Ka Soly: Babae, Ina, Rebolusyonaryo

12 views
Skip to first unread message

marco

unread,
May 4, 2011, 4:18:35 AM5/4/11
to angb...@yahoo.com

Ka Soly: Babae, Ina, Rebolusyonaryo

Secretariat
Regional Party Committee
CPP-Southern Tagalog
Mayo 4, 2011

Malinaw sa akin ang sinumpaan at batid na ang mga kahirapan, sakripisyo at posibleng kamatayan ay darating kanino man at sinuman at naniniwala ako na hindi masasayang ang mga pagsisikap na ito.- Ka Soly

Nagmula sa isang pamilyang magsasaka sa lalawigan ng Albay, ipinanganak noong Okt. 31, 1959 sa Camarines Sur si Kasamang Rosemarie Dumanais o mas kilala bilang Kasamang Soly/Ensa. Maagang namulat si Ka. Soly sa kahirapan at krisis ng lipunan. Bilang panganay sa tatlong magkakapatid na babae, nakatuwang sya ng kanyang ina sa paghahanapbuhay sa pamamagitan ng paghahabi ng abaka sa murang edad pa lamang. Ang kalagayang ito ang nagbunsod ng kanyang interes sa pulitika at pagiging aktibo sa mga organisasyon ng kabataan sa kanilang lugar. Ang interes at kamalayang ito rin ang nagbukas ng pintuan upang walang pag-aalinlangang tanggapin ni Ka Soly ang rebolusyonaryong kilusan.

Hindi naging hadlang ang kanyang kasarian sa paggampan niya ng kanyang mga tungkulin sa rebolusyon. Enero ng taong 1979 nang maugnayan si Ka Soly ng mga kasama sa kilusan. Sa unang yugto ng kanyang pagkilos, pinangunahan niya ang pagtatayo at pagpapalapad ng mga grupo ng kabataan sa iba pang mga barangay ng kanilang bayan. Nagbibigay siya ng mga pag-aaral sa iba't ibang kursong masa. Pana-panahong siyang naghahatid sa mga kasama sa paglipat-lipat ng mga sityo at tumutulong sa pangangalap ng suplay para sa BHB. Nakakitaan ng tapang at kapursigihan si Ka Soly sa anumang gawaing kanyang ginagampanan. Bunga ng masidhing pagnanais na mas makapag-ambag sa rebolusyon at mas mapalalim pa ang paglilingkod sa mamamayan, sumapi si Ka Soly sa Partido Komunista ng Pilipinas at sumampa sa Bagong Hukbong Bayan (NPA) sa saklaw ng hangganang Quezon-Bikol noong Marso 1980 sa edad na beinte-uno (21). Pinili niyang taluntunin ang landas ng armadong pakikibaka. Sa mga unang yugto, kumilos siya sa hanay ng mga estudyante bilang mala-ligal na pangkat.

Noong Nobyembre 1981, kumilos si Ka Soly sa sonang gerilya ng Timog Katagalugan kasama ang kanyang kabiyak. Itinalaga siya sa isang sandatahang yunit pampropaganda (SYP) ng NPA na sumasaklaw ng tatlong (3) bayan ng Batangas. Habang nagdadalantao, isang taon ring naging medical staff si Ka Soly nang pansamantalang kumilos siya sa lungsod. Matapos makapagluwal, muli siyang bumalik sa sonang gerilya ng Quezon noong Nobyembre 1984 at pumaloob sa SYP na nakasasaklaw sa tatlong (3) bayan. Mula sa karaniwang mandirigma, naging upisyal sa lohistika (S4) ng yunit si Ka Soly at noong 1985 ay naging pangalawang lider siya ng binuong pangkat sa pagpapatatag (PPT) sa isang bayan ng Central Quezon (CQ). Bago matapos ang taon, inatasang magkalihim si Ka Soly sa binuong sangay sa militari sektor (SMS) sa tatlong (3) bayan at noong Mayo 1986 ay naging panghaliling kagawad ng komite sa larangang gerilya (KLG) ng Laguna at Central Quezon at hindi nagtagal ay naging regular na kagawad ng Komiteng Distrito (KD) ng Central Quezon. Taong 1987 nang maging regular na miyembro si Ka Soly ng KLG, komiteng tagapagpaganap ng KD at tuloy-tuloy na nagkalihim ng SMS sa apat (4) na bayan sa Quezon. Kumilos rin sya sa Laguna noong 1991 at nagkalihim sa laking platun na komiteng sub-distrito. Noong 1993 hanggang 1994, naging pangalawang kalihim naman siya ng KD. Taong 1996, tinalaga si Ka Soly bilang kalihim ng KLG-CQ. Ginampanan niya ang mga tungkuling ito nang may ibayong paninindigan at tiwala sa Partido.

Dahil sa mahusay na paggampan ng gawain, hinirang siyang kagawad ng Komiteng Rehiyon ng TK noong 1994 at nahalal bilang regular na kagawad ng komiteng rehiyon (KR) sa ginanap na Ikatlong Pangrehiyong Kumperensya ng Partido sa TK noong 1997 at pagkatapos bilang kagawad ng komiteng tagapagpaganap nito (KTKR) sa plenum ng KR noong 2000.

Kahanga-hanga ang paglaban niya sa gitna ng mga suliranin. Hindi matatawaran ang tibay ng pagtangan niya sa mga rebolusyonaryong teorya. Patuloy nyang pinapalalim ang kanyang kaalaman at inilalapat ang kanyang mga pinag-aralan sa mas mahusay na paggampan ng gawain. Hindi siya nagpatangay sa mga tendensiya na makakaapekto sa kanyang paglilingkod sa bayan. Bagkus patuloy siyang sumagupa sa alon at matagumpay na nakapangibabaw sa mga kontradiksyon. Marunong siyang tumanggap ng mga pagkakamali at puna at ginagamit ito sa pagpapanibagong hubog bilang isang rebolusyonaryong komunista. Larawan si Ka Soly ng simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka. Minahal siya at niyakap ng bawat ina, kapatid at anak na kanyang nakasalamuha.

Sa loob ng kilusan niya nakilala ang kanyang naging kabiyak, ama ng kanyang mga anak at naging katuwang sa pakikibaka na si Kasamang Gregorio "Ka Roger" Rosal, ang tagapagsalita ng Partido. Magkatuwang nilang binuo ang isang rebolusyonaryong pamilya at nagsilbing suporta nila ang isa't isa sa ibayong pagpapatatag ng paninindigan at pagpapahusay ng rebolusyonaryong praktika. Naging inspirasyon ni Ka Soly ang kanyang pamilya upang mas magpursige sa pagsusulong ng rebolusyonaryong adhikain. Ganundin naman, nagsilbi silang inspirasyon sa bawat kasamang nagbubuo ng sariling mga pamilya. Isa siyang inang hinubog ang kanyang mga anak sa tamis at pait ng digma. Pinili niya ang daan ng sakripisyo at pagwawalay para sa isang mas malalim na tungkulin, ang maging ina sa marami pang mga anak na dinudusta ng kahirapan at pagsasamantala. Ang lalim ng kanyang pagmamahal sa kanyang pamilya ay sing-lalim ng pag-ibig niya sa bayan, isang balong walang katapusan at walang hanggan.

Sa isang labanan sa Mauban, Quezon napaslang si Ka. Soly noong Pebrero 7, 2011 habang magiting na lumalaban sa mersenaryong militar--isang martir ng rebolusyon na ang buhay at pakikibaka ay huwaran ng matapat na paglilingkod sa masang pinagsasamantalahan at inaapi.

Sa harap ng kamatayan, hindi kinakitaan si Ka Soly ng takot sa harap ng kaaway. Hindi matutumbasan ang kanyang tapang at paninindigan habang binabaybay ang matatarik na daan at pinoprotektahan ang kanilang hanay. Hindi siya natinag sa usok at palitan ng mga putok ng baril sa gitna ng labanan. Malinaw kay Ka Soly na ang buhay ay may katapusan ngunit ang tunay na sukatan ng halaga nito ay kung paano ito nilipos at kung kanino ito inialay. Hanggang sa huling sandali, nabuhay si Ka Soly na nakikibaka at pumanaw na isang bayani at martir ng rebolusyon.

Ang kanyang kamatayan ay simbigat ng Bundok ng Sierra Madre at Banahaw. Ipinagluluksa ng rebolusyonaryong mamamayan, ng Partido at hukbong bayan ang kanyang kamatayan at ginugunita ang kanyang buhay na puno ng kabayanihan at bilang huwarang kasama, rebolusyonaryo, babae at ina.

Tulad ng marami pang anak ng bayan, hindi tinalikuran ni Kasamang Soly ang tungkuling ito. Tatlumpu't dalawang taon ng kanyang buhay ang inialay niya sa matapat na paglilingkod sa interes ng rebolusyon, sa mamamayan at sa bayan. Hindi mapipigil ng punglong kumitil sa kanyang buhay ang diwa ng nag-aalab na pagnanais na kumawala sa tanikala ng pang-aalipin. Hindi maglalaho sa pagtigil ng tibok ng kanyang puso ang mga alaala ng isang kasama, babae, ina at rebolusyonaryo. Ang kanyang mga ambag sa patuloy at papalakas na pagsulong ng rebolusyon ay mamanahin ng mga susunod pang mga henerasyon ng rebolusyonaryo--mga batang henerasyon na susunod sa kanyang mga yapak at tatangan sa kanyang nabitiwang sandata. Mabuhay ka Ka Soly! Ang iyong diwa ay mananatiling buhay at nag-aalab sa puso at kamalayan ng sambayanang iyong pinaglingkuran. Apoy na kailanman ay hindi magmamaliw.

Reply all
Reply to author
Forward
0 new messages