Google Groups no longer supports new Usenet posts or subscriptions. Historical content remains viewable.
Dismiss

the philippine constitution

110 views
Skip to first unread message

Renowl

unread,
Aug 21, 2004, 10:27:46 AM8/21/04
to
ANG 1987 KONSTITUSYON
NG
REPUBLIKA NG PILIPINAS

PANIMULA
(Preamble)

Kami, ang nakapangyayaring sambayanang Pilipino, na humihingi ng tulong sa
Makapangyarihang Diyos, upang bumuo ng isang makatarungan at makataong lipunan
at magtatag ng isang Pamahalaan nakakatawan sa aming mga mithiin at mga
lunggatiin, magtataguyod ng kabutihan sa bawat isa, mangangalaga at
magpapaunlad ng aming kamanahan, at titiyak para saming sarili at angkanang
susunod ng mga biyaya ng kalayaan at demokrasya sa ilalim ng pananaig ng batas
at ng pamamahalang puspos ng katotohanan, katarungan, kalayaan, pag-ibig,
pagkakapantay-pantay at kapayapaan, ay naglalagda at naghahayag ng
Konstitusyong ito.

ARTIKULO I

ANG PAMBANSANG TERITORYO
(National Territory)

Ang pambansang teritoryo ay binubuo ng kapuluang Pilipinas, kasama ang
lahat ng mga pulo at mga karagatan na nakapaloob dito, at lahat ng iba pang mga
teritoryo na nasa ganap na kapangyarihan o hurisdiksyon ng Pilipinas, na
binubuo ng mga kalupaan, katubigan, at himpapawirin nito, kasama ang dagat
teritoryal, ang lalim ng dagat, ang kailaliman ng lupa, ang mga kalapagang
insular, at ang iba pang mga pook submarina nito. Ang mga karagatang
nakapaligid, nakapagitan at nag-uugnay sa mga pulo ng kapuluan, maging ano man
ang lawak at mga dimensyon ay nag-aanyong bahagi ng panloob na karagatan ng
Pilipinas.

ARTIKULO II

PAHAYAG NG MGA SIMULAIN
AT MGA PATAKARAN NG ESTADO
(Statement of Aims and Policies of the State)

MGA SIMULAIN

SEKSYON 1. Ang Pilipinas ay isang Estadong republikano at demokratiko. Ang
ganap na kapangyarihan ay angkin ng sambayanan at nagmumula sa kanila ang lahat
ng mga awtoridad na pampamahalaan.

SEKSYON 2. Itinatakwil ng Pilipinas ang digmaan bilang kasangkapan ng
patakarang pambansa, tinatanggap bilang bahagi ng batas ng bansa ang mga
simulain ng batas internasyonal nakinikilala ng lahat at umaayon sa patakaran
ng kapayapaan, pagkakapantay-pantay, katarungan, kalayaan, pakikipagtulungan,
at pakikipagkaibigan sa lahat ng mga bansa.

SEKSYON 3. Ang awtoridad na sibilyan ay sumasaibabaw ng sa militar sa lahat ng
panahon.
Ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay tagapangalaga ng Sambayanan at ng
Estado. Ang layunin nito ay seguruhin ang ganap na kapangyarihan ng Estado at
ang integridad ng pambansang teritoryo.

SEKSYON 4. Ang pangunahing tungkulin ng pamahalaan ay paglingkuran at
pangalagaan ang sambayanan. Maaaring tawagan ng pamahlaan ang sambayanan
upang ipagtanggol ang Estado, at sa ikatutupad niyon, ang lahat ng mga
mamamayan ay maaaring atasang maghandog ng personal na serbisyo militar o
sibil, sa ilalim ng kondisyong itinatakda ng batas.

SEKSYON 5. Dapat sundin ng Estado ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan,
ang pangangalaga ng buhay, kalayaan at ariarian, at ang pagtataguyod sa
kagalingang panlahat upang matamasa ang buong sambayanan ang mga biyaya ang
demokrasya.

SEKSYON 6. Hindi dapat labagin ang pagkakahiwalay ng Simbahan at ng Estado.

MGA PATAKARAN NG ESTADO

SEKSYON 7. Dapat sundin ng Estado ang isang malayang patakarang panlabas. Sa
mga pakikipag-ugnay nito sa ibang mga estado, dapat unang-unang isaalang-alang
ang ganap na kapangyarihang pambansa, intergridad na teritoryal, kapakanang
pambansa, at ang karapatan sa sariling pagpapasya.

SEKSYON 8. Tinatanggap at sinusunod ng Pilipinas, nang naaalinsunod sa
kapakanang pambansa, ang patakarang malaya laban sa pagkakaroon ng sandatang
nukleyar sa teritoryo nito.

SEKSYON 9. Dapat itaguyod ng Estado ang makatwiran at dinamikong kaayusang
panlipunan na titiyak sa kasaganaan at kasarinlan ng bansa at magpapalaya sa
sambayanan laban sa kahirapan sa pamamagitan ng mga patakarang nagtatakda ng
sapat na mga lingkurang panlipunan, nagtataguyod ng pagkakataon na
magkahanapbuhay ang lahat, umaangat ng istandard ng pamumuhay at ng lalong
mainam na uri ng buhay para sa lahat.

SEKSYON 10. Dapat itaguyod ng Estado ang katarungang panlipunan sa lahat ng
mga yugto ng pambansang pagpapaunlad.

SEKSYON 11. Pinahahalagahan ng Estado ang karangalan ng bawat tao at
ginagarantyahan ang lubos na paggalang sa mga karapatang pantao.

SEKSYON 12. Kinikilala ng Estado ang kabanalan ng buhay pampamilya at dapat
pangalagaan at patatagin ang pamilya bilang isang saligang institusyon ng
lipunan. Dapat nitong pangalagaan kapwa ang buhay ng ina at ang buhay ng
sanggol sa sinapupunan mula sa paglilihi. Ang likas at pangunahing karapatan
at tungkulin ng mga magulang sa pagmumulat ng kabataan para sa kahusayang
sibiko at pagpapaunlad ng karakter na moral ay dapat tumanggap ng tangkilik ng
Pamahalaan.

SEKSYON 13. Kinikilala ng Estado ang napakahalagang tungkulin ng kabataan sa
pagbuo ng bansa at dapat magtaguyod at mangalaga ng kanilang kagalingang
pisikal, moral, espiritwal, intelektwal, at sosyal. Dapat nitong ikintal sa
kabataan ang pagkamakabayan, nasyonalismo at pasiglahin ang paglahok nila sa
mga gawaing bayan at sibiko.

SEKSYON 14. Kinikilala ang Estado ang tungkulin ng mga kababaihan sa pagbuo
ng bansa at dapat seguruhin ang saligang pagkakapantay-pantay ng kababaihan at
kalalakihan.

SEKSYON 15. Dapat itaguyod at pangalagaan ng Estado ang karapatan sa kalusugan
ng mga mamamayan at ikintal ang kamalayang kalusugan sa kanila.

SEKSYON 16. Dapat pangalagaan at isulong ng Estado ang karapatan ng sambayanan
sa timbang at kanais-nais na ekolohiya nang naaayon sa aluy-oy at tugma ng
kalikasan.

SEKSYON 17. Dapat mag-ukol ng prayoridad ang Estado sa edukasyon, agham, at
teknolohiya, mga sining, kultura at pampalakasan upang mapabulas ang
pagkamakabayan at nasyonalismo, mapabilis ang kaunlarang panlipunan, at
maitaguyod ang ganap na paglaya at pag-unlad ng tao.

SEKSYON 18. Naninindigan ang Estado na ang paggawa ay siang pangunahing
pwersang pangkabuhayan ng lipunan. Dapat nitong pangalagaan ang mga karapatan
ng mga manggagawa at itaguyod ang kanilang kagalingan.

SEKSYON 19. Dapat bumuo ang Estado ng pambansang ekonomiyang nakakatayo sa
sarili at malaya na epektibong kinokontrol ng mga Pilipino.

SEKSYON 20. Kinikilala ng Estado ang napakahalagang gampanin ng pribadong
sektor, pinasisigla ang pribadong negosyo, at nagbibigay ng insentibo sa
kinakailangang pamumuhunan.

SEKSYON 21. Dapat itaguyod ng Estado ang komprehensibong pagpapaunlad na
pangnayon at repormang agraryan.

SEKSYON 22. Kinikilala at itinataguyod ng Estado ang mga karapatan ng mga
katutubong pamayanang kultural sa loob ng balangkas ng pambansang pagkakaisa at
pag-unlad.

SEKSYON 23. Dapat pasiglahin ng Estado ang mga organisasyong di-pampamahalaan,
saligpamayanan, o sektoral na nagtataguyod ng kagalingan ng bansa.

SEKSYON 24. Kinikilala ng Estado ang napakahabang gampanin ng komunikasyon at
impormasyon sa pagbuo ng bansa.

SEKSYON 25. Dapat seguruhin ng Estado ang awtonomiya ng mga pamahalaang lokal.

SEKSYON 26. Dapat seguruhin ng Estado ang pantay na pag-uukol ng mga
pagkakataon para sa lingkurang pambayan, at ipagbawal ang mga dinastiyang
politikal ayon sa maaaring ipagkahulugan ng batas.

SEKSYON 27. Dapat pamalagiin ng Estado ang pagkamatapat at pagkamarangal sa
lingkurang pambayan at magsagawa ng positibo at epektibong mga hakbangin laban
sa graft and corruption.

SEKSYON 28. batay sa makatwirang mga kondisyon na itinakda ng batas, inaangkin
at ipinatutupad ng Estado ang patakarang lubos na hayagang pagsisiwalat ng
lahat ng mga transaksyon nito na kinapapalooban ng kapakanang pambayan.

ARTIKULO III

KATIPUNAN NG MGA KARAPATAN
(Bill of Rights)

SEKSYON 1. Hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan, or ariarian ang sino mang
tao nang hindi kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sino mang tao ng pantay na
pangangalaga ng batas.

SEKSYON 2. Ang karapatan ng mga taong-bayan na magkaroon ng kapanatagan sa
kanilang sarili, pamamahay, papeles, at mga bagay-bagay laban sa hindi
makatwirang paghahalughog at pagsamsam sa ano mang layunin ay hindi dapat
labagin, at hindi dapat maglagda ng warrant sa paghalughog o warrant sa
pagdakip maliban kung may malinaw na dahilan na personal na pagpapasyahan ng
hukom matapos masiyasat ang mayhabla at ang mga testigong maihaharap niya sa
ilalim ng panunumpa o patotoo, at tiyakang tinutukoy ang lugar na hahalughugin,
at mga taong darakpin o mga bagay na sasamsamin.

SEKSYON 3. (1) Hindi dapat labagin ang pagiging lihim ng komunikasyon at
korespondensya maliban sa legal na utos ng hukuman, o kapag hinihingi ang
naiibang kaligtasan o kaayusan ng bayan ayon sa itinakda ng batas.
(2) Hindi dapat tanggapin para sa ano mang layunin sa alin mang hakbangin
sa paglilitis ang ano mang ebidensya na nakuha nang labag dito o sa sinusundang
seksyon.

SEKSYON 4. Hindi dapat magpatibay ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa
pananalita, pagpapahayag, o ng pamamahayagan, o sa karapatan ng mga taong-bayan
na mapayabang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang
mga karaingan.

SEKSYON 5. Hindi dapat magbalangkas ng batas para sa pagtatatag ng relihiyon,
o nagbabawal sa malayang pagsasagamit nito. Dapat ipahintulot magpakailanman
ang malayang pagsasagamit at pagtatamasa ng pagpapahayag ng relihiyon at
pagsamba nang walang pagtatangi o pamimili. Hindi dapat kailanganin ang
pagsusulit pangrelihiyon sa pagsasagamit ng karapatang sibil o pampulitika.

SEKSYON 6. Hindi dapat bawalan ang kalayaan sa paninirahan at ang pagbabago ng
tirahan sa saklaw ng mga katakdaang itinatadhana ng batas maliban sa legal na
utos ng hukuman. Ni hindi dapat bawalan ang karapatan sa paglalakbay maliban
kun gpara sa kapakanan ng kapanatagan ng bansa, kaligtasang pambayan, o
kalusugang pambayan ayon sa maaaring itadhana ng batas.

SEKSYON 7. Dapat kilalanin ang karapatan ng taong-bayan na mapagbatiran
hinggil sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa tanan. Ang kaalaman sa mga
opisyal na rekord, at sa mga dokumento at papeles tungkol sa mga opisyal na
gawain, transaksyon, o pasya, gayon din sa mga datos sa pananaliksik ng
pamahalaan na pinagbabatayan ng patakaran sa pagpapaunlad ay dapat ibigay sa
mamamayan sa ilalim ng mga katakdaang maaaring itadhana ng batas.

SEKSYON 8. Hindi dapat hadlangan ang karapatan ng mga taong-bayan kabilang ang
mga naglilingkod sa publiko at pribadong sektor na magtatag ng mga asosasyon,
mga unyon, o mga kapisanan sa mga layuning hindi lalabag sa batas.

SEKSYON 9. Ang mga pribadong ariarian ay hindi dapat kunin ukol sa gamit
pambayan nang walang wastong kabayaran.

SEKSYON 10. Hindi dapat magpatibay ng batas na sisira sa pananagutan ng mga
kontrata.

SEKSYON 11. Hindi dapat ipagkait sa sino mang tao ang malayang pagdulog sa mga
hukuman at sa mga kalupunang mala-panghukuman at sa sat na tulong pambatas nang
dahil sa karalitaan.

SEKSYON 12. (1) Ang sino mang tao na sinisiyasat dahil sa paglabag ay dapat
magkaroon ng karapatang mapatalastasan ng kaniyang karapatang magsawalang-kibo
at magkaroon ng abogadong may sapat na kakayahan at malaya na lalong
kanais-nais kung siya ang maypili. Kung hindi niya makakayanan ang
paglilingkod ng abogado, kinakailangang pagkalooban siya ng isa. Hindi
maiuurong ang mga karapatang ito maliban kung nakasulat at sa harap ng abogado.
(2) Hindi siya dapat gamitan ng labis na pagpapahirap, pwersa, dahas,
pananakot, pagbabanta, o ano mang paraaan na pipinsala sa kanyang malayang
pagpapasya. Ipinagbabawal ang mga lihim kulungan, solitaryo, ingkomunikado, o
iba pang katulad ng anyo ng detensyon.
(3) Hindi dapat tanggaping ebidensya laban sa kanya ang ano mang
pagtatapat o pag-amin na nakuha nang labag sa seksyong ito o sa seksyong
labing-pito.
(4) Dapat magtadhana ang batas ng mga kaparusahang penal at sibil sa mga
paglabag sa seksyong ito at gayon din ng bayad-pinsala at rehabilitasyon sa mga
biktima ng labis na mga paghihirap o katulad ng mga nakagawian, at sa kanilang
mga pamilya.

SEKSYON 13. Ang lahat ng mga tao, maliban sa mga nahahabla sa mga paglabag na
pinarurusahan ng reclusion perpetua kapag matibay ang ebidensya ng pagkakasala,
bago mahatulan, ay dapat mapyansahan ng sapat ng pyador, o maaaring palayain sa
bisa ng panagot ayon sa maaaring itadhana ng batas. Hindi dapat bawalan ang
karapatan sa pyansa kahit na suspendido ang pribilehiyo ng writ of habeas
corpus. Hindi dapat kailanganin ang malabis na pyansa.

SEKSYON 14. (1) Hindi dapat papanagutin sa pagkakasalang kriminal ang sino
mang tao nang hindi kaparaanan ng batas.
(2) Sa lahat ng mga pag-uusig kriminal, ang nasasakdal ay dapat ituring
na walang sala hangga't hindi napapatunayan ang naiiba, at dapat magtamasa ng
karapatang magmatwid sa pamamagitan ng sarili at ng abogado, mapatalastasan ng
uri at dahilan ng sakdal laban sa kanya, magkaroon ng mabilis, walang
kinikilingan, at hayagan paglitis, makaharap ang mga testigo, magkaroon ng
sapilitang kaparaanan upang matiyak ang pagharap ng mga testigo sa paglilitaw
ng ebidensyang para sa kanyang kapakanan. Gayon man, matapos mabasa ang
sakdal, maaring ituloy ang paglilitis kahit wala ang nasasakdal sa pasubaling
marapat na napatalastasan siya at di makatwiran ang kanyang kabiguang humarap.

SEKSYON 15. Hindi dapat suspindihin ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus,
maliban kung may pananalakay o paghihimagsik, kapag kinakailangan ng kaligtasan
pambayan.

SEKSYON 16. Dapat magkaroon ang lahat ng mga tao ng karapatan sa madaliang
paglutas ng kanilang mga usapin sa lahat ng mga kalupunang panghukuman,
mala-panghukuman, o pampangasiwaan.

SEKSYON 17. Hindi dapat pilitin ang isang tao na tumestigo laban sa kanyang
sarili.

SEKSYON 18. (1) Hindi dapat detenihin ang sino mang tao dahil lamang sa
kanyang paniniwala at hangaring pampulitika.
(2) Hindi dapat pairalin ang ano mang anyo ng sapilitang paglilingkod,
maliban kung kaparusahang pataw ng hatol ng pagkakasala.

SEKSYON 19. (1) Hindi dapat ipataw ang malabis na multa, ni ilapat ang
malupit, imbi o di-makataong parusa, o ang parusang kamatayan, matangi kung
magtadhana ang Kongreso ng parusang kamatayan sa mga kadahilanang bunsod ng mga
buktot ng krimen. Dapat ibaba sa reclusion perpetua ang naipataw nang parusang
kamatayan.
(2) Dapat lapatan ng kaukulang batas ang pagpapahirap na pisikal,
sikolohikal, o imbing pagpaparusa sa sino mang bilanggo o detenido o ang
paggamit ng mga kaluwagang penal na di-makatao.

SEKSYON 20. Hindi dapat ibilanggo ang isang tao nang dahil sa pagkakautang o
hindi pagbabayad ng sedula.

SEKSYON 21. Hindi dapat na ang isang tao ay makalawang masapanganib ng
kaparusahan sa iisang paglabag. Kung pinarurusahan ng batas at ng ordinansa
ang isang kagagawan, ang pagkaparusa o pakaabswelto sa ilalim ng alin man dito
ay magiging hadlang sa iba pang pag-uusig sa gayon ding kagagawan.

SEKSYON 22. Hindi dapat magpatibay ng batas ex post facto o bill of attainder.

ARTIKULO IV

PAGKAMAMAMAYAN
(Citizenship)

SEKSYON 1. Ang sumusunod ay mga mamamayan ng Pilipinas:
(1) Yaong mga mamamayan ng Pilipinas sa panahon ng pagkakapatibay ng
Konstitusyong ito;
(2) Yaong ang mga ama o mga ina ay mga mamamayan ng Pilipinas;
(3) Yaong mga isinilang bago sumapit ang Enero 17, 1973 na ang mga ina ay
Pilipino, na pumili ng pagkamamamayang Pilipino pagsapit sa karampatang gulang;
at
(4) Yaong mga naging mamamayan ayon sa batas.

SEKSYON 2. Ang katutubong inianak na mga mamamayan ay yaong mga mamamayan ng
Pilipinas mula pa sa pagsilang na wala nang kinakailangang gampanang ano
hakbangin upang matamo o malubos ang kanilang pagkamamamayang Pilipino. Yaong
mga nagpasya na maging mamamayang Pilipino ayon sa Seksyon 1, Talatataan 3 nito
ay dapat ituring na katutubong inianak na mga mamamayan.

SEKSYON 3. Ang pagkamamamayang Pilipino ay maaaring mawala o muling matamo sa
paraang itinatadhana ng batas.

SEKSYON 4. Mananatiling angkin ang kanilang pagkamamamayan ng mga mamamayan
ng Pilipinas na mag-asawa ng mga dayuhan, matangi kung sa kanilang kagagawan o
pagkukulang, sila ay ituturing, sa ilalaim ng batas, nagtakwil nito.

SEKSYON 5. Ang dalawahang katapatan ng mga mamamayan ay salungat sa kapakang
pambansa at dapat lapatan ng kaukulang batas.

ARTIKULO V

KARAPATAN SA HALAL
(Voting Rights)

SEKSYON 1. Ang karapatan sa halal ay maaaring gampanan ng lahat ng mga
mamamayan ng Pilipinas na hindi inalisan ng karapatan ng batas, na labingwalong
taong gulang man lamang, at nakapanirahan sa Pilipinas sa loob ng isang taon
man lamang, at anim na buwan man lamang sa lugar na kanilang bobotohan kagyat
bago maghalalan.

SEKSYON 2. Dapat magtakda ang Kongreso ng isang sistema para maseguro ang
pagiging sekreto at sagrado ng mga balota at gayon din ng isang sistema para sa
pagbotong liban ng mga kwalipikadong Pilipino na nasa ibang bansa.
Para sa mga taong may kapansanan at mga hindi marunong bumasa at sumulat,
ang Kongreso ay dapat bumalangkas ng isang pamamaraan na hindi na kakailanganin
ang tulong ng mga ibang tao. Hanggang sumapit ang panahong iyon, sila ay
pahihintulutang bumoto sa ilalim ng umiiral na mga batas at ng mga tuntuning
maaaring ihayag ng Komisyon ng Halalan upang maprotektahan ng pagiging sekreto
ng balota.


ARTIKULO VI

ANG KAGAWARANG TAGAPAGBATAS
(The Legislative Branch)

SEKSYON 1. Dapat masalalay sa isang Kongreso ng Pilipinas ang kapangyarihang
Tagapagbatas, na dapat binubuo ng isang Senado at isang Kapulungan ng mga
Kinatawan, maliban sa lawak na inilaan sa mga taongbayan ng tadhana tungkol sa
pagpapatiuna at referendum.

SEKSYON 2. Ang Senado ay dapat buuin ng dalawampu't apat na Senador na dapat
ihalal sa kalahatan ng mga kwalipikadong botante ng Pilipinas, ayon sa maaaring
itadhana ng batas.

SEKSYON 3. Hindi dapat maging Senador ang sino mang tao matangi kung siya ay
katutubong ipinanganak na mamamayan ng Pilipinas at, sa araw ng halalan,
dalawamput limang taong gulang man lamang, nakababasa at nakasusulat,
rehistradong botante, at naninirahan sa Pilipinas sa loob ng panahong hindi
kukulangin sa dalawang taon kagyat bago sumapit ang araw ng halalan.

SEKSYON. Ang taning ng panunungkulan ng mga Senador ay dapat na anim na taon
at dapat magsimula, matangi kung may naiibang itinatadhana ang batas, sa
katanghalian ng ikatatlumpung araw ng Hunyo na sumusunod sa araw ng
pagkakahalal sa kanila.
Hindi dapat manungkulan ang sino mang Senador ng mahigit sa dalawang
magkasunod na taning ng panunungkulan. Ang boluntaryong pagtalikod sa
katungkulan sa ano mang tagal ng panahon ay hindi dapat ituring na pagkaputol
sa pagpapatuloy ng kanyang paglilingkod para sa buong taning na panahon ng
panunungkulan na pinaghalalan sa kanya.

SEKSYON 5. (1) Ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay dapat buuin ng hindi hihigit
sa dalawang daan at limampung kagawad matangi kung magtakda ang batas ng
naiiba, na dapat ihalal mula sa mga purok pangkapulungan na pinaghati-hati sa
mga lalawigan, mga lungsod at Metropolitan Manila Area ayon sa rami ng
kinauukulang mga naninirahan, at batay sa magkakatulad at paunlad na pagdami,
at yaong ayon sa itinatadhana ng batas ay dapat ihalal sa pamamagitan ng
sistemang party-list ng rehistradong partido o organisasyong pambansa,
panrehiyon, at pansektor.
(2) Ang kinatawang party-list ay dapat na binubuo ng dalawampung porsyento
ng lahat ng mga kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan. Sa loob ng tatlong
magkakasunod na taning ng panunungkulan pagkaraang maratipikahan ang
Konstitusyong ito, ang kalahati sa mga pwestong nakalaan sa mga kinatawang
party-list ay dapat punan, ayon sa itinatadhana ng batas, sa pamamagitan ng
pagpili o paghahalal mula sa sektor ng mga manggagawa, magsasaka, mahirap na
tagalungsod, mga katutubong pamayanang pangkalinangan, mga kababaihan, kabataan
at sa iba pang mga sektor na maaaring itadhana ng batas, maliban sa sektor na
panrelihiyon.
(3) Ang bawat purok pangkapulungan ay dapat buuin, hangga't maaari, ng
teritoryong magkakaratig, buo, at magkatabi. Ang bawat lungsod na ang
populasyon ay dalawang daa't limampung libo man lamang, o ang bawat lalawigan,
ay dapat magkaroon ng isa man lamang kintawan.
(4) Sa loob ng tatlong taon kasunod ng ulat ng bawat census, ang Kongreso
ay dapat gumawa ng muling paghahati ng mga purok pangkapulungan batay sa mga
pamantayang itinatadhana sa seksyong ito.

SEKSYON 6. Hindi dapat maging Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang sino
mang tao matangi kung siya ay katutubong ipinanganak na mamamayan ng Pilipinas
at, sa mga araw ng halalan, ay dalawampu't limang taong gulang man lamang,
nakababasa at nakasusulat, at, maliban sa mga kinatawan ng party-list,
rehistradong botante sa purok na paghahalalan sa kanya, at nakapanirahan doon
sa loob ng panahong di kukulangin sa isang taon kagyat bago sumapit ang araw ng
halalan.

SEKSYON 7. Ang mga Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan ay dapat ihalal para
sa taning ng tatlong taon na magsisimula, matangi kung may naiibang
itinatadhana ang batas, sa katanghalian ng ikatatlumpung araw ng Hunyo na
sumusunod sa pagkahala sa kanila.
Hindi dapat manungkulan ang sino mang Kagawad ng Kapulungan ng mga
Kinatawan nang mahigit sa tatlong magkakasunod na taning ng panunungkulan. Ang
boluntaryong pagtalikod sa katungkulan sa ano mang tagal ng panahon ay hindi
dapat ituring na pagkaputol sa pagpapatuloy ng kanyang paglilingkod para sa
buong taning ng panahon ng panunungkulan sa pinaghalalan sa kanya.

SEKSYON 8. Matangi kung may naiibang itatadhana ang batas, ang regular na
halalan ng mga Senador at ng mga Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan ay
dapat iraos sa ikalawang Lunes ng Mayo.

SEKSYON 9. Kung magkabakante sa Senado o sa Kapulungan ng mga Kinatawan,
maaaring tumawag ng tanging halalan upang punan ang pagkakabakanteng iyon sa
paraang itinakda ng batas, ngunit ang Senador o Kagawan ng Kapulungan ng mga
Kinatawan na mahahalal sa gayong paraan ay manunuparan sa loob lamang ng
nalalabing panahon ng di pa natapos na taning.

SEKSYON 10. Dapat itakda ng batas ang mga sahod ng mga Senador at ng mga
Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan. hindi dapat magkabisa ang ano mang
pagdaragdag sa nasabing sahod hanggang hindi natatapos ang buong taning sa
panunungkulan ng lahat ng Kagawad ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan
na nagpatibay sa pagdaragdag na iyon.

SEKSYON 11. Ang isang Senador o Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa
lahat ng mga paglabag na may parusang pagkabilanggong hindi hihigit sa anim na
taon, ay dapat na may pribilehiyo laban sa pagkaaresto habang may sesyon ang
Kongreso. Ang isang Kagawad ay hindi dapt tanungin o papanagutin sa alin mang
ibang lugar dahil sa ano mang talumpati o debate sa Kongreso o sa alin mang
komite nito.

SEKSYON 12. Ang lahat ng mga Kagawad ng Senado at ng Kapulungan ng mga
Kinatawan, sa simula ng panunungkulan, ay dapat na magsagawa ng ganap na
pagsisiwalat ng kanilang mga interes na pampananalapi at pangnegosyo. Dapat
ipabatid nila sa kinauukulang Kapulungan ang maaaring umusbong na salungat na
interes sa paghaharap ng isang panukalang pagsasabatas na sila ang may-akda.

SEKSYON 13. Ang isang Senador o Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan ay
hindi maaaring humawak sa panahon ng kanyang panunungkulan ng ano mang ibang
katungkulan o pagkaka-empleyado sa pamahalaan, o sa alin mang bahagi, sangay,
instrumentalidad nito, kabilang ang mga korporasyong ari o kontrolado ng
pamahalaan o mga subsidiary nito, nang hindi magbibitiw sa kanyang katungkulan.
Hindi rin siya dapat mahirap sa alin mang katungkulan na maaaring nalikha o
naragdagan ang sahod sa loob ng taning na panahon ng panunungkulan na
pinaghalalan sa kanya.

SEKSYON 14. Hindi maaaring personal na humarap ang sino mang Senador o Kagawan
ng Kapulungan ng mga Kinatawan bilang abogado sa ano mang hukuman ng katarungan
o sa mga Hukumang Panghalalan, o sa mga kalupunang mala-panghukuman at sa iba
pang mga kalupunang pampangasiwaan. Hindi rin siya dapat maging interesado sa
pananalapi nang tuwiran o di-tuwiran sa ano mang kontrata sa, o sa ano mang
prangkisa o tanging pribilehiyo na ipinagkaloob ng Pamahalaan, o ng alin mang
bahagi, sangay, o instrumentalidad nito, kasama ang alin mang korporasyong ari
o kontrolado ng pamahalaan, o ang subsidiary nito, sa loob ng taning ng panahon
ng kanyang panunungkulan. Hindi siya dapat makialam sa ano mang bagay na
maaaring niyang pagkakitaan sa alin mang tanggapan ng Pamahaalan o bagay na
maaari siyang tawagin upang magpasya dahil sa kanyang katungkulan.

SEKSYON 15. Ang Kongreso ay dapat magsimula ng pulong minsan isang taon sa
ikaapat na Lunes ng Hulyo ukol sa regular na sesyon nito, matangi kung may
ibang petsang itakda ang batas, at dapat magpatuloy na nagsesesyon sa loob ng
tiyak na bilang ng mga araw na maaari nitong itakda hanggang sa tatlumpung araw
bago magbukas ang susunod na regular na sesyon na ito, hindi kasama ang Sabado,
mga Linggo, at mga pista opisyal. Ang Pangulo ay maaaring tumawag ng tanging
sesyon sa ano mang oras.

SEKSYON 16. (1) Ang Senado ay dapat maghalal ng Pangulo nito at ang Kapulungan
ng mga Kinatawan ng Speaker nito, sa pamamagitan ng mayoryang bto ng lahat ng
kauukulang Kagawad nito.
Ang bawat Kapulungan ay dapat pumili ng iba pang mga pinuno na sa palagay
nito ay maaaring kinakailangan.
(2) Ang mayorya ng bawat Kapulungan ay dapat bumuo ng quorum upang
makatupad ng gawain, ngunit ang lalong maliit na bilang ay maaaring magtindig
ng pulong sa magha-maghapon at maaaring sapilitiang padaluhin ang mga Kagawad
na hindi dumadalo sa ano mang paraan, at sa ilalim ng mga parusa, na maaaring
itadhana ng Kapulungan iyon.
(3) Ang bawat Kapulungan ay maaaring magtakda ng mga alituntunin ng mga
gawain nito, magparusa sa mga Kagawad nito dahil sa maligalig na kaasalan, at
sa pagsang-ayon ng dalawang-katlo ng lahat mga Kagawad nito, ay magsuspindi o
magtiwalag ng isang Kagawad. Ang parusang suspensyon kapag ipinataw, ay hindi
dapat humigit sa animnapung araw.
(4) Ang bawat Kapulungan ay dapat mag-ingat ng isang Journal ng mga gawain
nito, at sa pana-panahon ay maglathala niyon, maliban sa mga bahagi na sa pasya
nito ay maaaring may kinalaman sa pambansang kapanatagan; at ang mga "Oo" at
mga "Hindi" sa ano mang suliranin ay dapat itala sa Journal, sa kahiligan ng
isang-kalima ng mga Kagawad na dumalo.
Ang bawat Kapulungan ay dapat mag-ingat ng isang Record ng mga gawain nito.
(5) Ang alin man sa dalawang Kapulungan sa panahon ng mga pagpupulong ng
Kongreso ay hindi dapat magtindig ng pulong nang mahigit sa tatlong araw, o
lumipat sa alin mang pook na iba sa sadyang pulungan ng dalawang Kapulungan,
nang di kasang-ayon ang isa't isa.

SEKSYON 17. Ang Senado at ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay dapat magkaroon
ng sari-sariling Hukumang Pannghalalan na magiging tanging tagahatol ng lahat
ng tunggalian hinggil sa halalan, mga ulat ng halalan, at mga kwalipikasyon ng
kani-kanilang mga Kagawad. Ang bawat Hukumang Panghalalan ay dapat buuin ng
siyam na Kagawad, ang tatlo ay dapat mga Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman na
itatalaga ng Punong Mahistrado, at ang natitirang anim ay dapat na mga Kagawad
ng Senado o ng Kapulungan ng mga Kinatawan, gaya ng nararapat, na pipiliin
batay sa representasyong proporsyonal mula sa mga partidong pampulitika at sa
mga partido o organisasyong nakarehistro sa ilalim ng sistemang party-list na
kinakatawan doon. Ang nakatataas na Mahistrado sa Hukumang Panghalalan ay
dapat na Tagapangulo nito.

SEKSYON 18. Dapat magkaroon ng isang Komisyon sa Paghirang na bubuuin ng
Pangulo ng Senado, bilang Tagapangulo ex-officio, labindalawang Senador at
labindalawang Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na halal ng bawat
Kapulungan batay sa representasyong proporsyonal mula sa mga partidong
pampulitika at sa mga partido o organisasyong nakarehistro sa ilalim ng
sistemang party-list na kinakatawan doon. Ang Tagapangulo ng Komisyon ay hindi
dapat bumoto, maliban sa kaso ng pagpapatas. Dapat magpasya ng Komisyon sa
lahat ng mga paghirang na iniharap dito sa loob ng tatlumpung araw ng sesyon ng
Kongreso mula sa paghaharap ng mga ito. Dapat maglagda ng pasya ang Komisyon
sa pamamagitan ng mayoryang boto ng lahat ng Kagawad.

SEKSYON 19. Ang mga Hukumang Panghalalan at ang Komisyon ng Paghirang ay dapat
buuin sa loob ng tatlumpung araw makaraang matatag ang Senado at ang Kapulungan
ng mga Kinatawan sa pagkakahalal ng Pangulo ng Senado at ng Speaker. Ang
Komisyon sa Paghirang ay dapat magpulong sa panahon lamang na may sesyon ang
Kongreso, sa tawag ng Tagapangulo nito o ng nakararami sa mga kagawad nito,
upang tuparin ang mga kapangyarihan at tungkulin na ipinagkaloob dito.

SEKSYON 20. Ang mga record at mga libro ng kwenta ng Kongreso ay dapat
pangalagaan at ilahad sa madla nang naaayon sa batas, at ang gayong mga libro
ay dapat ma-audit ng Komisyon sa Audit na maglalathala taun-taon ng inisaisang
listahan ng mga halagang ibinayad sa at ginugol para sa bawat Kagawad.

SEKSYON 21. Ang Senado o ang Kapulungan ng mga Kinatawan o alin man sa
kanilang mga kaukulang komite ay maaaring magsagawa ng mga pasisiyasat bilang
tulong sa pagbabatas ayon sa mga alintuntunin ng mga pamamaraan nito na marapat
na nalathala. Dapat igalang ang mga karapatan ng mga taong humarap sa o
apektado ng gayong mga pagsisiyasat.

SEKSYON 22. Ang mga puno ng mga kagawaran, sa kanilang sariling pagkukusa na
kasangayon ang Pangulo, o sa kahilingan ng alin man sa dalawang Kapulungan,
gaya ng dapat itadhana ng mga alituntunin ng bawat Kapulungan, ay maaaring
humarap at dingin ng gayong Kapulungan hinggil sa ano mang bagay na nauugnay sa
kanilang mga kagawaran. Ang mga nakasulat na katanungan ay dapat iharap sa
Pangulo ng Senado o sa Speaker ng Kapulungan ng mga Kinatawan tatlong araw man
lamang bago sumapit ang kanyang nakatakdang pagharap. Ang mga interpelasyon ay
hindi dapat tungkol lamang sa naiharap na mga katan

Renowl

unread,
Aug 21, 2004, 12:42:39 PM8/21/04
to
Kami, ang nakapangyayaring sambayanang Pilipino, na humihingi ng tulong sa
Makapangyarihang Diyos, upang bumuo ng isang makatarungan at makataong lipunan


we the people of the philippines , ask almighty god for aid in forming a
just and humane society .

at magtatag ng isang Pamahalaan nakakatawan sa aming mga mithiin at mga
lunggatiin, magtataguyod ng kabutihan sa bawat isa,

to create a government that mirrors our asperations, dreams, that upholds
the well being of everyone

mangangalaga at
magpapaunlad ng aming kamanahan,

that nurtures and increase our resources

at titiyak para saming sarili at angkanang
susunod ng mga biyaya ng kalayaan at demokrasya sa ilalim ng pananaig ng batas

that ensures for ourselves the blessings of freedom and democracy under
the rule of law.


at ng pamamahalang puspos ng katotohanan, katarungan, kalayaan, pag-ibig,
pagkakapantay-pantay at kapayapaan, ay naglalagda at naghahayag ng
Konstitusyong ito.

and a government filled with truth , justice, freedom , love, equality
and peace.

so far soo good a lot of these promises have not been followed. is there
equality in the philippines? love for the poor the common man ? is there
peace? is our natural resources nurtured and protected? is the filipino
wellbeing and aspirations followed ? are they allowed to prosper without
government hindrances ? does that mean we are unconstitutional in structure?

kurakot

unread,
Aug 21, 2004, 3:05:59 PM8/21/04
to

"Renowl" <ren...@aol.com> wrote in message
news:20040821124239...@mb-m15.aol.com...

=======


> we the people of the philippines , ask almighty god for aid in forming
a
> just and humane society .

heh he he he he he

k

0 new messages