Mga kasama sa AFP-PNP-CAFGU,
NASA GITNA NA TAYO NGAYON NG HIGIT NA TUMITINDING ARMADONG TUNGGALIAN BUNGA NG DESPERADONG PAGHAHANGAD NG PASISTANG REHIMENG US-ARROYO NA DURUGIN ANG REBOLUSYONARYONG PWERSA SA LOOB NG KANYANG TERMINO SA BALANGKAS NG OPLAN BANTAY LAYA II AT SA DESPERADONG PAGTATANGKA NITO NA MAKAPANGUNYAPIT SA PODER LAMPAS SA KANYANG TERMINO SA 2010.
Sa OBL II, ang buong bangis at dahas ng armadong pwersa ng rehimen, ang AFP-PNP-CAFGU ay nakaumang, pangunahin, sa mga inosenteng sibilyan tungo sa pagdurog ng istrukturang militar at pulitikal ng rebolusyonaryong pwersa.
Ngunit, tulad ng mga naunang OPLAN ng kaaway (OPlan Kadena de Amor ni Marcos, OPlan Labat-Bitag ni Aquino, OPlan Sandugo ni Ramos, OPlan Makabayan at Balangai ni Estrada) ang OBL II ay tiyak na hindi magtatagumpay. Inspirasyon namin at gabay sa pagbigo sa OBL II ang aming naging karanasan sa mahusay at magiting na pagbigo sa OBL I at iba pang oplans na nauna dito.
At tulad ng pagbigo sa mga naunang Oplans, ang magiting na paglaban at ubos-kayang pagbigo sa OBL II ay muling pagbubuwisan ng maraming buhay - mula sa aming hanay, sa inyong hanay at lalo't higit sa hanay ng mga inosenteng sibilyan na karamihan ay mga biktima ng extra-judicial killings. Sa bawat labanan, nakakalungkot at nakakapanghinayang ang pagbubuwis ng buhay, hindi lang ng aming mga kasamahan kundi maging sa inyong panig tulad ng walang kabuluhang pagkasawi ng 22 taong gulang na CO ng Casay Detatsment na si 2Lt. Michael Angelo Quibuyen at iba pa. Kasing gaan ng balahibo ang kanilang pagkamatay dahil sa bulag na pagpapatupad ng OBL II ng pasistang rehimeng US-Arroyo. Patuloy na humahaba ang listahan ng ating mga kaswalti, patay at sugatan, habang ang bulag na sinusunod at pinuprotektahan ng inyong mga superyor ay nagpapakasasa sa bilyon-bilyong nakaw na yaman.
Sa ganitong kalagayan, kailangan ba talagang may magbuwis ng buhay sa magka-uri at kapwa mahihirap na mga mandirigma ng BHB at mga sundalo at pulis ng AFP-PNP?
Ang aming sagot ay oo at hindi.
Oo, hanggat patuloy na iiral ang mabangis na katangian at marahas na papel ng AFP-PNP-CAFGU bilang bulag na tagasunod at tagapagtanggol sa pasistang rehimeng US-Arroyo sa balangkas ng OBL I at II. Oo, Kapag magpapagamit kayo, sa pamamagitan ng pandarahas at pandaraya sa eleksyon, sa maskara ng operasyon sa kontra-insurhensya, upang manalo ang mga kandidato ng administrasyon. Oo, hanggat hindi nagbabago ang mersenaryong katangiang ng AFP-PNP-CAFGU at hindi nagkakaroon ng makabuluhang pagbabago at matinong oryentasyon mula sa isang matinong gubyernong magpapatakbo nito na eksaktong kabaliktaran ng papet, mandarambong, mandaraya at pasistang rehimeng US-Arroyo.
Oo, dahil makatarungan, karapatan at tungkulin ng mamamayan na mag-aklas at mag-armas sa pamamagitan ng kanilang Bagong Hukbong Bayan upang ipagtanggol ang sarili sa madugo at marahas na pananalakay ng OBL II at sa kabuuan, ay magtanggol at lumaban sa terorismo ng Estado.
Hindi, kapag kayong higit na nakararaming matitinong elemento ay hindi na pumayag na gamitin ang AFP- PNP-CAFGU bilang "private army" ng pasistang rehimeng US-Arroyo kagaya ng paggamit ng mga Ampatuan sa mga kasamahan ninyo sa Maguindanao at matigas na tumutol na patuloy na gamitin bilang instrumento ng represyon at terorismo.
Hindi, kapag kayong mga makabayang sundalo at pulis na ang mamamayani sa institusyon at ganap na gumampan ng makasaysayang papel bilang tunay na tagapagsilbi at tagapagtanggol ng sambayanan.
Hindi , kapag kayo ay matapat nang maglilingkod sa uri na inyong pinagmulan, ang uring-anakpawis at hindi na magpapaalipin sa naghaharing uri ng mga panginoong maylupa, malalaking burgesya kumprador at imperyalismong US.
Hindi, kapag matapang na kayong sumuway sa utos ng inyong Kalihim at mga Heneral na kurap, utak-pulbura, utak-sindikato at uhaw sa dugong halimaw at magiting na tumutol sa bangis at karahasan ng OBL II.
Mga kasama, hindi tayo ang tunay na magkalaban. Ang tunay nating kalaban ay ang malupit, marahas at mapang-aping sistemang pinaiiral ng mga naghaharing uri na kasalukuyang kinakatawan ng pasistang rehimeng US-Arroyo.
Nananawagan ang mamamayang Sorsoganon na magkaisa tayo sa ubos kayang pagbigo sa kabaliwang ito ng pasistang rehimeng US-Arroyo. Magkaisa din tayong itakwil ang mga kandidatong magpapatuloy sa plataporma ng kurapsyon, panlilinlang, pandarambong at pasismo ng rehimeng US-Arroyo.
Tanging sa ating pagkakaisa, kasabay ang iba pang sektor ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, propesyunal, mga alagad ng simbahan, midya, negosyante at pinunong makabayan, magkakaroon ng tunay at pangmatagalang kapayapaan. Mula dito, sama-sama nating lilikhain ang isang lipunang tunay na malaya, makatarungan, demokratiko at masagana- hindi para sa iilan lang kundi sa buong sambayanan.
Ito ang pinakamakabuluhang pamasko natin sa ating mga pamilya at sa Sambayanang Pilipino.
MABUHAY
ANG MGA MAKABAYANG PULIS AT SUNDALO!
MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN
MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS
MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO