Ang pagdakip ng Gubyerno ng Pilipinas (GPH) kay Alan Jazmines noong
Pebrero 14, 2011 ay malaking paglabag sa Joint Agreement on Safety
and Immunity Guarantees (JASIG). Ang patuloy na pagdetine sa kanya
at 12 pang konsultant ng National Democratic Front of the
Philippines (NDFP) ay lalong nagpapalala sa paglabag ng GPH sa JASIG
at hindi nakatutulong sa paglikha ng kundisyon para muling ituloy
ang pormal na usapang pangkapayapaan ng NDFP at GPH.
Malaking kabulastugan ang ipinangangalandakan ng GPH na matapat
itong tumatalima sa JASIG. Pinalalaki nito ang usapin ng
beripikasyon ng pagkakakilanlan ng mga konsultant ng NDFP at
pinalalabas na ang problema ay nasa NDFP at sa kabiguan nitong
magbigay ng mga patunay na ang mga nakadetineng konsultant ay yaong
nasa listahan ng mga pangalang saklaw ng JASIG.
Pinagtatakpan lamang ng GPH ang tahasang pagyurak nito sa JASIG,
laluna sa tampok na kaso ng pag-aresto at pagdetine kay Jazmines.
Nang arestuhin si Jazmines, iniharap niya ang kanyang papeles bilang
konsultant ng NDFP, partikular na ang kanyang Document of
Identification na may reference number na ND978213 at nasa pangalang
Dodi Lapida. Habang siya'y inaaresto, iginiit ni Jazmines ang
kanyang mga karapatan bilang konsultant ng NDFP Peace Panel na may
garantiya laban sa aresto at detensyon.
Binalewala ng mga tauhang militar at pulis ang JASIG at mga
karapatan ni Jazmines sa ilalim nito. Dagli siyang ikinulong sa PNP
Custodial Center at sinampahan ng gawa-gawang mga kasong kriminal.
Ang malala na ngang paglabag na ito ay lalupang lumalala habang
nagtatagal ang kanyang detensyon, na taliwas sa probisyon ng JASIG
na nagsasaad na pagsuspendi sa lahat ng mga kaso laban sa mga
tauhang saklaw ng kasunduan. Bukod dito, araw-araw ay kinakaharap ni
Jazmines ang panggigipit ng mga abusadong upisyal ng pulisya.
Dapat papanagutin ang GPH sa pagtanggi nitong palayain ang mga
konsultant na iligal nitong inaresto at patuloy na idinedetine.
Dapat din itong singilin sa pagdukot at sapilitang pagkawala nina
Leo Velasco, Prudencio Calubid, Rogelio Calubad at iba pang susing
mga konsultant ng NDFP.