolusyong Bayan (DRB) dahil isinusulong
nito ang makauring interes ng mga maralitang magsasaka sa
pamamagitan ng programa sa Rebolusyong Agraryo, na siyang
demokratikong nilalaman nito. Naniniwala siyang hindi makakamit ang
reporma sa lupa kung hindi sa pamamagitan ng armadong pakikibaka
kung kaya buong kasiglahan niyang ipinaliwanag sa masa sa mga
magsasaka sa Tarlak ang layunin ng BHB at kung bakit kailangan
nilang tangkilikin ang BHB.
Mataas ang kahandaang kumilos para sa rebolusyonaryong pakikibaka ni
Ka Delio sa kabila ng pana-panahong pagkaiwan ng BHB at mga
organisador sa Tarlak bunga ng iba't ibang kadahilanan.
Sa pagpapatalsik ng diktadurang Marcos noong 1986, muling naugnayan
si Ka Delio at kagyat siyang gumampan ng mga gawain sa hanay ng mga
magsasaka. Siya ay naging aktibong kasapi ng Pambansang Katipunan
ng mga Magbubukid (PKM) ng probinsya at muli, maalab niyang
tinangkilik ang hukbong bayan. Naging salik ito sa paglawak at
paglalim ng baseng masa ng BHB sa probinsya ng Tarlak.
Sa paglawak at paglalim ng pakikibakang magbubukid ng probinsya,
nakilala siya bilang lider ng masang magbubukid. Inihalal siya
bilang lider ng alyansang magsasaka sa antas-probinsya. Sa gayo’y
lalo pang dumami ang masang magbubukid ng probinsya ang namulat at
naorganisa dahil sa masikhay niyang pagpapalaganap ng programa sa
tunay na reporma sa lupa, pangunguna sa mga pakikibaka ng masang
magsasaka kabilang na ang larangan ng parlyamento at ng mga
pangkalahatang pakikibaka ng mamamayang Pilipino.
Kinatawan ni Ka Delio ang alyansang magsasaka ng Tarlak sa
antas-rehiyong alyansa. Kaya nakilala din siya sa kasigasigan at
determinasyon sa mga probinsya ng Nueva Ecija at Zambales mula noong
maagang bahagi ng nakaraang dekada. Walang sawa siyang naglinaw sa
masang magsasaka hinggil sa tunay na reporma sa lupa at nangunguna
sa kanilang mga pakikibaka.
Malalim ang pag-unawa at mataas ang pagpapahalaga ni Ka Delio na ang
kilusang magsasaka na kaniyang kinapapalooban, sa pangunahin ay
armado. Kaya kahit pinili niyang kumilos sa alyansa ng magsasaka at
sa ligal na larangan, hindi niya pinapalagpas ang anumang
pagkakataong makatalastasan ang mga mandirigma ng Bagong Hukbong
Bayan na nagagawi sa kaniyang mga eryang pinag-oorganisahan. Sa
gayon ay mas malalim at mas masaklaw ang kaniyang kaalaman bilang
lider ng kilusang magsasaka.
Nang isulong ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP) noong
dekada ‘90, buong lugod na muling pinagtibay ni Ka Delio ang
estratehikong linya ng Demokratikong Rebolusyong Bayan. Madali
niyang tinanggap ang mga pagkakamali at nairiles ang sarili dahil sa
patuloy at mahigpit niyang paglubog sa masa. Naobserbahan niya kung
paano winasak ng maling linya ang mga organisasyong masa ng mga
magsasakang kasama niyang pinagpunyagihang itayo at kung paano
pinagsilbi sa insureksyonismo ang kilusang magsasaka at nang
mapinsala na ay maiiwang nakatiwangwang ang mga organisasyong
magsasaka.
Hindi matatawaran ang sakripisyo't kadakilaan ni Ka Delio dahil
walang pagod siyang nagmulat, nag-organisa at nagpakilos ng mga
magsasaka sa mahigit apat na dekada. Isa siyang huwarang lider,
kasama at martir. Kung kaya, iginagawad ng pangrehiyong balangay ng
Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM – NDF) ang pinakamataas
na pagpaparangal kay Ka Delio, maralitang magsasaka ng probinsya ng
Tarlak na nakibaka para sa Tunay na Reporma sa Lupa, Pambansang
Demokrasya at Kalayaan. Ang kasapian ng PKM – Gitnang Luson ay
taas-kamaong nagpupugay kay Ka Delio sa kanyang rebolusyonaryong
ambag sa pagsusulong ng kilusang magsasaka.
Iginagawad ang parangal na ito ngayon ika-9 ng Oktubre, taong 2012,
sa Brgy. Cafe, bayan ng Concepcion, probinsya ng Tarlak.
REBOLUSYONARYONG PAGPUPUGAY KAY KA FIDEL! MABUHAY ANG
REBOLUSYONARYONG DIWA NI KA FIDEL!
MABUHAY ANG NAKIKIBAKANG MASANG MAGBUBUKID! MABUHAY ANG
PAMBANSANG KATIPUNAN NG MGA MAGBUBUKID!
MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN! MABUHAY ANG PARTIDO
KOMUNISTA NG PILIPINAS!
ISULONG ANG REBOLUSYONG AGRARYO, ARMADONG PAKIKIBAKA AT
DEMOKRATIKONG REBOLUSYONG BAYAN!